“D-L-S-U! Animo La Salle!”
‘GO LA SALLE! GO! GO! LA SALLE!”
Mapa-umaga, hapon, o gabi, ito ang maririnig ng isang Lasalyano bago pa man siya makaabot sa kaniyang destinasyon. Hindi lang ito mga linya kundi mga hiyaw na buong kapurihang ipinapahayag ng mga miyembro ng pamayanang Lasalyano. Ito ang mga sigaw na paulit-ulit at inaabot ang bawat sulok ng gusali mula sa itaas hanggang sa ibabang bahagi. Pagkapasok dito, agad na matatanaw ang pumapalibot na berde at puti na mga pangunahing kulay ng Pamantasang De La Salle (DLSU). Mamamataan din ang kulay na ito sa mga imprastraktura, pati na sa mga damit at iba pang kagamitan ng mga estudyante rito. Makasasalubong pa ang ilang mga atletang suot ang mga damit na may kani-kanilang pangalang nakaukit. Maaaring pauwi na ang ilan habang naghahabol naman ang iba sa kanilang ensayo para sa kompetisyong pinaghahandaan.
“L-A-S-A-L-L-E La Salle Rah!!!”
“Bu-ma-kaya! I-ma-ka-diwa!”
Sa bawat segundong lumilipas, mapapansing palakas nang palakas ang mga hiyaw na yumayanig sa gusali. Subalit hindi ito nakaririndi o nakasasawang pakinggan para sa mga Lasalyano dahil isa ito sa mga pamamaraan ng pagbibitbit at pagpaparamdam ng Animo. Kasabay ng mga hiyaw ang dagundong mula sa sabay-sabay na pagpalo sa mga tambol na tila sinasabayan pa ng malakas na pagtibok ng puso. Ito ang mga tunog na nakapagpapabilis sa lakad ng sinomang nagnanais humabol at makanood. Makikita rin ang mga estudyante at mga taga-suportang tumatalon, daig pa ang sigla ng bolang tumatalbog. Sa tensyong namumuo, kasabay na madarama ng madla ang kagalakan sa tindi at seryosong laro ng mga atleta.
Buhay na buhay ang gusali ng Enrique M. Razon Sports Center, mapa-umaga, hapon, o gabi. Gayundin sana ngayong taon ngunit kinailangan ng lahat umangkop sa pagbabagong hatid ng pandemyang nagpatahimik sa masisiglang sigaw at maiingay na tambol.
Natahimik na mga palahaw
“The University Athletic Association of the Philippines (UAAP) announces the cancellation of its 83rd season this year,” pag-aanunsyo ng UAAP Board of Trustees. Mahirap paniwalaang walang magaganap na laro at pagtatanghal ng mga atleta mula sa iba’t ibang pamantasan ngayong taon. Subalit, hindi ibig sabihing katapusan ito para sa kanila dahil maituturing din itong pagkakataon para makapagpahinga at makabuo ng plano para sa susunod na taon.
Isa mga nagiging pokus sa loob ng UAAP ang kompetisyon ng cheerdance sa pagitan ng iba’t ibang grupo ng mga mananayaw. Pambatong maipagmamalaki rito ng mga Lasalyano ang Animo Squad na nahahati sa tatlong grupo: ang cheerleaders, drummers, at ang yell commanders na siyang pinakabago nitong dibisyon. Dahil hindi matutuloy ang UAAP Season 83 ngayong taon, hindi rin maipapamalas ng Animo Squad ang kanilang talento sa harap ng maraming tao. Kaugnay nito, kinumusta ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kalagayan nila sa kasalukuyang online set-up at binalikan ang kanilang mga alaala at karanasan bago ang pandemya.
Nakapanayam ng APP sina Diego, Micah, at Xyy na mula sa iba’t ibang nasabing dibisyon ng Animo Squad. Ibinahagi nila ang naging paraan nila sa pagbabalanse sa kanilang mga akademikong gawain at mga tungkulin bilang miyembro ng grupo. Una sa lahat, kinailangan umano nilang mag-adjust para sa bago nilang iskedyul at siniguradong mabibigyan ng pantay na oras ang pag-aaral at pag-eensayo. Isinaalang-alang din nila ang iba pang mga bagay tulad ng oras para sa pagko-commute mula sa kanilang bahay papuntang eskuwelahan at kabaliktaran nito. Bukod pa rito, kinailangan din nilang maisingit ang paghahanap ng oras upang makasama muli ang kanilang pamilya at mga kaibigan. Binanggit ni Micah na mahalaga para sa kanila ang time management lalo na’t isa sa mga responsibilidad nila ang pag-eensayo araw-araw mula ika-6 ng hapon hanggang ika-10 ng gabi sa gusali ng Razon.
