Gusaling kamangha-mangha at walang kahalintulad—sa unang sulyap, hindi aakalaing bahagi ng Pamantasan. Napaliligiran ng mga matataas na imprastraktura at iba pang gusaling tinutuluyan ng mga mag-aaral. Sa pagpasok dito, bubungad ang nakasisilaw na mga ilaw at agad na maririnig ang walang humpay na tawanan at masasayang kuwentuhang may katumbas ding hinagpis. Nagkakaroon din ng palitan ng ideya at mga argumentong nakapagbabahagi ng kaalaman para sa nalalapit na pagsusulit. Ginagawang umaga ang gabi para sa pagpapatuloy ng mga aralin at mga kinakailangang gawain. Bagamat tahimik na ang kalsada at karaniwang nagpapahinga na ang lahat ng tao, gising na gising pa rin ang diwa ng mga estudyanteng Lasalyano na tinutulak ang sarili para tapusin ang kani-kanilang takdang-aralin.
Sa pagsikat ng araw, mag-iibang muli ang imahen nito at mapupuno ng mahahabang pila ng mga estudyanteng nagkukumahog papunta sa kanilang silid-aralan; nagmamadali at paminsang mag-uunahan pa makaabot lamang sa kani-kanilang klase. Subalit, bigla na lamang magbabadya ang luhang nais sumabay sa nakangiting mga labi. Magigising at mapagtatantong isang masayang panaginip lamang ang mga alaala ng sarili sa gusali ng Andrew—gusaling sumubaybay sa maraming mag-aaral na nagsusumikap at nagsusunog ng kilay para maabot ang kanilang pangarap. Gusaling saksi sa paghihirap at karanasan ng mga Lasalyano na nagnanais makasabay sa takbo ng buhay; ano nga ba ang mga kuwentong nakapaloob sa Andrew?
Tahanan sa loob ng silid-aralan
Tila isang malaking silid-aralan ang makikita sa gusali ng Andrew sa pagsapit ng dapithapon. Unti-unting napupuno ng mga estudyanteng Lasalyano ang mga lamesa sa may unahan ng una nitong palapag. Dahil limitado ang kakayahan ng ilan sa pagkakaroon ng silid na mapupuntahan para makapag-aral nang maayos magdamag at paglagian nang 24 na oras, isang hamon ang paghahanap ng espasyong mapagbabalingan ng mga estudyanteng nais maging produktibo. Kaugnay nito, naglaan ang Pamantasang De La Salle ng espesipikong lugar sa loob ng gusali ng Andrew na maaaring puntahan ng mga estudyante para sa kanilang pag-aaral at pagtapos ng kani-kanilang gawain.
Naging malaking tulong ang nasabing espasyo sa estudyanteng si Jose*, kasalukuyang kumukuha ng programang BS Civil Engineering, na kadalasang matatagpuan sa inilaang study area sa nasabing gusali. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Jose, ibinahagi niya ang kaniyang karanasan sa Andrew kasama ang kaniyang mga kaibigan. Aniya, karaniwang isa hanggang dalawang beses sa isang linggo sila napaparito ngunit tuwing nagpapatong-patong ang kanilang mga gawain, napapadpad sila rito nang dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo. “We usually start off with projects we’re groupmates in or subjects we have in common so we can help each other out if there’s any confusion or topics that aren’t understood,” paliwanag niya. Kadalasan din silang inaabot dito ng madaling araw.
Pagsasalaysay pa ni Jose, bago ang pandemya, madalas siyang mag-aral sa Andrew dahil mahina ang signal ng wifi sa kaniyang tinutuluyan at mas tipid din umano rito dahil hindi na kailangang gumastos kumpara sa pampribadong mga study area o mga coffee shop. Aniya, “At first [my parents] were opposed to it, but I helped them realize that I don’t really have a choice considering how I don’t really study fast, and the condo isn’t a very productive area for me.”
