Reincarnate: Pagragasa ng Hallyu Wave sa DLSU


Banner mula sa AJA Animo

Mala-tsunami ang kulturang bitbit ng bansang South Korea. Tila maraming mata na ang nalunod sa makulay nilang kultura. Hindi maipagkakailang natangay rin ang mga Pilipino sa alon na binansagang Hallyu wave. Repleksyon ng impluwensya nito ang mga luhang bumabaha dahil sa mga istoryang bitbit ng mga Korean Drama (K-Drama). “Saranghaeyo,” ang sigaw ng isang ganadong arena habang sumasabay sa indayog ng mga nagtatanghal sa entablado. Nagmimistulang dagat ng liwanag ang mga ilaw na nanggagaling sa mga lightstick ng mga manonood ng konsyerto. Pilit na ibinibigkas ang mga lirikong nasa lengguwaheng banyaga masabayan lamang ang pag-awit ng kanilang mga idolo. Tila sa bawat sulok, sa maliit man o malaking espasyo, rumaragasa ang impluwensya ng kulturang Koreano. 

Sinimulan ng AJA Animo ang kanilang taon sa pagpapakita ng kultura at pagpapamalas ng angking ganda ng ating kaibigang bansa na South Korea, sa pamamagitan ng isang programang pinamagatang “Reincarnate: South Korean Appreciation Week.” Naghanda ng samu’t saring aktibidad ang nasabing organisasyon upang maipasilip sa kulturang Koreano. Isa rin umano ito sa kanilang paraan upang manghikayat pa ng mga estudyante para sumali sa kanilang organisasyon.

Agos ng kultura 

Sinimulan ng AJA Animo ang kanilang makulay na linggo noong Enero 4,  sa pagpapalabas ng pelikulang Along with the Gods: The Two Worlds mula sa South Korea. Tinalakay ng pelikulang ito ang pinaniniwalaang konsepto ng mga Koreano ukol sa naghihintay sa kanilang buhay matapos ang kamatayan. Ginamit ito ng organisasyon upang ipasilip ang sinaunang pananampalataya ng mga Koreano at ipakilala sa mga manonood ang mga diyos at diyosang namumuno sa iba’t ibang parte ng kanilang pinaniniwalaang impyerno.

Hindi rin maitatangging isa ang pagkain sa humuhubog ng kultura, at kabilang ito sa mga maipagmamalaking yaman ng South Korea. Kilala ang nasabing bansa sa kanilang masasarap at nakabubusog na pagkain, lalo na ang kanilang mga street food. Kaya naman tinakam ng AJA Animo ang mga Lasalyano noong ikalawang araw ng kanilang programa sa isang aktibidad na pinamagatang ASMR Food Tutorials. Sa gawaing ito, ipinakita ni Mariel Jacob, direktor ng marketing at linkages ng AJA Animo, ang kaniyang pamamaraan sa paggawa ng tteokbokki, isang popular na Korean street food na gawa sa malagkit na kanin, asukal, at iba pa. 

Inilunsad din ng organisasyon ang  “Let Me Take A Selca” challenge sa pangatlong araw ng pagdaraos ng selebrasyon. Sa pagsasagawa nito, binigyang-pagkakataon ng organisasyon ang mga tagasubaybay ng mga K-Drama para mailabas ang kanilang natatagong karakter. Isa sa mga nanalo sa nasabing palaro si Camille Yu na gumaya sa pananamit ni Seo Dalmi, isang karakter sa K-Drama na pinamagatang Start Up. Bakas sa mga retratong ipinasa ng mga sumali ang kanilang hilig at pagkahumaling sa takbo ng mga istorya ng K-Drama. 

Sa ikaapat na araw ng proyekto, nagsagawa ang AJA Animo ng isang webinar na pinamagatang “The Do’s and Don’ts of Online Selling” na nagbigay naman ng karagdagang kaalaman tungkol sa pamamahala ng online Korean merchandise stores pati na sa iba’t ibang aspekto ng e-commerce. Naging tulay rin ang webinar na ito upang mapaigting ang kanilang kagustuhang makapagtaguyod ng negosyo sa gitna ng pandemya, lalo na’t namamayagpag ang industriya ng online selling sa kasalukuyan. 

Upang palawigin pa ang kaalaman ng pamayanang Lasalyano sa kulturang Koreano, naglabas din ang AJA Animo ng pang araw-araw na Korean Cultural Facts. Sa loob ng anim na araw, tuwing ika-1 ng hapon, inilalathala nila sa kanilang Facebook page ang iba’t ibang pamahiing laganap sa South Korea.  

Bilang pangwakas sa isang linggong selebrasyong idinaos ng AJA Animo, nagpakitang-gilas ang ibang miyembro ng AJA Artist Management, kasama ang De La Salle Innersoul, sa proyektong “Be AJAmazing!” na naglalayong ipakita ang nakaaaliw na musikang Koreano gamit ang kanilang mga talento. Sa pagsasanib-pwersa ng dalawang organisasyon, itinanghal nila  ang mga sikat na awitin ng Red Velvet at Twice—ilan sa mga nangungunang grupo ngayon sa industriya ng K-Pop.

Ayon kay Jacob, naisipan nilang isagawa ang mga nasabing proyekto dahil bagay ang mga ito sa online na set-up at dahil nabibigyang-daan nito ang mga Lasalyano na makalahok mula sa kanilang mga tahanan. Dagdag pa rito, binigyang-diin din niya na makatutulong din ang mga aktibidades na ito upang makapagsimula ng bagong taon ang mga Lasalyano nang may kasabay na mga bagong okasyon mula sa kanilang organisasyon.

Malaki rin ang gampanin ng proyektong ito upang maipakilala sa pamayanang Lasalyano ang AJA Animo na isang organisasyong katatatag at nagsisimula pa lamang. “Dahil kami ay isang bagong organization sa DLSU, nais namin maipahiwatig na kami ay isang organization na dapat salihan ng pamayanang Lasalyano. . . Nais din namin mai-market ang aming organization sa mga non-members kaya nakipag partner kami sa iba’t ibang organization para sa proyekto na ito upang mas marami pa sa Lasallian community ang makaalam tungkol sa AJA Animo,” ani Jacob.

Batis ng pagsisimula

Patuloy na rumaragasa ang kasikatang dala ng Hallyu wave sa Pilipinas. Naging mitsa ito upang lubos pang mapalalim ng AJA Animo ang kaalaman ng pamayanang Lasalyano ukol sa makulay at mayamang kultura ng South Korea. Pinatunayan nitong hindi balakid ang wika sa pagtatagpo ng mga pusong nagbubuklod-buklod para sa iisang interes—handang linangin ang kultura mula sa bansang naghandog ng saya at ngiti sa libo-libong Pilipino.

Bagamat nagsisimula pa lamang sa kanilang mga hakbangin, determinado ang AJA Animo sa kanilang hangarin na lumikha ng koneksyon sa pagitan ng kulturang Koreano at mga Pilipino. Sa kanilang proyektong inihandog, kanila ring ipinaalala sa ating hindi lamang saya ang maidudulot ng patuloy na pagtuklas sa kulturang Koreano, bagkus, maaari rin itong magbigay-daan sa mga aral at oportunidad na makatutulong sa ating paglago. Maraming nagsasabi na may buhay sa labas ng pagiging panatiko, ngunit lingid sa kanilang kaalaman, salamangkang nagbibigay-diwa rin ito para sa mga pusong pagal mula sa araw-araw.