Ayon pa sa kanilang tatlo, naging hamon ang kanilang mga karanasan at suliranin ukol sa mga pagsubok sa kanilang katapatan na manatili sa grupo. “You kind of have to put yourself in a position na if you really want to stay in this varsity then you’re going to have to make some sacrifices, and one of those sacrifices is taking time off of your free time within the day to be able to do it [schoolworks]. You might also need to sacrifice sleep,” pahayag ni Diego. Sinang-ayunan din ito ni Xyy at ibinahaging nagiging salik din sa kanilang desisyong sumali at magpatuloy sa grupo ang suporta ng kanilang pamilya. “A lot of people’s parents aren’t really supportive about that kasi parang it’s just a hobby like you shouldn’t be investing too much time,” dagdag pa niya.
Masasabing hindi talaga madali ang pagiging miyembro ng Animo Squad dahil hindi rin maitatanggi ang katotohanang may sari-sariling suliranin din ang bawat miyembro, na maaaring tungkol sa kanilang pag-aaral o sa kanilang personal na buhay. Kaya naman bilang isang grupo, isang pagsubok ang pagsasagawa ng ‘good game’ tuwing nag-eensayo o kahit pa sa mismong laro. “. . . When I explain what a good game means, it means na halos walang mistakes lahat ng tao sa team. . . if one other person screws up, the mentality is that the whole parang screwed up,” paliwanag ni Diego.
Dahil sa mga hamong kanilang kinahaharap ngayong pandemya na sinabayan pa ng online classes, binanggit nila na umabot din sila sa puntong gusto na nilang umalis sa grupo. Gayunpaman, may sari-sarili silang kuwento at katuwiran upang manatili pa rin sa Animo Squad. Inamin ni Diego na may pagkakataong pinanghihinaan siya ng loob at naiisip na tumiwalag na lamang sa grupo. Sa tuwing nadarama niya ito, pinaaalalahanan na lamang niya ang kaniyang sarili tungkol sa payo ng kaniyang coach. Pagbabahagi niya, “One of the things that I go back to is, “I’ve gotten this far. I’ve improved this much. Why am I gonna quit now?” Parang ‘yun ‘yung mindset ko all the time is if hindi ka naman stagnant in terms of progress, if you are progressing even by the slightest bit why are you gonna quit? Kasi if you do have love for the team but want to quit you must go back to the first reason why you joined the squad anyway, right?”
Hindi lang ang mga pang-akademikong gawain ang lumipat sa online set-up kundi pati na rin ang kanilang pag-eensayo. Binanggit ni Diego na ginagawa nilang pampalipas-oras ang ‘conditioning’ o ang oras na inilalaan para sa pagpapanatili ng kalusugan ng bawat miyembro sa pamamagitan ng ehersisyo at light workouts. Naging tapat sina Diego, Micah, at Xyy na nakapapanibago ang training sessions nila ngayong online na ang lahat dahil limitado ang espasyo nila sa bahay para makapag-ensasyo at kulang din sila sa mga equipment na ginagamit nila noong nag-eensayo pa sila sa Razon. Hindi maikakailang mas makabubuti pa rin talaga ang training in-person para sa kanila.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman ng tatlo ang kanilang mga masasayang alaala noong nakapag-eensayo pa sila gabi-gabi sa loob ng Razon. Hindi nila umano malilimutan ang mga pagkakataong kasama nila ang kanilang mga kaibigan mula sa ibang dibisyon ng grupo, lalo na ang mga panahong nagkakasiyahan sila pagkatapos ng mahabang araw ng nakahahapong pag-eensayo.
Bilang miyembro ng Animo Squad, masasabing kinakailangang magbalanse ng oras, magsikap, at magtiyaga sa anomang hamong kinahaharap sa pananatili sa grupo. Maaaring hindi sapat ang mga salita upang ilarawan ang pakiramdam na ito ngunit masasabing dakilang maipagmamalaki ang ganitong oportunidad kaya’t palaging isinasaisip nina Diego, Micah, at Xyy na isang malaking kaluguran ang mairepresenta ang DLSU. Buong-pusong pagtatapat ni Xyy, “I don’t know where my love for La Salle came from but the more that I got to observe the other sports especially like fencing, badminton and whatnot. The athletes that DLSU did achieve is something to be really proud of, and that’s what it feels kasi you hold the legacy of how many sports and also like how many years in the UAAP and NCAA.”
