Sa tuwing pinagmamasdan natin sa huling pagkakataon ang lugar na ating kinagisnan, hindi mawawala ang pasasalamat sa mga alaala at mga aral na ibinahagi nito. Kahit na gunita na lamang ng nakaraan ang natitira rito, may kapangyarihan pa rin itong ibalik ang mga mahahalagang gunita at mga karanasan. May kakayahan din itong maitawid tayo tungo sa panibagong kabanata ng ating buhay. Sa ating muling pagtanaw, babaling sa isipan ang dahilan para sa ating paglisan.
Pagbabalik-tanaw sa mga alaala sa paaralan ang isa sa mga hindi natin maiwasan. Palagi itong itinatampok sa midya bilang pinakamasayang punto ng ating buhay, sa kadahilanang dito tayo unang nakabubuo ng mga kaibigang magiging karamay natin sa hirap at sa ginhawa. Nakatutuwa rin ang iba’t ibang alaalang hindi natin namamalayang namamalagi lamang sa ating isipan. Naibabalik ito sa simpleng pagtikim muli sa biskwit na palagi nating baon noon sa paaralan, o kaya naman sa biglaang pagdaan ng isang taong kaamoy ng pabango ng ating guro.
Huling sipol ng sariwang hangin ng Laguna
Mala-tahanan ang pakiramdam sa tuwing nasa pamilyar tayong lugar— ipinadarama nito sa atin ang pagiging ligtas sa anomang kapahamakan. Gayundin ang pagiging maalam sa mga pasikot-sikot na siyang nakapagbibigay ng seguridad.
Ganito ang naranasan ni Renae Warner, dating mag-aaral ng De La Salle University (DLSU) – Laguna. Sa panayam sa kaniya ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi niya ang kaniyang mga karanasan sa Laguna Campus pati na rin ang naging buhay niya sa panandaliang pagtira sa Kamaynilaan upang makapag-aral sa DLSU – Manila.
Sa itinagal niya sa Laguna campus, ang One Mission Park ang naging paboritong tambayan ni Renae. Isa ito sa pinakamahanging lugar sa kampus at sa rami ng mga punong nakapalibot dito, makararamdam talaga ng kapayapaan ang sinomang dadalaw. Madalas magsama rito sina Renae at kaniyang mga kaibigan. Itinuring niya itong alaalang nais niyang balikan dahil dito niya naranasan ang kaniyang pinakamasasayang araw sa DLSU – Laguna kasama ang kaniyang barkada.
Sa pag-iiba ng takbo ng kapalaran, labis ang kaniyang lungkot nang mangibang-bansa ang kaniyang mga kaibigan. Paglalahad niya, “Both of them had to move to different countries. Being someone who didn’t have a lot of friends, I basically stuck with them during most of my years in the Laguna Campus. Now that they were leaving, as dramatic as it sounds, it literally felt like the world was ending for me.” Gayunpaman, natuto si Renae na tumayo sa sarili niyang mga paa, at sa kalaunan, nakabuo rin ng panibagong mga kaibigan—hanggang sa humantong na sa puntong kampante na siyang pumasok sa DLSU – Manila. Paliwanag niya, “I realized that if I could survive school without the two people I was so close to for 6 years, then I could push myself to do more.”
Ipinagkumpara rin niya ang pisikal na anyo ng DLSU – Manila at ng DLSU – Laguna. “DLSU – Manila is so full of buildings, very different from DLSU – Laguna whose campus was surrounded by trees and nature. The air in DLSU Manila is also very thick. But then the buildings in DLSU – Manila are certainly very much more detailed than the ones in DLSU – Laguna. There’s so much history behind these buildings that make them so interesting,” pagbabahagi niya. “In terms of the classrooms, they don’t really make me feel like I’m in college. Perhaps this is because these were the types of chairs that we used back when I was Grade 4-6. The classroom setup in DLSU – Laguna made me feel more like a college student than the Manila Campus classrooms ever did,” dagdag pa niya.
