ITINAMPOK ang kahalagahan ng pluralismo sa ikaapat na bahagi ng serye ng webinar ng Archer’s Night, na may temang Tagpuan ni Bathala: Religious Pluralism, Tolerance, and Gender Diversity in the Philippines, Enero 13.
Pinangungunahan ang Archer’s Night ng parehong undergraduate at graduate na mga estudyante mula sa Kolehiyo ng Malalayang Sining ng Pamantasang De La Salle, katuwang ang Behavioral Sciences Society na may layuning makapaghatid ng karagdagang kaalaman ukol sa mga teknikal na usapin sa lipunan.
Pagyakap sa dibersidad
Sinimulan ang talakayan sa pamamagitan ng pagpapakita ng bidyo ni De La Salle Brother Richie Yap FSC na nagpapaliwanag ukol sa pagtanggap sa kabila ng pagkakaiba-iba ng mga Lasalyano. Inilahad ni Yap na maituturing na multi-religious conglomerate ang De La Salle dahil sa pagiging inklusibo ng mga institusyon nito sa iba’t ibang relihiyon. Aniya, “It is pretty much a diverse Lasallian world out there.”
Ipinaliwanag din ni Yap na isang mahalagang hakbang ang komunikasyon sa pagtataguyod ng magandang relasyon sa bawat relihiyon. Pagbabahagi niya, “I grew up with the same prejudices and biases.” Dahil sa sariling karanasan, napagtanto niyang malaki ang gampanin ng komunikasyon sa pag-unawa at pagtanggap sa pagkakaiba-iba ng mga tao. Dagdag pa niya, mahalaga ang pagtrato sa bawat indibidwal nang walang pagkiling, anoman ang relihiyon nito, mayroon man o wala.
Pagsulong sa inklusibong edukasyon
Binigyang-diin naman ni Ptr. Kakay Pamaran, kauna-unahang babae at lesbian na pastor ng Metropolitan Community Church Philippines, na mahalaga ang pagkakaroon ng inklusibong polisiya sa pagtataguyod ng religious diversity sa sektor ng edukasyon. “Acceptance is largely a matter of policy in educational institution,” dagdag niya.
Ipinakita rin ni Pamaran ang isang dokumentong pinamagatang A Century and a Decade, na nagsilbing primer para sa ika-110 anibersaryo ng Union Theological Seminary (UTS), upang mas maunawaan ang kontribusyon ng edukasyon sa pagkakaroon ng religious pluralism.
Nakapaloob dito ang pagsulong ng UTS sa religious diversity gamit ang edukasyon. “It is more than a series of courses that students must take in order to acquire a degree. A curriculum expresses a mission, an educational philosophy. . . and story,” pagdidiin ni Pamaran.
Bukod dito, ibinahagi rin ni Pamaran ang mga programang isinasakatuparan sa imersiyon ng UTS upang matulungan ang mga estudyante na maging bukas sa ganitong uri ng kurikulum. Aniya, nakatutulong ang programang ito upang maturuan ang mga mag-aaral na mamuhay kasama ang kapwa nang walang panghuhusga sa relihiyon nito.
Sa huli, nagsambit si Pamaran ng paghimok na maging bukas sa pag-unawa sa iba’t ibang relihiyon dahil biyaya ito ng Diyos. Giit pa niya, “Insisting a singular truth into a pluralist society is imperialist.”
Mariin din niyang ipinuntong hindi dapat binibigyan ng relihiyon o kasarian ang Diyos. Ayon sa kaniya, “God is not Christian. That is exactly what our problem is, we create God in our own likeness. But God is beyond religion. God is beyond gender. God is beyond our understanding of life.”
Pagbibigay-halaga sa diyalogo
Tinalakay naman ni Samira Gutoc, Civic Leader ng Marawi at dating sectoral representative sa ARMM Assembly, na kapayapaan ang tunay na layunin ng interreligious dialogue. Ayon sa kaniya, hindi lamang pagtanggap kundi pagsasabuhay sa pagkakaiba-iba ng bawat relihiyon ang susi sa matagumpay na diyalogo. “Interfaith dialogue is not just words or talk. It includes human interaction and relationships,” saad niya.
Kaugnay nito, ipinahayag ni Gutoc ang magandang dulot ng interfaith dialogue sa bansa. Para sa kaniya, isa itong hakbang upang mabuwag ang mga hadlang sa pagkakaisa ng mamamayan. Wika niya, “We are all different, but one.”
“Reach out,” diretsong pagpapabatid ni Gutoc na ito ang pangunahing paraan upang mabawasan ang diskriminasyon sa mga relihiyon, “Minority will always be minority if they are not included in the dialogue.”
Bilang pagpapalawig, ibinahagi ni Gutoc na kalimitang iniisip ng ibang tao na walang pagpapahalaga sa ganitong usapin ang mga Muslim. Depensa niya, “The dialogue process is a bit slow in the Muslim world.”
Sa huli, binigyang-diin niya na bagamat matagal ang proseso ng pakikipagdiyalogo, hindi dapat ito ipagsawalang-bahala sapagkat ito ang susi sa pagpapaigting sa relasyon ng bawat relihiyon. “The process is slow but the process has to be steadfast,” pagtatapos ni Gutoc.