Salaysay ng kasaysayan ng mga nakakita, nakarinig, at nakaranas: Mga kuwentong isinilang sa LS Hall


Likhang-sining nina Sofia Marie Trajano at Karl Vincent Castro

Sa likod ng mga pangungusap na nakasalaysay sa bawat pahina ng isang nobela, mayroong kasaysayang pilit na pinakakawalan at ipinipinta. Saksi ang isang lumang gusali sa kuwentong ito ng pakikipaglaban—mula sa giyera hanggang sa pagharap sa pang-araw-araw na daluyong ng buhay-estudyante. Nakapaskil sa mga sinaunang pader nito ang mukha nilang mga ipinaglaban ang edukasyon at kinabukasan ng kabataan. Tanda ang makasaysayang patsada para sa bawat patak ng dugo at pawis, at sa kabilang mukha naman ng talakop nasaksihan ang unang mga yapak ng mga pusong nag-aalab at punong-puno ng pag-asa. Pagbukas ng mga pintong de-makina, magsisimula ang bagong yugto tungo sa inaasam na bukas—sisimulan na ang kuwento ng pagka-sino ng isang Lasalyano.

Bilang pinakalumang gusali sa Pamantasan, samu’t saring pagsubok na ang nasaksihan at pinagdaanan ng La Salle (LS) Hall. Sa pagsalubong nito sa mga estudyante tuwing isinasagawa ang DLSU College Admission Test (DCAT) hanggang sa unang araw ng kolehiyo, taglay nito ang kuwento ng mga hamong kinailangang pagdaanan bago maging ganap na Lasalyano. Tangan nito ang mga suliraning kaakibat ng pagiging estudyante ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Ngunit, tulad ng LS Hall, repleksyon ng determinasyon at matibay na loob ng mga Lasalyano ang katatagan ng gusaling ito.

Pagsibol ng pusong Lasalyano

Tanyag ang DLSU bilang isa sa mga prestihiyosong unibersidad sa bansa na kumikilala sa karunungan at kakayahan ng bawat estudyante. Bagamat prestihiyoso, isinasaalang-alang din ng Pamantasan ang pinansyal na estado ng pamayanang Lasalyano sa pamamagitan ng pagbibigay ng scholarships. Dalawa sa mga nabiyayaan nito sina Bea Bustamante at Andrei Jaluague, ID 119. Naging motibasyon umano nila ito upang kunin ang kursong Chemical Engineering sa DLSU bilang mga iskolar sa ilalim ng Archer Achievers Scholarship Program at Vaugirard Scholarship Program.

Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), isinalaysay ni Bustamante na noong nag-iisip pa lamang siya kung saan mag-aaral para sa kolehiyo, nasa bandang huli ang DLSU sa kaniyang mga pinagpipilian. Dahil sa laki ng karampatang bayarin, naisip niyang mahihirapan ang kaniyang mga magulang na suportahan ang kaniyang pag-aaral dito. “I believe it was the scholarship offer that had the biggest influence in my decision to eventually pursue my college education in DLSU. . . noon pa lang kasi, alam ko nang center of excellence in ChE ang La Salle,” aniya. Bilang isa namang DOST scholar, ibinahagi rin ni JM Subido, ID 120, na naging rason niya para sa kaniyang pagpili sa DLSU ang paghahanap ng pamantasang mapagkukuhanan ng kursong Civil Engineering.

Bago tuluyang makapasok sa inaasam na pamantasan, kinakailangan ng mga estudyanteng ipasa ang kaukulang entrance exam nito. Dagdag pa sa hirap ng mismong pagsusulit, hamon ding maituturing ang paghahanda para rito. Bagamat pinalad na makapasa sa Big 4 at makatanggap ng scholarship mula sa La Salle at Ateneo, inamin ni Jaluague na hindi niya ito inaasahan. “Hindi ako pumasok noon sa review center. . . naghahanap lang ako ng mga reviewer sa Internet o di kaya hihiram ako sa mga kakilala ko noon. Lagi akong sumasali noon sa group study. . . at buti na lang napaligiran ako ng mga taong masisipag mag-aral,” paglalahad niya.