Inamin din ni Renae na bilang isang bagong-lipat na estudyante sa DLSU – Manila, nakaramdam pa rin siya ng pagkabalisa at pagkasabik, lalo na nang mapagtanto niyang hindi maitatago ng anomang magandang pasilidad ang katotohanang mistulang pakikipaglaro sa apoy ang pamumuhay sa Kamaynilaan. “The environment in Manila is definitely terrifying to me. Robbery is such a normal thing back there and a lot of people get hurt. I was only in Manila for 5 months, but I already experienced these things. It’s honestly super traumatizing and has never happened to me in Laguna. So, when I think about moving back to Laguna, it’s not necessarily because I don’t like the Manila campus but because I don’t really like the environment in Manila,” pagpapaliwanag niya.
Subalit, nalayo man sa kaniyang mga kaibigan at namulat sa realidad ng Kamaynilaan, nangibabaw pa rin ang paghahangad niya sa pagsulong tungo sa panibagong yugto ng kaniyang buhay. Tinuloy niya ang pagpasok sa DLSU – Manila at natutong mamuhay nang malayo sa pamilya. Sa huling pamamaalam niya sa Laguna Campus, kuwento niya, “I was excited to go to university and being able to explore so much more than the campus I’ve gotten so used to, but when I finally had to leave it, it was hard to let go of. Having to leave it also kinda felt like I was actually starting to be an adult, which was quite terrifying to me.”
Ngayon, masasabi na ni Renae na sanay na siya sa Manila campus, subalit wala pa ring makapapantay sa tahanang nabuo niya sa Laguna campus. Aniya, “Even though I haven’t been there in a while, even seeing photos of the Laguna Campus makes me feel very nostalgic. Perhaps in a few years, I would feel the same about DLSU Manila, but right now DLSU – Manila is still kind of intimidating to me.”
Paghagkan sa panibagong tahanan
Hindi tiyak ang ating buhay-estudyante; kakabit nito ang mga desisyon at mga pangyayaring maaaring humubog at magpabago sa ating buhay. May mga pagkakataong nasa tuktok tayo at mayroon din namang mga pagkakataong nahihirapan tayong abutin ang ating mga pinapangarap. Subalit, kasabay ng nasabing pag-abot sa ating mga pangarap ang pagdating sa puntong kinakailangan nating tumahak ng ibang landas at lumipat ng eskuwelahan— maaaring dahil mas malapit ang lilipatan o marahil mas maganda ang kalidad ng edukasyon sa paaralang ituturing na panibagong tahanan. Maaari rin namang para lamang talaga sa sariling pag-unlad.
Ipinaliwanag ni Renae sa APP ang nagtulak sa kaniya upang lisanin ang Pamantasan na siyam na taon ding naging bahagi ng paghubog sa kaniyang katauhan. Aniya, “the main reason why I moved to DLSU – Manila is because I really wanted to experience the city life. I wanted a change of environment and I also wanted to learn how to live away from my family and learn how to become less dependent on them.”
Sapagkat may kalayuan ang Laguna sa Maynila, kinailangang manirahan ni Renae sa isang condominium. Taliwas sa madalas na sambit ng mga estudyanteng unang beses nalayo sa kani-kanilang mga pamilya— na mahirap ang mag-isa dahil nakasasabik ang luto ni Inay at ang init na ibinibigay ng pamilyar na apat na sulok ng kanilang tahanan, na nakapapanibago ang isang araw na lilipas na walang mga kapatid na nagbabangayan, na nakabibingi ang katahimikan sa umagang walang tumitilaok na manok na makagigisnan—mas naging madali ang buhay ni Renae nang mamalagi siya sa nasabing condominium. Isang sakay lamang sa elevator, isang sampung-minutong lakad, isang tawid sa kalsada kung kinakailangan, madalas matatagpuan na ni Renae ang kaniyang sarili sa harap ng lugar na ninanais niyang puntahan: sa Techtite man upang magpa-print o sa iba’t ibang restawran upang makabili ng makakain.
