Sa pagtapak ng mga paa, nagsisimula. Patungo sa pintong may guhit sa gitna. Madalas may pila, minsan wala. Unti-unting naghihiwalay ang dalawang bahagi nito—hudyat ng pagpasok sa maliit na espasyong may apat na sulok. Gumagalaw: pataas, pababa, patungo sa palapag na nais puntahan at makita. May labing-apat na palapag. Sa pinakatuktok nito, maaaninag: mukha ng Pamantasan mula sa itaas, kamangha-mangha at tunay na kagila-gilalas. Isang pribilehiyo ang masilayan sa mataas na palapag ang paglubog ng araw. May galak na nararamdamang dala ng tanawing may gandang umaapaw. Naglalakad, hanggang sa nakita ang sarili mula sa repleksyong dala ng pader na salamin. Narito—pag-alala sa mga aral at kuwentong nakapaloob sa gusaling ito. Mula sa pinakamababang palapag hanggang sa pinakataas, kakikitaan ito ng mga pagdiriwang o pagtitipong nagbibigay-kulay sa buhay ng mga Lasalyano. Gusaling Henry Sy—ito ang kaniyang kuwento.
Kinapapalooban ang Henry Sy ng mga pasilidad na maituturing na mahalagang bahagi ng isang pamantasan. Ilan sa mga ito ang silid-aklatan, mga silid na pinagdarausan ng mga aktibidad ng iba’t ibang organisasyon, mga opisina ng mga taong nagsisilbing haligi ng Pamantasan, at ang Office of Admission and Scholarship (OAS) na itinuturing na unang kuwartong tatahakin upang maging ganap na Lasalyano. Bukod pa rito, nagsisilbing bubong din sa malalaking pagtitipon ang gusali ng Henry Sy. Lulan nito ang mga estudyanteng nag-iiwan ng ngiti, tawa, ingay, at aral sa tuwing may espesyal na pagdiriwang. Ngunit lingid sa kaalaman ng karamihan, tampok din dito ang mga event organizer na nagtataguyod ng pagiging organisado at epektibo ng nasabing mga pagtitipon. Sa kabila ng mga pangyayari sa bawat palapag at sulok ng nabibidang gusali, mahalagang bigyang-diin ang mga detalyeng dapat usisain—mula sa kanilang espesipikong gawain hanggang sa mga reaksiyon o pagtugon sa kanilang adhikain.
Dedikasyon sa proseso
Malawak at mahangin—ganito inilarawan ni Teemee Lapuz, project head ng FTK Dreamland: Into the World of Wonders, ang gusaling Henry. Ito umano ang pangunahing dahilan kaya isinagawa nila ang FTK sa pinakamababang palapag nito: ang Henry grounds.
Masasabing mahaba-habang proseso ang kinakailangan sa pagsasagawa ng mga pagdiriwang sa Pamantasang De La Salle, partikular na sa mga pagtitipong isinasakatuparan sa Henry Sy sapagkat kadalasang malaking pangyayari ito. Sa katunayan, umabot umano sa walong buwan ang paghahanda nina Teemee para sa programang FTK Dreamland. Isa sa mga importanteng bahagi ng kanilang hakbangin ang pagtatanong sa kanilang Partner Centers, tulad ng mga organisasyong nangangalaga sa persons with disabilities (PWDs), kung nais nilang makilahok sa okasyong ito. “If pumayag, nagtatanong na kami kung ano yung mga kondisyon ng kids na sasali sa FTK tapos magkakaroon kami ng iba’t-ibang meetings with the Teachers ng Centers para mas mapaliwanag pa kung ano ung magaganap sa mismong araw ng FTK,” pagbabahagi ni Teemee sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP).