Kuwento sa likod ng mga sigaw
Kasabay ng bawat hampas sa tambol at bawat kumpas ng kamay ng Animo Squad ang mga sigaw na tila nakapagpapaalab ng tapang sa bawat atletang Lasalyano. Pinupuno rin ng mga sigaw—o cheers kung tawagin—ang malalaking arena at stadium, na nakapagpapatahimik sa kalabang koponan. Madalas itong maririnig tuwing nag-eensayo o tuwing may laro ang mga atletang Lasalyano, ngunit, sa bawat tambol, kumpas, at salita, may kabuluhan itong bitbit sa kanilang buhay bilang isang estudyante at bilang isang atleta. Sa panayam ng APP kina Diego, Xyy, at Micah, itinuro nila ang mga cheer na kadalasang isinisigaw nila at sinasabayan ng tambol. Iba-iba man ang rason, para sa kanila, ang cheer na Bumakaya ang pinakamalapit sa kanilang buhay.
Ikinuwento ni Diego na bilang isang drummer, isa umano ang Bumakaya sa pinakauna at pinakamahirap na cheer na aralin. Madali man itong pakinggan, iba umano ang hirap kapag pinag-aaralan na ito dahil sa ritmo at tiyempo nitong mahirap kapain at tugtugin. “Because of the ending where it does another pattern with the cheer, it kind of messes up your brain and you just mess up somehow, and I’ve done that in a volleyball game two times in a row, mind you, the seniors got mad at me,” pagkukuwento niya. Gayunpaman, masarap pa rin umano tugtugin ang Bumakaya dahil bagamat komplikado ang ritmo at tiyempo nito, pinasisigla naman nito ang mga manonood at ang mga atletang Lasalyano. “I think that’s why I’m drawn to Bumakaya on a personal note not just because of my personal experiences and gripes with the beat but as a whole because I don’t think I would ever forget Bumakaya because it is so catchy, it is so hype,” aniya.
Para naman kay Xyy, espesyal ang Bumakaya para sa kaniya dahil sa mga memoryang nakakubli rito tuwing kanilang itinatanghal. “ It [Bumakaya] also holds a special place in my heart pero di ko alam kung bakit pero it’s just a coincidence na almost all of my official photos of The Lasallian and Plaridel was always during the Bumakaya cheer,” pagbabalik-tanaw niya. Ibinahagi rin niya na katulad sa drummers, ang Bumakaya rin ang pinakaunang matututunan ng cheerleaders. Ayon sa kaniya, nilalaman nito ang mga pangunahing galaw na nagsisilbing pundasyon para sa iba pang mga cheer na kanilang itinatanghal. “It’s the foundation, it’s the crème de la crème, it’s the vanilla really,” diin niya.
“I like the literal meaning of it. I think Bumakaya means “one loud roar” and “Imakadiwa” is relentless warrior,” ani Micah. Tuwing isinisigaw ang mga liriko ng Bumakaya, nabubuo ang imahe ng isang mandirigmang walang takot na sumusugod sa laban. Katulad ng isang magiting na mandirigma, dumaan din sa hirap si Micah at ang kaniyang mga kasamahan upang matutunan ang nasabing cheer. Para sa kaniya, isang karangalan ang isigaw ang isang cheer na hindi lang nakapagpapabuhay sa madla kundi nakapagbibigay din ng lakas ng loob sa sinomang sumisigaw nito. “I think all of us, we really struggled learning Bumakaya kasi first is we couldnt. I think at first the beat was too fast, so hindi namin masabayan yon,” pagkukuwento niya. Sa kabila nito, ginamit nilang motibasyon ang bawat patak ng pawis at hirap na kanilang dinanas upang matutunan at maitanghal sa madla ang nabanggit na cheer. “But then once you know and you really kabisado mo na, oh gosh, it’s gonna be like the easiest one of your favorites and I meant it looks deceiving kasi it looks hard,” pagkukuwento niya.
Hindi limitado sa cheer na Bumakaya ang mga balang bitbit ng Animo Squad sa tuwing lumalabas sila upang irepresenta ang DLSU. Mayroon din silang iba’t ibang cheer na ginagamit depende sa sitwasyon ng sariling koponan at ng kalaban. Madalas umano na ginagamit nila ang mga cheer na alam ng karamihan o rolling cheer tuwing kinakailangan ng koponan na humabol sa pag-iskor. “It’s one of those things that when you hear the snares go “takatak-takatak-takatak” everyone’s just like “Go La Salle” and especially when like nakahabol na tayo in terms of score like there’s so much pride in it,” ani Diego.