Hindi rin maiiwasan ang impresyong itinatatak sa mga estudyante ng isang unibersidad sa kanilang pagpasok dito; maging sa DLSU, tila may paglalahat sa tanyag na katangian ng mga estudyante rito. Dahil sa mga nabuong stereotype, kinikilala ang mga Lasalyano bilang conyo at tinitingnan ang DLSU bilang pamantasang para lamang sa mga mayayaman. Hindi ito lingid sa kaalaman ng mga estudyanteng nakapanayam bago nila napagdesisyunang mag-aral sa DLSU. Pagbabahagi ni Jaluague, “magjo-joke ako sa mga kaibigan ko ‘nun na pumasok ako para maka-meet ng rich kids, from the stereotype na super yaman ng mga nag-aaral sa DLSU, and I did have that kind of impression. As a probinsyano, wala talaga akong any exposure sa actual real-life people na nag-aaral sa DLSU.”

Gayunpaman, naniniwala pa rin si Bustamante na “DLSU is much more than that.” Napatunayan umano nila ito noong una pa lamang, nang makasalamuha ang kanilang mga kapwa-Lasalyano sa LPEP o Lasallian Personal Effectiveness Program na isinasagawa bago magsimula ang unang termino kada taon bilang pagsalubong sa mga frosh. Subalit, bunsod ng pandemya, sinimulan ng mga ID 120 ang kanilang unang taon sa kolehiyo sa isang online setting. Dahil dito, hindi maitatanggi ni Subido ang malaking kaibahan ng LPEP ngayong taon kumpara sa mga nakaraang taon sapagkat isinakatuparan ito sa online na pamamaraan. Gayunpaman, masaya niyang isinalaysay ang naging karanasan dito. “May iba akong hindi masyadong kilala na mas nakilala ko noong LPEP dahil sa mga aktibidad na isinagawa noon. . . naramdaman kong parte ako ng DLSU dahil ito ang tumulong sa akin sa pag-intindi kung ano ang dapat kong asahan sa pagiging isang Lasallian,” pagbabahagi niya. Sa kabila ng online setting at takbo ng trimestral system, ibinahagi niyang nakapag-bonding pa rin ang kanilang block sa pamamagitan ng pagkakaroon ng video calls at paglalaro ng Among Us tuwing wala silang klase o requirements na kailangang gawin. Nakatulong umano ito kay Subido upang hindi dumaan sa malaking adjustment sa kaniyang pagsabak sa kolehiyo.

Paglipad ng berdeng pana sa kalangitan

Kaakibat ng tagumpay ang walang humpay na pagsusumikap at paghahanda sa pagkamit ng pangarap. Hindi maiwawari ang nagtataasang mga balakid sa ganap na pagsasakatuparan natin sa ating mga pangarap mula noong sumibol ang munting kamalayan sa mundong nilalakaran. Sa pagsabak sa isang panibagong araw, naibahagi nina Bustamante, Subido, at Jaluague ang nadamang kaba at galak noong una silang tumapak sa DLSU. “Noong unang pagpasok ko sa campus, aaminin kong na-intimidate talaga ako dahil sa laki nito,” ani Bustamante.  Mapuspos naman ang pagyakap nina Subido at Jaluague sa malaking pagbabago na kanilang naramdaman simula noong pumasok sila sa Pamantasan. “People were much more liberated, much more outgoing, and much more sociable. Yung mga activities din felt much more large-scale than school activities ko rin nung high school,” pag-alala ni Jaluague. 

Iba’t ibang preparasyon ang kailangang gawin ng mga estudyante lalo na para sa mga lumaki at nanggaling sa probinsya. “Coming from a very small high school in the province, sobrang laking adjustment ‘yung pagpasok ko ng DLSU. And aside from the notably bigger campus, here, people are also more liberated and everything’s more expensive,” isiniwalat ni Bustamante. Bukod pa rito, naging mahirap na parte rin ang usapin ng pagbabadyet. “100 pesos ‘nun sakin dati sa probinsya could last me a day, sa Manila, that’s just one or two meals,” pagpapaliwanag ni Jaluague. 

