Hindi ko na rin alam kung paano ako tumagal. Basta ang tanda ko lang, masaya akong nagsimula. Nakapapagod man ang magpatuloy, batid kong nariyan ang mga taong handa akong sabayan at hindi magdadalawang-isip umakay sa isa’t isa maibsan lamang ang pagod at malasap ang inaasam na pahinga. Matagal-tagal na rin pala mula noong una kong pinasok ang mundong hindi ko naman inaasahang mamahalin ko—o maaaring dahil hindi lang talaga ang trabaho ang nagpanatili sa akin dito. Araw-araw ko ba namang hintayin matapos ang klase para lamang makatambay sa opisina at makirinig ng samu’t saring kuwento at tawanan. Sa sandaling maubos na ang mga salita, saka mag-aayaan naman sa kainan. Hindi alintana ang paglubog ng araw at pagbalot ng dilim sa daan—hudyat ng hindi maagang pag-uwi sa aming kaniya-kaniyang tahanan.
Sino ang mag-aakalang patitibayin ng isang gusaling walang buhay at hininga ang relasyon ko sa aking mga kasama sa organisasyon? Katulad ng haligi ng Bro. Connon Hall, ganoon din katibay ang aming pundasyon. Hindi biro ang ilang buwang malayo sa mga taong laging nagpapaalala sa iyong hanapin mo ang pahinga sa gitna ng pagod at mga pagsubok sa sarili nating istorya. Tila nga isang dampi ng ligaya at kurot ng lungkot ang matagal na pagkawalay sa pamilyang binuo ko sa aking mundo sa loob ng Pamantasan.
Panandaliang pahinga
Responsibilidad ang pagsali sa isang organisasyon. Direkta nitong ipinahihiwatig na kailangan mong gampanan ang karagdagang trabahong labas sa iyong mga akademikong gawain. Hindi ka man nito masuklian ng anomang halaga o salapi, katumbas naman nito ang karanasang babaunin mo saan ka man dalhin ng panahon.
Tulad ng ibang Lasalyano na hinarap ang hamon ng pagsali sa isang organisasyon, hindi rin inasahan ni Keith Emmanuel Lanuza, 119 AB Psychology at kasalukuyang talent o artista ng Archer’s Network, na mamahalin niya ang nakaatang sa kaniyang trabaho. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Emmanuel, ibinahagi niya ang kaniyang responsibilidad sa organisasyon, “Kasi ‘talent’ ako, either may shoots kami or meron akong mga events na kailangang mag-host ako. . . sa ibang organisasyon man o sa amin din.” aniya.
Hindi madali ang papel ng isang talent o artista; susubukan nito ang iyong kakayahan sa pag-arte, pagkanta, pagsayaw, pati na sa pag-host sa mahahalagang pangyayari sa loob ng Pamantasan. Gayunpaman, nagsisilbing pampalakas ng loob ang suporta at tiwala na ibinibigay ng mga kasama at kaibigan sa organisasyon upang mas pagbutihin pa ang sarili. “Usually ‘pag meron isa sa amin sa talent ay may gig. . . meron kaming GC para sa buong departamento namin. . . tapos nagbibigay kami ng suporta parang sinisigawan namin ng ‘Whooo kaya mo yan! Good luck’ tapos ‘We’re proud of you!’ mga ganon, puro support pag kailangan,” aniya.
Mahabang panahon ang kailangang gugulin upang makapaghanda at masigurong hindi makukumpormiso ng gawaing pang-organisasyon ang akademikong responsibilidad. Pagbabahagi ni Emmanuel, “’Yung challenge sa amin bilang talent ng organisasyon is kung paano namin ima-manage ‘yung oras namin para mabalanse ang pag-aaral at ang aming passion.” Sa kabilang banda, inilahad ni Nicole Villa, 118 AB American Studies at isa ring talent o artista ng Archer’s Network, ang dahilan ng pagsali niya sa kaniyang organisasyon, “Pinili ko ‘to sa aking interes dahil mahilig ako sa media. Mahilig ako magsalita. . . mahilig ako sa social media at perpekto ang Archer’s Network dito at tunay ngang makatutulong ito sa aking kinabukasan kung gusto kong mag-pursue ng hosting.” Tunay ngang sa pagsali sa anomang organisayon, mahalaga ang papel na ginagampanan ng interes ng isang estudyante dahil kaakibat nito ang paghubog sa kaniyang kakayahan na magagamit niya sa hinaharap. Nagsisilbi rin itong motibasyon upang mas pagbutihin pa ang kaniyang trabaho sa organisasyon gayong may puso siyang handang ibigay para sa kaniyang ginagawa.