Nabanggit din ni Xyy na isa ang cheer na DLSU-Animo La Salle sa mga paborito niyang cheer dahil lagi’t lagi nitong ginigising ang mga manonood at nakapagpapalakas pa ng loob sa mga atleta. “It’s the most contagious one and the one that everyone knows talaga as in it’s the most popular,” giit niya.
Ginagamit din nila ang mga rolling cheer na kilala ng lahat upang ipanglaban sa mga sigaw ng kabilang koponan. “I noticed like when it’s quiet to get the crowd going you literally spam just DLSU Animo La Salle, like in a video game press x to DLSU, that’s what goes into my head,” paglalahad ni Xyy. Mayroon ding mga cheer na ginagamit lamang depende sa kalaban. Kaya naman hindi lamang sa loob ng mga court may kinahaharap na laban ang mga Lasalyano, kundi pati na rin sa gilid nitong puno ng manonood. “What I was talking about a while ago there are very specific cheers for specific teams like we call a specific beat that would shut them down,” paliwanag ni Diego.
Bilang isang estudyanteng atleta, hindi madali para sa mga miyembro ng Animo Squad ang pagdating ng pandemya. Kinailangan nilang pagsabayin ang parehong nakapapagod na pag-eensayo at pag-aaral habang nakakulong sa sulok ng kani-kanilang mga bahay. “Before, I taught myself that the house is a place for me to rest tas biglang na-merge yung home ko and then school life ko so it was a huge adjustment for me,” sambit ni Micah. Tila ang mga malayang binubuhat at lumilipad noon ang sila ngayong nakababad ang mga paa sa lupa. “It definitely hindered my progress, how can you learn stunts and gymnastics kung walang someone really helping you. . . When you do stunts, it’s unrealistic kasi who’s gonna buhat you diba,” dagdag niya.
Bilang estudyante naman, ang makita at makasama ang mga kaibigan at kasamahan ang tangi nilang inaasam na magawa muli sa kanilang pagbabalik. “The first thing I want to do is just to see everyone, like regardless kung Animo Squad man yan o hindi,” ani Diego. Hindi maitatanggi ang pagkasabik na makasamang muli ang mga kaibigan na kumain sa labas, sapagkat isa umano ito sa mga ninakaw na sandali ng pandemya. “Like, who the heck cares if kakain ako five times in that same day basta I see everyone diba,” diin niya. Karugtong ng pagsasama-sama sa hapagkainan ang kumustahan at usapang ipinagkait sa kanila ngayong pandemya; walang sandaling sasayangin para maramdaman muli ang saya sa oras na maaari na muling makapagsama.
Sa kanilang inaasahang pagbabalik, nais ilabas nina Diego, Micah, at Xyy ang naipong indayog sa kanilang mga katawan sa mahabang panahong pananatili sa loob ng kanilang mga tahanan. “The first thing we need to do is to get the rust out,” ani Diego. Ngunit sa ngayon, nakakulong na lamang sa mga retrato ang mga sandaling tila sa imahinasyon na lamang mangyayari hangga’t nananatili sa kalagitnaan ng pandemya. “For me the first thing that popped into my head is that I’m gonna take more photos,” ani Micah.
Inaasam na pagbabalik
Malabo man sa ngayon ang makabalik sa dating nakasanayan bago mangyari ang pandemya, mananatili pa rin ang init ng kanilang pagmamahal sa larangan ng cheer. Kaya naman sa oras na makalabas, sasalubong ang pagpupursiging maibalik sa dating ritmo ang mga galaw. Manunumbalik ang pagkasabik na makagawa ng ingay na bumubuhay sa libo-libong taong nanonood sa sandaling mahawakan muli ang mga drumstick at makatapak sa floor mat. Madadama muli ang rumaragasang saya sa sandaling magbanat sila ng katawan at maghanda para sa ensayong magpapalakas ng loob ng mga atleta. Muli, mararanasan na ang mga nanatiling alaala ng hirap at saya sa sandaling makapalagi muli sa gusali ng Razon.
Inilalakip sa mga retrato ang mga panahong ninanais balikan, sapagkat hindi sapat ang mga alaalang unti-unting lumalabo. Mistula itong mahika dahil lagi’t laging babalik ang oras at mga sandaling nilalaman ng larawan tuwing makikita ito. Ngunit, mukhang mahaba pa ang tanikala, kaya’t ipagpapaliban muna ang inaasam na mga pagsasama.
Sa uulitin,