Sinasabing hindi mabubuo ang FTK kung wala ang AKV o ang Ate-Kuya Volunteers na nagsisilbing kaagapay ng mga batang magiging parte ng pagtitipon. Sila rin ang tumutulong sa kabuuang takbo ng programa, mula sa pag-alam ng mga kondisyon ng mga batang bahagi nito hanggang sa mismong pagsasagawa ng mga aktibidad sa nasabing event. Isa sa pangunahing adbokasiya ng programa ang pagsulong sa karapatan ng mga PWD kaya sinisigurado rin nilang sumasailalim sa Sign Language Seminar ang mga AKV upang matugunan ang pangangailangan ng mga batang may kapansanan, partikular sa mga hindi makapagsalita o makarinig. Upang maisakatuparan ang lahat ng ipinangako ng proyekto, kumontak din ng sponsor ang mga tagapangasiwa.
Bago ang mismong pagdiriwang, pangunahing tungkulin din ang paglalagay ng disenyo sa gusali ng Henry Sy, at entablado naman para sa performers at hosts ng pagtitipon. Ngunit, sa kabila ng matatag na pundasyon at natatanging alindog ng Henry, naghahatid din ito ng mga hamon sa mga tagapangasiwa ng mga aktibidad gaya ng limitadong masisilungan sakaling umulan at malalakas na hanging maaaring makasira sa mga nasabing dekorasyon at makaapekto sa mga palarong bahagi ng pagtitipon.
Gayunpaman, nagtatapos pa rin ang mga programang may iniiwang masasayang alaala sa mga estudyante at tagapangasiwa. Ayon kay Teemee, hindi nila kailanman malilimutan ang mga batang naglalaro at nakikiindak sa mga dance performance—tila mga batang naglalaro sa ulap at sumisimbolo sa mga kulay ng bahaghari sa alapaap. Higit pa rito, naipakita rin sa pagdiriwang na walang pagkakaiba sa pagitan ng mga batang may espesyal na pangangailangan kumpara sa mga itinuturing na normal na bata. “Sobra lang talagang nakatutuwang makita na nag-eenjoy hindi lang yung mga bata pati na rin yung mga magulang, guardians, teachers at mga AKVs sa mga inihanda naming event para sa kanila,” pagpapalawig niya.
Bilang pagtatapos, binigyang-diin ni Teemee na core values ang pinakamahalagang sangkap sa likod ng pagsasagawa ng mga ganitong aktibidad. Aniya, “. . . faith, service and communion. Ginagawa natin laging sentro ang Panginoon sa lahat ng ating pagtitipon. And together, with our collective efforts, we voluntarily organize events to serve others and make an impact on society.”
Anino sa bawat pagdiriwang ng Animo
Hindi madali ang bawat simula para sa mga panibagong yugtong kinahaharap sa buhay. Para sa mga estudyanteng nagsisimula pa lamang na mamuno sa mga proyekto, kinakailangan nilang hanapin ang tamang balanse sa umpisa upang maisagawa ang mga gampaning kailangang maisakatuparan. Ganito ang naging sitwasyon ni Teemee noong nagsisimula pa lamang siya sa kaniyang posisyon bilang isang project head. Bukod sa kaniyang responsibilidad sa organisasyon, may mga gawain din siyang kinailangang bigyang-atensyon bilang isang estudyante ng Pamantasan. Mabuti na lamang umano’t sanay na siya ngayon sa buhos ng trabaho kaya nagagawa na niyang balansehin ang dalawang buhay na kaniyang ginagalawan.
Naging malaking tulong din para sa kaniya ang pagkakaroon ng mga kasangga sa proseso ng paghahanda para sa proyekto. “May mga times na mahirap lalo na kung nagsasabay ung exams/school requirements sa event requirements pero buti na lang na mayroon akong co-project head at mga committee heads na tumutulong para maging maayos ang preparasyon,” pagbabahagi ni Teemee sa APP. Bagamat may paghihirap sa kabuuang proseso ng pangangasiwa, nakatataba naman umano ng pusong makitang masaya ang mga dumalo sa kaniyang okasyong pinamunuan. Nagsisilbing panukli para sa pagod na dinanas ang mga ngiting naipipinta sa mukha ng mga dumalo sa kaniyang pinagsikapan.
