MARIING KINONDENA ng ilang progresibong grupo at mambabatas ang pagpaslang sa siyam at pag-aresto sa 17 katutubong Tumandok matapos ang isinagawang operasyon ng Philippine National Police (PNP) sa isla ng Panay noong Disyembre 30 ng nakaraang taon.
Kinilala ang mga napaslang na sina Roy Giganto na tagapangulo ng Tumandok, Reynaldo Katipunan na isang kagawad sa Barangay Lahug, Galson Catamin na kapitan ng Barangay Nayawan, Eliseo Gayas Jr., Maurito Diaz, Artilito Katipunan, Mario Aguirre, Jomar Vidal, at Rolando Diaz.
Ayon sa ulat ng Philippine Regional Office 6 (PRO-6), nanlaban umano ang mga naturang katutubo nang dakpin ng pulisya. Sa 17 katutubong naaresto, sampu sa kanila ang dinakip sa Tapaz, Capiz habang pito naman ang sa Calinog, Iloilo.
Itinanggi ng Panay Alliance Karapatan, isang human rights group, ang pahayag ng pulisya na nanlaban ang mga katutubo. Paliwang ng organisasyon, biktima lamang umano sila ng red-tagging at pinararatangang miyembro ng New People’s Army (NPA) at Communist Party of the Philippines nang walang sapat na ebidensya.
Sa kabilang banda, iginiit naman sa isang pahayag ng PRO-6 na nakabatay ang isinagawang operasyon ng PNP sa impormasyong ibinigay ng mga lokal at sibilyan sa lugar. Isa umano itong pangkaraniwang pagpapatupad ng batas upang mapigilan ang paggamit ng ipinagbabawal na mga armas sa lugar.
Ayon kay Eloisa Mesina, Secretary-General ng Katribu Youth, sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), “Sa kaso ng Tumandok 9, ang pag-akusa ng AFP-PNP sa mga katutubong-lider bilang NPA sa kadahilanang naglalahad ang mga ito ng panawagan laban sa Jalaur Mega Dam. . . [ay] hindi katanggap-tanggap na rason upang bawian nila ito ng buhay.” Aniya, nangunguna ang mga katutubo sa laban para sa lupa at kalikasan dahil sa patuloy na pag-agaw sa kanilang kabuhayan at lupang ninuno.
Sa panayam naman ng APP kay Ian Rogacion, Education Officer ng Anakbayan Vito Cruz, binigyang-diin niyang patuloy na lumalala ang opresyong nararanasan ng mga katutubo dahil pinapayagan umano ng kasalukuyang sistema ang paglunsad ng matinding militarisasyon para sa pagpapatahimik sa mga lumalabang katutubo.
Nanawagan sina Mesina at Rogacion na nararapat mapakinggan ang mga hinaing at hinagpis ng mga katutubo. Giit ni Rogacion, kinakailangang palakasin pa ang panawagan ng mga katutubo at iba pang organisasyon upang mapuksa ang tumitinding militarisasyon at pagpaslang sa mga miyembro ng komunidad.
“Ubos-lakas natin na itampok ang insidenteng ito at siguraduhing hindi kailanman makalimutan ng taumbayan ang sinapit ng Tumandok 9, na buong loob na nanatili’t nanindigan para sa kanilang lupang ninuno,” saad ni Mesina.
Ipinahayag naman ng Commission on Human Rights (CHR) sa isang press statement ang paglulunsad ng kanilang sariling imbestigasyon ukol sa mga pagpaslang sa mga miyembro ng Indigenous People. Ayon kay CHR Commissioner Gwendolyn Pimentel-Gana, determinado silang malaman ang katotohanan sa likod ng mga karumal-dumal na pagpaslang. “There have been opposing narratives on how those who died resisted and some asserting that the evidence found were said to have been planted,” paliwanag ni Pimentel-Gana.
Sa pinakahuling ulat ng ahensya, nagsimula nang mangolekta ng dokumento at affidavit ang CHR Region VI tungkol sa insidenteng ito. Makatutulong umano ito upang mapatunayan ang posibleng karapatang pantaong nalabag na dapat panagutan ng mga nagkasala.
Iminungkahi rin ni Pimentel-Gana sa mga tagapagpatupad ng batas na sundan ang alituntunin sa pagbibigay ng warrant na naaayon sa panuntunan ng PNP. Aniya, “All officers of the law are expected to respect the human rights and dignity of suspect/s during police operations.”
Sa kabila nito, nanindigan si Mesina na patuloy pa rin ang pagkulong at pagkitil sa mga katutubo at sa mga tagapagtanggol at mga kakampi nito. Hindi na umano ligtas ang kahit sinoman na sumasalungat sa estado dahil sa paglala ng karahasan at panunupil sa bansa.
“Ang mga tunay na terorista at mamamatay tao ay nagtatago na lamang sa kanilang mga titulong trabahador ng gobyerno, pulis at militar,” giit ni Mesina.