Pagkakaroon ng manwal para sa proseso ng grievance at OSEC, kasado na


INAPRUBAHAN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang mga resolusyon ukol sa pagkakaroon ng manwal para sa paghahain ng grievance ng mga estudyante at manwal para sa Office of the Executive Secretary (OSEC), at pagsasaayos ng mga patnubay sa pagkuha ng dissection kit pass, Enero 8.

Opisyal na ring idineklara ang pagbibitiw ni Jose Batallones bilang kinatawan ng  Laguna Campus Government (LCSG). 

Proseso sa pagkuha ng dissection kit pass

Ipinaliwanag ni Renee Formoso, FOCUS2018, ang mga patnubay at proseso sa pagkuha ng pass para sa dissection kit. “I want to remind that this will be inclusive for students who will be taking laboratory classes but not limited to during the pandemic or type C classes,” paliwanag ni Formoso. Responsibilidad umano ng mag-aaral na gamitin lamang ito sa nakasaad na iskedyul ng laboratory meeting. 

Dagdag pa ni Formoso, maaaring makipag-ugnayan sa mga miyembro ng faculty ng College of Science,  mga kinatawan ng FOCUS, at mga security officer tungkol sa pagkuha ng dissection kit pass. Gagamitin ang Facebook page ng Science College Government at FOCUS batch units upang maipakalat ang mga patnubay at tagubilin na susundin ukol dito.

Paggawa ng grievance manual para sa mga Lasalyano

Inaprubahan din sa sesyon ang paglulunsad ng manwal para sa paghahain ng grievance ng mga estudyante. Pinangunahan ni Katkat Ignacio, EXCEL2021, at Shannon Ho, CATCH2022, ang pagpapaliwanag sa kahalagahan ng pagkakaroon nito. Ayon kay Ignacio, “The grievance manual for students will be publicized in a way they can easily digest the procedures of the process.” Nilinaw niya na magkaiba ang grievance manual ng mga mag-aaral at ng USG. 

Napapaloob dito na maaring maghain ng hinaing ang estudyante laban sa isang miyembro ng Pamantasan at may iba’t ibang paraan sa pagtugon dito depende sa mga sangkot. “We want to ensure na para maging sustainable yung process is magkaroon ng separate committee that will fall in Office of the President (OPRES) na will be working with the USG president,” dagdag pa ni Ho. 

Sa botong 15-0-0, isinapinal na ang grievance manual para sa pamayanang Lasalyano.

Sistema para sa mga inisyatiba at referendum ng USG

Inilahad ni Giorgina Escoto, BLAZE2022, na walang alituntuning nakasaad tungkol sa mga inisyatiba at referendum ng USG. Kaugnay nito, ayon sa kinatawan, ang botohan ang tanging kaibahan ng magiging proseso kapag nagsumite ng petisyon ukol sa pagbabago sa konstitusyon ng USG at kapag naghain ng karaniwang resolusyon. Kinakailangan lamang ng boto ng mayorya para mapagdesisyunan ang karaniwang resolusyon. Sa kabilang banda, nangangailangan naman ng boto mula sa 67% ng LA para sa pagbabago sa konstitusyon ng USG.  

Inanyayahan naman ni Escoto si John Christian Ababan, chairperson ng Commission on Elections (COMELEC), upang ipaliwanag ang responsibilidad ng COMELEC sa sistemang ipinanukala. “COMELEC is in charge with not just election but also referendum, initiative, plebiscite, so technically it’s still in the scope of COMELEC’s duty,” pahayag ni Ababan. 

Aprubado na ang bagong sistema sa pagsasagawa ng mga inisyatiba at referendum ng USG sa botong 15-0-0.

Ilang rebisyon sa konstitusyon ng USG

Pinangunahan naman ni Chief Legislator Jaime Pastor ang pagpapaliwanag sa ilang pagbabago sa konstitusyon ng USG.

Ibinahagi ni Pastor ang pagbabago sa ginamit na salita sa LCSG Judiciary. Aniya, “Magistrates can come from either Manila or Laguna campus so to make sure that the meaning of provision is consistent we changed the wording to ‘there shall have at least one’ or depending on the state of the Judiciary.”

Idinagdag din ang mga opisyales ng Constitutional Commission at Office of the Ombudsman para sa pagsasanay ng Commission for Officer Development (COD). “After the discussion it is more fit to include all the officers of the Judiciary branch because they follow the same processes that are stipulated by SLIFE so they can ask for the same training,” saad ni Pastor. 

Ipinahayag din ni Pastor na hindi naging tugma ang dating bersyon ng probisyon sa Office of the Ombudsman sa ilang responsibilidad na saklaw ng Judiciary. Dagdag pa niya, “We came up with this new set of provisions for the Office of the Ombudsman such that it is more general but still defines the purpose and rights of the office.”

Pagkakaroon ng manwal para sa OSEC

Ipinanukala naman ni Michele Gelvoleo ng LCSG ang resolusyon tungkol sa manwal ng OSEC na unang inilabas noong unang termino ng nakaraang akademikong taon. 

Inimbitahan ni Gelvoleo si EJ Baillo, executive secretary noong nakaraang akademikong taon, upang ipaliwanag ang mga nakapaloob sa manwal. “The database is assumed to be a google drive but the executive secretary is allowed to use any online platform for the USG database as long as all elected officers can easily access them,” paglilinaw ni Baillo.

Ayon kay Baillo, hindi na kabilang ang sesyon ng LA sa manwal ng OSEC. “It will be under the Office of the Chief Legislator at Publications Committee,” batid ni Baillo. 

Sa pagtatapos ng unang sesyon ng LA ngayong 2021, binati ni Pastor ang mga kinatawan para sa pagkakaroon ng produktibong umpisa ng taon dahil sa pagpasa ng iba’t ibang resolusyon.