Rebisyon ng alituntunin sa political partisanship, binigyang-bisa sa LA session


IPINASA sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga resolusyon ukol sa ilang pagbabago sa patnubay para sa political partisanship ng mga opisyal ng University Student Government (USG), at sa mandato sa De La Salle University Laguna Campus Government (DLSU LCSG) na ipakalat sa kampus ng Laguna ang sarbey hinggil sa pangangailangan ng mga estudyante, Enero 13.

Rebisyon sa patnubay ukol sa political partisanship ng USG

Ipinabatid ni Allen Aboy, CATCH2T23, ang pagdaragdag ng isang probisyon ukol sa pagdisiplina sa mga opisyal ng USG na napatunayang lumabag sa student handbook ng mga awtoridad ng Pamantasan, at pag-enmiyenda sa konstitusyon ng USG tungkol sa political partisanship. Paliwanag ni Giorgina Escoto, BLAZE2022, layunin nitong maging tugma sa unang bersyon. 

Sa kabilang banda, kinuwestiyon naman ni Maegan Ragudo, FAST2018, ang kaugnayan sa pagitan ng pinag-usapang seksyon at sa student handbook dahil sa pagsasawalang-bahala nito sa karapatan ng mga opisyal ng USG na lumahok sa eleksyon. Bunsod nito, inilahad ni Escoto na mayroon naman silang opsyon na maghain ng Leave of Absence (LOA) para rito.

Alinsunod dito, inirekomenda ni Ragudo na idagdag na lamang sa panukala ang karapatan ng mga opisyal ng USG na maghain ng LOA. Matapos nito, inaprubahan ang enmiyenda sa botong 13-0-0.

Samantala, tinanong naman ni John Christian Ababan, chairperson ng Commission on Elections, ang panahong itatagal ng LOA at ang bisa nito. Dahil dito, pinangasiwaan ni Escoto ang pagdaragdag ng isang subseksyon ukol sa proseso ng LOA. Paglilinaw niya sa nakapaloob dito, “The duration of the Leave of Absence is upon the officer’s discretion but must be filed within the period mandated by the COMELEC.”  

Sa botong 13-0-0, isinapinal ang nabanggit na pagbabago sa konstitusyon ng USG. 

Pag-usisa sa needs assessment sarbey

Ibinahagi ni Michele Gelvoleo, LCSG, ang kanilang kasunduan ng USG na gawing mandato para sa kasalukuyan at mga susunod na opisyal ng LCSG ang pagpapalaganap ng needs assessment survey. Gagamitin ang makakalap na impormasyon mula sa sarbey bilang batayan sa paggawa ng mga aktibidad at pagbuo ng mga panukala para sa kampus ng Laguna.   

Mapupunta naman ang resulta ng sarbey sa direktor at mga opisyal ng College of Student Affairs upang magsilbing tulay sakali mang magkaroon ng problema. Nilinaw din sa resolusyon na maaaring magrekomenda ang LCSG ng ilang pagbabago sa sarbey. Banggit ni Gelvoleo, magmimistula itong sosyohan sa pagitan ng USG at LCSG na makatutulong din sa pagtitiyak ng pagkilos ng lahat ng opisyal.   

Inilahad din ni LCSG President Miguel Batallones ang layunin ng sarbey na maipabatid ang karanasan ng mga estudyante sa pag-aaral at pagsali sa mga organisasyon. Mula rito, malalaman ang mga aspektong maaari pang mapagpabuti.

Naaprubahan ang resolusyon sa botong 12-0-0, at pinuri ni chief legislator Jaime Pastor ang LCSG sa pagpapakita ng pananagutan sa nasasakupan nito.

Pagsiyasat sa tatlong komite ng LA

Kinumusta naman ni Pastor ang mga nanunungkulang chairperson ukol sa mga pangyayari sa tatlong komite ng LA. Pagbabahagi ni Brendan Miranda, chairperson ng komite ng Student Rights and Welfare, patuloy pa rin sila sa pagsasagawa ng ilang polisiya at ibabahagi nila ang mga ito sa susunod na linggo upang makapagbigay ng rekomendasyon ang ibang kinatawan ng LA para sa pagpapabuti nito. 

Ipinahayag naman ni Gelvoleo, chairperson ng komite ng Rules and Policies, na tapos na ang resolusyon para sa pagtatalaga ng bagong chairperson at kasalukuyan namang isinasagawa ang resolusyon para sa bagong vice chairperson for audit at vice chairperson for administration. Nananatili namang handa ang komite ng National Affairs sa mga pambansang isyu ayon kay Ethan Rupisan, chairperson ng nasabing komite.

Sa pagtatapos ng sesyon, inilahad ni Pastor na maghahain siya ng LOA sa loob ng ilang linggo. Pansamantala naman siyang papalitan ni Miranda bilang officer-in-charge chief legislator hanggang sa bumalik sa panunungkulan si Pastor.