Subalit kaakibat ng kaginhawaang ito ang ilan ding balakid na kinahaharap ng sinomang bago sa takbo ng buhay sa Kamaynilaan. Ang condominium na nagbigay-daan sa paglutas sa isyu ng kalayuan ng Manila at Laguna, ang siya ring naging sanhi ng isang balakid na may kinalaman pa rin sa distansya— hindi sa pisikal na aspektong nasusukat gamit ang kilometro, kundi isang balakid na nakaugat sa pangungulila sa yakap ng mga mahal sa buhay. Tunay na isang malaking hamon para kay Renae ang bihirang pagkikita nila ng kaniyang pamilya, mga kaibigan, at ng kaniyang boyfriend kumpara noong nag-aaral pa siya sa DLSU – Laguna.
Gayunpaman, ipinaliwanag niyang hindi naman siya nakaranas ng culture shock o nakaramdam man ng pagka-out of place. Bagkus, mas natulungan pa siya ng Pamantasan na mahasa ang kaniyang kakayahan at makalabas sa kahong nagkukulong sa kaniya at humahadlang sa kaniyang pag-unlad. “I think there’s more diversity in DLSU – Manila and everyone was more vocal about their differences. Knowing that these people were vastly different was comforting, so I never really felt like I was out of place anywhere,” pagpapaliwanag niya. “I felt really confined to who I presented myself as, back in DLSU – Laguna. I would never recite, I would hesitate to talk to other people, I was generally so much more self-conscious and anxious. DLSU – Manila gave me a fresh start, and I think this is why I’ve gotten more confident with myself and enhanced my student life,” dagdag pa niya.
Mula rin sa mga estudyanteng nakikipagbeso-beso sa bawat makasasalubong sa espasyo ng Corazon Aquino Democratic Space (CADS) hanggang sa simpleng bagay gaya ng pag-“Up” sa Facebook post ng isang taong nangangailangan ng tulong, mapapansin ang pakikitungo ng mga Lasalyano sa isa’t isa na siyang mayroong malaking impluwensya sa kabuuang imahe ng DLSU – Manila. Dahil malayang nakapipili ng iskedyul ang mga estudyante at hindi sila nakakulong sa iisang seksyon lamang para sa isang buong akademikong taon, mas nabibigyan sila ng oportunidad na makihalubilo sa iba at makipagkaibigan, kaya naman mas naging madali para kay Renae ang makisalamuha. “It’s different for DLSU – Manila because even though we used to be in blocks, blockmates are blockmates no longer. People were always out there doing their own things. So I think these people were more open to making new friends, talking to other people, and it really made it easier for me to reach out to others,” paglalahad niya.
Kabaliktaran naman nito ang sitwasyon sa DLSU – Laguna. Ayon kay Renae, dulot na rin ng kani-kanilang mga naunang seksyon, ang tipikal na sistemang hayskul ng nasabing Pamantasan ang nagbigay-daan sa pagkakabuo ng grupo ng magkakaibigan. Dahil dito, nawalan ng puwang ang mas malawak na pakikihalubilo at pakikipagkaibigan.
Sa dulo, may tagpuan din
Bagamat limang buwan lamang ang naging pamamalagi ni Renae sa Maynila dulot na rin ng pandemya, patunay pa rin ang kaniyang buhay-estudyante na minsan, kinakailangan nating matikman ang tamis at pait ng pagbabago, sapagkat ito ang kadalasang panimula sa mahaba-habang proseso ng pagkatuto. Gayunpaman, bilang siyam na taon din siyang namalagi sa Laguna Campus, marami itong naibahaging aral na makatutulong upang mas mapalapit pa siya sa Kamaynilaan—hindi na siya matatakot o mangangamba, at hindi na rin masasabik sa dating nakagawian. Bagkus, kaniya nang ipagdiriwang ang kaniyang panibagong buhay at hahagkan ang kaniyang panibagong pangalawang tahanan.
Sa pagpili ng daang tatahakin, hindi maipagkakailang may mga balakid na maaari nating harapin. May mga pagkakataon ding matatakot tayong magbago at sa halip, gugustuhin na lamang bumalik sa ating nakasanayan. Pagdating sa puntong tila tala na ang inaasam na pag-unlad, gamitin nating inspirasyon ang ating mga naging karanasan upang patuloy na abutin ang ating mga pangarap at matutuhang tanggapin ang ating napiling kapalaran.
Ngunit sa ngayon: hanggang sa muli, Laguna Campus.
Sa uulitin,