Pagtatalaga kina Gepte at Laya sa COA, inaprubahan sa LA Session


IPINASA sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga resolusyon ukol sa pagtatalaga kina Aimee Joyce Gepte bilang Chairperson at Rafael Laya bilang Vice Chairperson for Audit ng Commission on Audit (COA), Enero 15.

Ipinagpaliban naman para sa susunod na sesyon ang resolusyon ukol sa pagtatalaga kay Kaycee Asis bilang Vice Chairperson for Administration ng COA.

Pagtatalaga kay Gepte bilang COA Chairperson

Binanggit ni Allen Aboy, CATCH2T23, na kasama si Gepte sa mga taong inendorso ni University Student Government (USG) President Lance Dela Cruz kasama ang executive committee. Inendorso si Gepte para sa posisyon ng Chairperson ng COA. 

Ipinaliwanag ni Gepte na layunin ng COA na siguraduhin ang transparency at pananagutan sa mga transaksiyong isinasagawa ng mga yunit ng USG. Naniniwala siyang hindi lamang dapat siguraduhin ng komisyon ang wastong paglalahad ng mga financial statement kundi dapat din nila itong maiparating sa mga mag-aaral. Ani Gepte, “The student body has the right to know what happens with their funds.”

Inilatag din ni Gepte ang ilang plano ng COA sapagkat hindi pa ganoong ka-pamilyar ang mga mag-aaral sa komite dahil muli lamang itong itinaguyod noong nakaraang taon. Para sa kaniya, mahalagang unahin ang pagpapaigting ng kanilang presensiya sa social media sa pamamagitan ng paglalabas ng mga poster at bidyo tungkol sa pagsusumite ng dokumento upang mas madaling makasunod ang mga yunit ng USG. 

Plano rin nilang magsagawa ng mga workshop sa ikalawang termino para sanayin ang mga bagong opisyal. Dagdag pa ni Gepte, nais magkaroon ng COA ng sariling depository fund account dahil makatutulong ito upang mapalawak ng komite ang kanilang mga aktibidad sa hinaharap. 

Iminungkahi rin ni Gepte ang pagsasabay sa pagpasa ng mga dokumento sa COA bilang bahagi ng clearance ng mga yunit ng USG upang mabawasan ang mga kaso ng lacking documents at non-compliance. Kinonsulta na rin nila ang SLIFE at inabisuhan sila ng executive board na talakayin din ito kasama ang LA. 

Binanggit din ni Gepte na makatutulong ang pagtatatag ng COA Tracker at pakikipag-usap sa pamamagitan ng Messenger o Telegram upang mapadali ang proseso ng kanilang pakikipag-ugnayan sa mga yunit ng USG. Naniniwala rin si Gepte na mahalagang magkaroon ng isang COA alignment meeting kasama ang Office of the Treasurer (OTREAS) upang maging mas maayos ang daloy ng transaksiyon para sa mga yunit ng USG. Binanggit niyang kailangang aprubado ng OTREAS ang karamihan ng mga ipapasang dokumento sa COA. 

Sa botong 5-0-0, itinalaga si Gepte bilang Chairperson ng COA.

Pagtatalaga kay Laya bilang COA Vice Chairperson for Audit

Ipinahayag naman ni Michele Gelvoleo, kinatawan ng Laguna Campus Student Government, na nakuha na ni Laya ang pagsusulit para sa mga nagnanais maging Chairperson o Vice Chairperson alinsunod sa manwal ng COA. Kagaya ni Gepte, inendorso rin ng executive committee si Laya para naman sa posisyong Vice Chairperson for Audit.

Naniniwala rin si Laya na dapat siguruhin ang pagpapatuloy ng COA. Para sa kaniya, nararapat lamang na paigtingin ang pagtatatag ng kanilang presensiya sa Pamantasan sa pamamagitan ng paghahanap ng mga panibagong miyembro at pagkakaroon ng isang malakas na publicity team. 

Tinukoy ni Laya na isa sa mga suliraning kinakailangang lutasin sa COA ang pakikipag-ugnayan sa mga yunit ng USG para sa Auditors’ Report na isa sa mahahalagang dokumento sa pagtataguyod ng transparency. Ayon sa kaniya, kadalasang naaantala ang procurement ng mga dokumento bunsod ng isyu sa pagpapasa, gaya ng pagsusumite ng mga dokumento at lagda. Nakaaapekto umano ito sa audit team dahil naaantala din ang pag-iisyu ng independent auditor’s report.

Bunsod nito, iminungkahi ni Laya na magkaroon ng mas maayos na audit engagements sa pamamagitan ng stern audit engagement planning stage. Iginiit niyang hindi maaaring i-audit ng isang mag-aaral ang kolehiyong kaniyang pinagmulan upang panatilihin ang pagiging obhetibo ng audit. 

Dagdag pa niya, magsasagawa rin sila ng isang audit program sa pamamagitan ng mga workshop para ipaalam sa kanilang mga miyembro ang internal controls at substantive audit procedures. Dagdag niya, “Assessing risks. . . requires an audit team to be inquisitive, to observe, to examine as well as to re-perform analytical procedures.”

Sa botong 5-0-0, itinalaga si Laya bilang Vice Chairperson for Audit ng COA.