Biyernes na.
Kasama ang mga kaibigan, makikipagsiksikan sa elevator, hawak ang ticket at magdadasal na hindi mahuli sa kinasasabikang palabas. Maghihintay muna sa labas. Tatanawin ang loob hanggang sa magbukas ang mga pinto sa inaabangang programa at saka makikipagkuwentuhan. Pagkapasok, ramdam agad ang lamig at kilabot habang nakaupo sa pulang silya. Nakahandang sumalubong ang makukulay na ilaw sa mga mananayaw, kasama ang musikang sumasakto sa bawat galaw. Hindi mamamalayan ang oras at lalabas sa tanghalan ng may dalang ngiti, parang mga batang galing sa palaruan.
Lingid sa kaalaman ng karamihan, mayroong nagkukubling konsyerto sa loob ng tanghalan—isang nagtatagong mundo sa likod ng entablado.
Palabas sa likod ng kurtina
Tahanan ng malalaking palabas, pagdiriwang, at pelikula ang gusali ng Yuchengco. Lunsaran ito ng mga artista, manunulat, at mga estudyanteng kumukonsumo ng mga pagtatanghal. Subalit sa bawat matagumpay na mga palabas, may mga karakter sa likod ng entablado na sinisigurong nasusunod ang mga pangyayaring nakalagay sa iskrip. Tinitiyak nilang tama lamang ang lakas ng speaker upang malinaw ang daloy ng musika. Sinisigurado nilang kumikindat ang mga ilaw sa tamang bilang at oras, at malaya at komportableng gumaganap ang mga aktor sa harap ng madla.
Bagamat nananatili lamang sa likod ng kurtina, malaki ang gampanin ng production crew upang makabuo ng isang matagumpay na palabas. Kabilang dito sina Sheena* at Leo*, mga miyembro ng production crew ng isang organisasyon sa Pamantasang De La Salle. Sa panayam sa kanila ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), inihayag nila ang mga kuwento sa likod ng entablado—kanilang mga karanasan, suliranin, pati na mga pagbabagong ginawa nila sa larangan ng produksyon ng mga palabas ngayong pandemya.
Unang nagkaroon ng interes si Sheena sa pagsali sa production crew noong high school pa lamang siya. Namangha siya sa matagumpay na pagtatapos ng bawat palabas at ang mga pangyayari sa likod ng entablado. Sumali naman sa production crew si Leo dahil konektado rito ang pangarap niya noong bata pa lamang siya. Aniya, “. . . growing up, gusto ko talaga maging filmmaker. Sila ‘yung, since bata pa lang ako, na-realize ko na hindi talaga sila nagpe-perform. . . ‘yung first experience ko sa org naranasan ko ‘yung, siguro sabihin nating, thrill. At saka na-realize ko ‘yung. . . ‘pag pangit ang production crew, malaki rin ang impact sa show. Siguro naramdaman ko lang ‘yung importance namin kahit hindi kami ‘yung bida ng araw. . . Para sa amin, kami rin ‘yung bida para sa mga ginagawa namin.”
Para kay Sheena, marami siyang natututunan sa “propesyonal na working environment” ng mga produksyon. Paglalahad niya, “. . . at the height of everyone’s stress and anxiety, minsan do’n lumalabas ‘yung talagang kinu-cultivate ‘yung working teams or working under stress tapos walang iwanan. Like kunyari nagkamali ‘yung mga tao, nakakatuwa ‘yung experience na hindi ka nila papabayaan na mag-wallow on your own.”
Bahagi ng technical crew si Leo at Stage Manager naman si Sheena. Dahil malaki ang venue ng Teresa Yuchengco Auditorium (TYA), malaki rin ang mga programang ipinalalabas dito kaya nangangailangan din ito ng malaking production crew. Sa lahat ng mga pinamahalaang palabas, pinakamasaya para kay Sheena ang pagtatapos ng bawat pagtatanghal, kapag nagtitipon-tipon na ang kabuuang production crew para kumain at magtawanan—indikasyon na bagamat napapagod sila sa kanilang mga responsibilidad, napapawi ito sa papuri ng mga manonood sa pagsasara ng kurtina.
Nagbigay naman si Leo ng kaniyang masayang karanasan sa pagiging bahagi ng technical crew. Aniya, “Kailangan ko mag-edit ng SDE. After ko mag-edit, iso-show siya sa projector. A dance prod. Actually ‘di ako nakatulog the night before. . . during nag-eedit ako takot rin ako kung aabot pa. Pero lo and behold, after pinakita at natapos, at ‘yung feeling na naramdaman ko kasi is kakaiba siya. . . parang proud akong makita ang sarili kong gawa na nakikita ng mga tao [at nung performers].”