Gayunpaman, sinisigurado pa rin ni Jose na hindi niya napababayaan ang kaniyang sarili. Tuwing tinatamaan na siya ng antok o gutom, nagpupunta sila sa 7-11 o ‘di kaya’y sinusubukan ang vending machine sa loob ng Pamantasan para bumili ng pagkain at inuming magbibigay-lakas, para manatiling gising sa oras na inilalaan na dapat nila sa pamamahinga. Tunay na naging pangalawang silid-aralan na nga ni Jose ang study area ng Andrew na naging saksi sa maraming panahon ng kaniyang pag-aaral pagkatapos ng kaniyang mga klase. Kasama ang kaniyang mga kaibigan, nagsilbi na rin itong lugar na ligtas at may kapanatagan, nagbibigay ng motibasyon, at naghuhulma ng mga alaala.
Tandang-tanda pa niya ang isang nakatatawang alaalang nag-iwan ng ngiti at saya sa kaniya. “I’ll never forget the time I saw these students who brought out an insanely long extension cord, who then proceeded to connect it to another extension cord. Basically spanning a third of the taft entrance side just because the corner with the socket had too much people sitting there and the group wanted to study near where the guards were,” pagkukuwento ni Jose.
Reyalidad sa likod ng determinasyon
Sa pagbabalik-tanaw ni Jose sa mga kuwentong kaniyang nabuo sa loob ng Andrew, magkahalong pag-aasam at pangangailangang makabalik sa nasabing lugar ang kanyang nadama. Nais umano niyang bumalik sa Andrew hindi lamang upang muling makasama ang kaniyang mga kaibigan, kundi upang muli ring magkaroon ng maayos na working environment.
Ngayong quarantine, lubos na naapektuhan ang study habits ni Jose. Hirap umano siyang magpokus sa kaniyang online class, kaya naman naglaan ang kaniyang pamilya ng munting espasyo sa kanilang tahanan para sa kaniyang pag-aaral. Bagamat paminsang may nakagugulong ingay sa espasyong ito, aminado si Jose na mapalad pa rin siya, sapagkat kumpara sa nakararami, mas maayos pa rin ang kaniyang kalagayan ngayong pandemya.
Subalit, nagpapasalamat man sa pribilehiyong nakakamtan, hindi pa rin nawawala kay Jose ang pag-aasam na muli nang makabalik sa ginhawang nakasanayan. Diin niya, napuno rin ng paghihirap at pangamba ang kaniyang reyalidad ngayong pandemya. Bukod sa hirap na dinaranas sa online classes, dumagdag pa sa kaniyang dalahin ang pagkabalisa sa kalidad ng edukasyong kaniyang natatamasa. Pagpapalawig niya, “[It] makes me worry about how well I will be able to apply my education into my future career considering that I lack physical experience for my course.”
Naisin man niyang panandaliang tumigil sa pag-aaral at maghintay hanggang maging mas maayos ang lahat, hindi umano ito posible dahil sa kasalukuyang sitwasyon ng kaniyang pamilya. “As a person, there are even more challenges, finance being one, as both my parents are retired and our main source of income was completely shut down. I chose to resume online class because like many others, it would be even more disadvantageous to me to be delayed further given some of our family situations,” pagbabahagi niya.
Inilahad din ni Jose ang pangungulila sa mga kaibigang naging kasangga sa mga gabing nag-aaral siya sa Andrew. Pagkukuwento niya, “What I can’t wait to get back to in Andrew would most definitely be the company I always have [and] the memories that accompany that…” Dagdag pa niya, hindi ang mismong gusali ng Andrew ang nagmistulang tahanan para sa kaniya, sa halip, ang mga taong nakasama niya rito.
Pag-asa mula sa nakaraan
Sa paglubog ng araw, tanging ang apat na sulok pa rin ng kaniyang silid ang masasaksihan ni Jose. Wala nang mataas na gusaling mapupuntahan kasama ang mga taong naging kaniyang sandigan at tahanan. Laman ng kaniyang panaginip ang mga nakaraang karanasan: mga masasayang palitan ng mga salita, mga ingay na dulot ng walang humpay na asaran, at ang hinagpis at pagod buhat ng iba’t ibang responsibilidad at gawain. Lubos na mangungulila sa oras na makatagpong muli sa panaginip ang nabuong samahan na kailanman hindi matutumbasan. Nag-uumapaw ang puso sa pananabik, subalit kinakailangan nang gumising upang harapin ang panibagong reyalidad. Aasang mababalikan din ang masasayang mga sandali, subalit sa ngayon, magpapatuloy muna sa pag-usad at palalakasin ang sarili.
Sa uulitin,
*hindi tunay na pangalan