Gayunpaman, mainit pa rin nilang sinalubong ang pagiging isang Lasalyano na lumilok sa panibagong kabanata ng kanilang buhay-estudyante. “Para sa akin, masaya ang buhay sa DLSU. At ang nagpapasaya rito ay ‘yung mga taong makikilala mo along the way,” paliwanag ni Bustamante. Tila pinaghalong tamis at pait naman ang naramdaman ni Subido nang mapag-usapan ang de-blocking o ang paghihiwalay ng mga estudyante mula sa iisang block pagsapit ng ikatlong termino ng unang akademikong taon. Ayon sa kaniya, hindi siya nakaramdam ng anomang takot o kaba nang mapagtanto niyang palakaibigan ang kaniyang mga makasasalamuha sa loob ng unibersidad. 

Hindi rin nakaiwas ang mga Lasalyano sa hamong sumalubong sa kanila dahil sa hindi inaasahang paglipat sa online setting. Ayon kay Subido, isa sa mga ito ang paglitaw ng mga problema tulad ng mahinang internet connection o ang biglaang pagkawala ng WiFi. Dagdag pa ni Jaluague, nakaramdam din siya ng tinatawag na ‘digital fatigue’ na bunga ng buong araw na pagtutok sa harap ng kompyuter. “I feel burned out after almost a whole day in front of my computer screen. . . may innate pressure as a scholar to do your best para ma-prove na deserve mo yung scholarship mo, pero I taught myself na pare chill lang muna tayo. Also, yung adjustment din sa lack of actual physical contact with people. Hindi nakakatuwa na makikita mo lang kaklase mo on screens, you just feel distant,” aniya. Sinasalamin lamang nito ang lubos nang pagkasabik sa mga pagkakataong muling makalalakad sa bawat pasilyo ng Pamantasan kasama ang mga kaklase at mga kaibigan. Sa pagsariwa sa mga pagkakataong nadama ang pinakadiwa ng pagkatuto at pakikipag-ugnayan, patuloy na naiipon ang pagnanais na muling maramdaman ang paglayag ng isang Lasalyano. 

Sigaw na Animo! sa pagtaas ng kamao 

Nagkaroon man ng pagkakataon sina Jaluague at Bustamante na personal na masilayan at maranasan ang sigla ng pagkakatuto sa mga haligi ng La Salle, mayroon pa ring mga katulad ni Subido na naghahangad na maranasan ang iba’t ibang aktibidad na maaaring maging susi sa pagtuklas sa iba pang kaalaman at karanasan. Tunay ngang kaabang-abang ang muling paglapat ng mga hakbang sa harapan ng mga gusali ng Pamantasan. Habang nag-aabang sa pagkakataong muling maranasan ito, pansamantala munang iuukit ang tadhana sa bawat sulok ng berdeng bituin at saka titingala sa pangarap na nais marating. 

Napaliligiran ng mga matataas na gusali at binabalot ng tunog ng busina at harurot ng mga sasakyan ang pagsilang sa panibagong karanasan bilang isang Lasalyano. Higit pa sa isang paaralan ang turing sa Pamantasan sapagkat nagsilbi na rin itong kanlungan at tahanan para sa mga estudyante nito. Sa pagtingala sa makasaysayang gusali, tila binubulong ng lumang dingding ang tunog ng mga halakhak at malalagong pakikipagtalastasan. Kung maaari lamang simulan na muli ang paghubog ng iba’t ibang kuwento at karanasan sa bawat silid at pasilyo. Kung maaari lamang madamang muli ang unti-unting pagsasakatuparan ng mga pangarap. Hindi ito isang paalam kundi isang pahinga alang-alang sa ginhawang inaasam. 

Sa uulitin,