Bagamat nakadudulot ng saya at kaginhawaan sa kanila ang mga palabas na kanilang isinasaayos, sa kasamaang-palad, hindi na muli sila nakapangasiwa ng mga palabas noong ipinatupad ang lockdown at tuluyang nagsara ang Pamantasan. Halo-halong emosyon ang naramdaman ni Sheena noong ipinatigil ang mga nakaabang na palabas sa Yuchengco. “Nung in-announce pa lang siya, syempre as a student, to be very honest, may konting relief na mapi-feel kasi prior sa lockdown sobra talagang nagdagsaan ‘yung mga requests and productions na pending para sa org namin. . . pero right after nung relief na ‘yun, may worry and call to action agad na kailangan gawin which is to contact lahat ng clients o lahat ng concerned parties. . . para sa mga events na ‘to na naka-line up for us,” pagbabahagi ni Sheena.
Pagkapa sa bagong tanghalan
Hindi naging madali ang mabilisang pagsabay sa mga online production, lalo pa’t binawasan agad ang tauhan. Mas kailangan daw ngayong quarantine ang mga miyembro ng technical crew at mga host, kaya doble-sikap ang pagpapatakbo sa programa. Bukod pa rito, piling miyembro lamang din ng production crew ang nakagagamay sa software na ginagamit ngayon, at iilan lamang din ang may high-tech na kagamitan. Ayon kay Sheena, “hindi naman lahat, miyembro ng Audio Visual; hindi naman lahat, alam agad ang dapat gawin.” Higit pa rito, “isa pa tayo sa may pinakamabagal na internet, kaya’t kailangan ay mayroon talagang stable platform para dere-deretso ang palabas,” dagdag na hinaing ni Leo.
Kung anong inilaki ng TYA ang siyang iniliit ng ginagalawan sa online setup. Napalitan na lamang ng sari-sariling laptop o kompyuter ang dating silid, at hile-hilerang butones na lamang ang kumokontrol sa audio at ilaw—mga bagay na pili lamang ang mayroon. Hindi lang ang hiyaw ng manonood, pisikal na alindog ng artista, at harap-harapang dating ng talento ang nawala sa paglipat sa birtwal na entablado; kasama rin dito ang pagkakataon ng production crew na magbigay-kulay sa loob ng malaking teatro. Gayunpaman, “The show must go on,” ika nga, kaya naman patuloy ang pagkapa sa makabagong paraan ng pagpapatakbo ng palabas.
Sakali namang makababalik sina Sheena at Leo sa gusali ng Yuchengco, ipinahayag nila ang kanilang pagnanais na mangasiwa muli ng mga konsyerto at palabas. Nais pa rin ni Sheena na gawin at tunghayan ang LEAP sa Yuchengco, at hiling naman ni Leo na makabalik na ang mga palabas na kinatutuwa ng audience at ng mismong mga performer “dahil nagagawa nilang maibahagi ang kanilang mga talento.”
Sa muling pagtapak sa gusali ng Yuchengco
Pinatahimik ng pandemya ang gusaling Yuchengco—wala nang mga aktor na nagbabatuhan ng mga linya, mga mananayaw na sumusunod sa mga ritmo at musika, at mga manonood na nag-aabang at binubuno ang mahahabang pila. Gayundin ang likod ng kurtinang lulan ng mga alaala nina Sheena at Leo bilang mga miyembro ng production crew. Umaalingawngaw na katahimikan ang kasalukuyang bumabalot sa gusaling ito; naghihintay sa muling pagtapak ng mga sabik na Lasalyano.
Iba-iba ang kahulugang iniaalay natin sa Yuchengco. Marahil bilang mga manonood ay nais na nating muling makasaksi ng mga palabas dito at makatabi ang mga kaibigang kasama nating manood ng mga pagtatanghal. Pinakamahalagang espasyo naman sa mga aktor at production crew ang entablado—tagpuan para sa pagsasakatuparan ng mga naisulat na kuwento. Gayunpaman, sama-samang naiwang nakakandado ang mga alaala rito; inaasahang sa susunod, bagamat hindi tiyak ang pagbabalik, bubuksan ang mga alaalang ito at tatapak muli sa entablado para sa bagong palabas na nag-aabang matunghayan. Sa ngayon, mga aktor muna tayong nangungulila sa Pamantasan na matagal na nating hindi nahahagkan.
Biyernes na naman. Isang araw na naman ang nagdaan na puno ng pangungulila para sa ating Pamantasan, ngunit maghihintay tayo. Sa muling pagtatagpo, Yuchengco.
Sa uulitin,
*hindi tunay na pangalan