Matapos ang trabaho para sa organisasyon at gawaing akademiko, mahalaga ring isaalang-alang ang pahinga at panandaliang pagtakas mula sa buhay na puno ng responsibilidad. Kuwento ni Nicole, “Kahit naman nasa opisina kami, hindi naman ibig-sabihin nagta-trabaho kami. Madalas nag-uusap lang kami, naglalaruan, nagchichismisan, ganun. . . natutulog kami do’n. Do’n kami gumagawa ng assignment. Madalas kasama ko orgmate ko, usapan lang, gawa-gawa ng acads together.” Sa pananatili sa opisina kasama ang mga kaibigan, paminsang hindi mamamalayang bumibilis ang takbo ng oras. “Dati no’ng face to face classes pa, minsan sampung oras akong tumatambay sa Connon upang makausap lamang ang aking mga kaibigan at manatili doon,” ani Nicole. Hindi naman masama ang pagbibigay ng pansamantalang espasyo sa sarili mula sa trabahong kailangan tapusin para sa organisasyon. Panandaliang isantabi rin muna ang mga librong kailangang basahin dahil sa sandaling tumunog na ang bell bilang tanda ng pagtatapos ng klase, hudyat na rin ito upang makapagpahinga ang sarili.
Serbisyo para sa pamayanang Lasalyano
Yapak ng mga mag-aaral na determinadong matuto at mga gurong handa nang magpasa ng karunungan ang sasalubong sa iyo sa pinakababang palapag ng gusaling Bro. Connon. Iba’t ibang mithiin ng iba’t ibang opisina ang masisilip sa bawat palapag kaya samu’t saring kuwento rin ng mga mag-aaral na naglilingkod sa pamayanang Lasalyano ang hatid ng gusaling ito.
Nagsisilbing ugnayan ng bawat palapag ang nag-iisang elevator ng gusali, kaya naman karaniwang imahen na rito ang mahabang pila, lalo na sa mga pagkakataong nagtutugma ang oras ng pahinga ng mga estudyante. Ngunit, may mababalingan din namang hagdan sa magkabilang dulo ng gusali, sakaling mainip sa paghihintay sa pagbaba ng munting kahon.
Gayunpaman, kadalasang sa pagsakay sa elevator nagsisimula ang lakbayin tungo sa palapag na ninanais puntahan. Unang himpilan nito ang ikalawang palapag ng Connon Hall na kinalalagyan ng opisina ng Center For Social Concern and Action (COSCA). Karaniwang tanawin dito ang mga boluntaryong abala sa pagpaplano ng mga proyekto at mga inisiyatibang makatutulong sa mga nangangailangan.
Sa pagsara ng mga pinto ng elevator, muli ka nitong iaangat tungo sa ikatlong palapag na kinalulugaran naman ng opisina ng University Student Government (USG) na pinamamalagian ng mga Lasalyano na naglalayong maging boses ng mga mag-aaral sa pakikipag-ugnayan sa mga namumuno sa institusyon. Pagtungo naman sa ikaapat na palapag, bubungad ang opisina ng Council of Student Organizations (CSO) na naninigurado sa tamang pagproseso ng mga dokumento ng mga opisyal na organisasyon ng Pamantasan.
Puno rin ng buhay ang ikalimang palapag nitong kinalalagyan ng Artist Commons, tahanang para sa mga organisasyon sa ilalim ng Culture and Arts Office (CAO). Pinagigitnaan naman nito at ng Production Room ang Student Media House, opisina ng mga organisasyon sa ilalim ng Student Media Office na naglalayong makapaghatid ng tama at bagong impormasyon tungkol sa bansa at sa Pamantasan, at nagpapabaon ng mahahalagang alaala sa mga magsisipagtapos na Lasalyano.