Ikinatuwa rin ni Teemee ang mga nagpahayag ng galak para sa proyektong kaniyang pinaghirapan at pinaglaanan ng panahon. Aniya, “. . . kahit mga alumni nagsasabi rin ng kanilang kagalakan dahil naging successful ang event kahit na merong mga ilang pagkakamali/problema. Syempre, natutuwa ako kapag naririnig ko ung mga ganoong saloobin nila kasi ibig sabihin ay naappreciate nila yung time at effort na ibinuhos namin para sa event na iyon.”
Kasabay ng pagbabalik-tanaw niya sa kaniyang mga napagtagumpayang proyekto, binalikan din ni Teemee ang ibang gunita sa gusali ng Henry na nais niyang maranasang muli kapag maaari nang bumalik sa Pamantasan. “Gusto kong umupo sa isa sa mga benches ng Henry Grounds habang nagpapahangin at nakikipag-usap sa mga kaibigan. Nagpapa-dp picture sa 5th floor ng Henry para sa dp blast ng mga events. . . Gusto ko rin ulit maranasan yung paglalagay ng mga dekorasyon sa Henry ng madaling araw, nakikipagkulitan at sayawan sa mga bata, at nagdidistribute ng mga pagkain sa mga kalahok ng event,” paglalahad niya.
Ilang buwan na ang nakalipas ngunit nakatatak pa rin sa alaala ni Teemee ang makabuluhan niyang karanasan bilang project head ng FTK Dreamland. Kaya naman para sa mga susunod sa kaniyang yapak, ito ang kaniyang mensahe para sa panibagong landas na kanilang tatahakin: “Gusto ko talagang maramdaman din nila yung saya at sense of fulfillment tulad ng akin kasi iba talaga yung feeling na may naidulot kang kagandahan sa buhay ng iba, at naging inspirasyon sa ibang tao.”
Muling pagningas ng diwang Lasalyano
Saksi ang gusaling Henry sa mga pagbubunyi at mga simpleng kasiyahang nagbigay-buhay sa mga Lasalyano. Subalit, kasunod ng bawat okasyon ang nakatakdang pagtatapos nito. Mananatili na lamang ang hiyas nito sa puso’t utak nilang naging saksi rin sa nasabing kasiyahan. Gustuhin mang maramdaman at maranasang muli ang mga kaganapang ito, hadlang ang pandemyang patuloy sa pagpapanatili ng takot sa bawat Pilipino.
Tulad ni Teemee, pawang pagbabalik-tanaw na lamang sa nagdaang mga gunita ang maaaring gawin ng bawat miyembro ng Pamantasan sa kasalukuyan; pinananatiling buhay ang mga alaala hanggang dumating ang panahong maaari na muling maranasan ang mga ito. Hangga’t patuloy ang hangaring makabalik sa kampus, nananatiling nakakapit ang lahat sa pag-asang mararanasang muli ang makulay na kulturang nakasilid sa gusaling Henry Sy.
Muling gumalaw ang mga paa. Nagtungo sa pintong daan sa labing-apat na palapag na may natatanging istorya’t alaala. Muling pinagmasdan ang Henry Sy na may natatanging ganda. Subalit, may mga pagkakataon sa buhay na nagtatapos at tumitigil na lang bigla. Mula sa itaas, ramdam ang pagbaba ng kuwadradong espasyo patungo sa pinakamababang palapag na nagsilbing kanlungan ng mga batang nakapaloob sa kuwentong ito. Sa muling paghihiwalay ng dalawang bahagi ng pinto, nakaririnding katahimikan na lamang ang pumapalibot sa gusaling Henry Sy na naging saksi sa masasayang pagtitipon ng Animo. Gayunpaman, klaro ang imahen ng hinaharap para sa mga estudyanteng umaasa. Naniniwalang kasabay ng muling pagbubukas ng mga pinto ng Pamantasan ang pagbuklat ng mga panibagong kabanata sa buhay ng bawat Lasalyano; handang sulitin ang mga nalalabing panahon bilang isang estudyante ng Pamantasan na malapit sa gunita at mga puso.
Sa uulitin,