Sa paglipat sa online set-up, maraming pagbabago ang kinailangang gawin sa sistema ng mga organisasyon. Kinailangang siguraduhing mas malawak ang espasyong maibibigay sa panahong mas pinahaba rin ang distansya sa pagitan ng mga Lasalyano. “Ginawa nilang mas manageable para sa amin yung mga tasks, yung mga kinakailangan na i-submit at whatnot, so parang isinaayos namin siya para walang mahihirapan, lalo na sa panahon ngayon na mahirap na nga. . . ayaw nilang dumagdag sa mga masyado nang pinag-iisipan na ganon,” pahayag ni Emmanuel.
Bukod sa mga nabanggit na pagbabago sa sistema, isa pang hamong dulot ng online set-up ang pagpapanatili ng komunikasyon sa pagitan ng mga miyembro upang hindi maging estranghero ang dating itinuturing na pamilya. Bilang solusyon, ibinahagi ni Emmanuel na ginamit nila ang Discord upang magsilbing simulasyon ng buhay sa opisina nila sa Bro. Connon. Nagmimistulang komemorasyon din umano ito sa gusaling kanila nang naging tahanan.
Hindi maikakailang malaking pangamba para sa mga miyembro ang pagpapatibay ng kanilang samahan gayong malaki ang posibilidad na magbago ang kanilang pagkakaibigan buhat ng hindi pagkikita sa personal. Gayunpaman, ani Emmanuel, “Pag hindi na masyadong ganoong katatag or ka-close ulit gawa ng medyo nabawasan na yung communication niyo, tapos bumalik na ng face-to-face, so ang posibleng solusyon. . . is yung initiation mo, yung willingness mo na i-pursue pa rin, na i-keep yung mga relasyon mo sa loob ng organisasyon kasi kung ‘di ka naman willing na i-keep yun, edi talagang mawawala yun. Magfe-fade talaga yun kasi hindi mo na rin binibigyan ng effort para ma-keep so nasa tao na rin yun.”
Bagamat maraming hamong dala ang online set-up, bakas sa mga kilos ng mga mag-aaral ang malaking kagustuhang buhayin ang mga dating nakasanayan upang mapabuti ang kanilang samahan. Gayunpaman, patuloy pa rin ang kanilang pag-asang makabalik sa kanilang tahanan sa Pamantasan.
Hanggang sa muling pagkikita
Halos isang taon na rin mula noong napuwersa akong makulong sa aking kuwarto; buong araw na kaharap ang kompyuter para sa klase online at sa birtuwal na mundo. Bagamat ito na ang bagong normal sa panahong ito, patuloy pa rin akong nananabik sa ating muling pagbabalik sa sintang gusaling Bro. Connon na nagsilbing tahanan sa akin at sa mga taong itinuturing kong pamilya sa Pamantasan. Binabalot ako ng pagsisisi sa mga oras na hindi ko sila piniling makasama. Lingid sa aking kaalaman, iyon na pala ang mga huling sandali bago kami mapilitang magpaalam sa isa’t isa. Sa kabila ng mapait na sitwasyong ito, nariyan pa rin naman sila. Kahit pa sa birtuwal na pamamaraan ko na lamang nadarama ang presensiya nila sa ngayon, nariyan pa rin naman sila. Patuloy pa ring lalalim ang aming pagsasama kahit pa sa panahong hindi namin pisikal na nakikita ang bawat isa—basta’t nariyan lamang sila.
Saksi ang mga haligi ng Bro. Connon Hall sa lahat ng mga pinagsaluhan nating iyakan at hagikgikang nagbunga ng matibay na pagkakaibigan. Tanging hiling ko lamang na manatiling umaalab sa puso ng bawat isa ang mithiing makapagbigay-serbisyo sa pamayanang Lasalyano sa kabila ng mga hamong bunsod ng bagong normal. Dahil habang nag-aaral ang mga estudyante at nagtuturo ang mga guro, at habang patuloy ang pagtakbo ng buhay sa Pamantasan, kasabay nitong umiigting ang pangako ng kinabukasan na balang araw, babalik din tayo muli sa mga dating nakasanayan nang may bitbit na mga bagong aral at pagpapahalaga sa mga bagay at pagkakataong minsan nating binalewala.
Sa uulitin,