Paskong Lasalyano, ginunita sa Animo Christmas 2020


MULING BINUHAY ang tunay na diwa ng Pasko sa isinakatuparang Animo Christmas 2020: A Celebration of Hope and Healing, na naglalayong mapagaan ang loob at mabigyang pag-asa ang mga pamilyang lubos na naapektuhan ng pandemya sa pamamagitan ng pamimigay ng pang-Noche Buena sa kanila. Inilunsad ang online bazaar ng Animo Christmas mula Disyembre 8 hanggang Disyembre 22 upang mapagtagumpayan ang layuning ito.

Ipinaliwanag ni Bea Llana, isa sa mga tagapamahala ng proyekto, ang dahilan sa likod ng tema ngayong taon. Wika niya, “Considering what our country has gone through the whole year, from natural disasters to the COVID-19 pandemic, it only seemed appropriate that we incorporate in our theme our way forward―how we can hope for better days ahead and heal from what this year has brought to us.”

Pag-usbong ng inisyatiba

Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa mga tagapamahala ng proyekto, ibinahagi nina Llana at Brina Secosana ang naging selebrasyon ng Animo Christmas ngayong kinailangang gawing online ang lahat ng aktibidad pati na ang pagsasagawa ng bazaar. 

Ipinahayag din ni Secosana ang kagustuhang maipagpatuloy ang nakagawiang bazaar ng Pamantasan. “I wanted to continue the Christmas Bazaar despite the online setting because it’s the university’s tradition,” wika niya.

Inilahad naman ni Llana sa APP ang nag-udyok sa kanila upang isagawa pa rin ang proyekto. Aniya, “A lot of people lost their jobs. We just wanted to celebrate Christmas by giving back a little given the resources we have.”

Dagdag pa niya, bagamat sinubok sila ng sitwasyon ngayon, nagpatuloy silang dala ang pag-asang makapag-abot ng donasyon sa mga pamilyang lubhang naapektuhan ng mga nagdaang krisis.

Pagsasakatuparan ng programa

Ipinabatid ni Secosana na nagsagawa sila ng pananaliksik upang mailunsad ang website para sa online bazaar ng Animo Christmas 2020. Tampok nito ang iba’t ibang produkto gaya ng pagkain, damit, at kagamitan para sa mga alagang hayop. Saad pa ni Llana, “[This is] a more established and efficient platform to browse through different businesses that may fit their needs and wants these holidays.”

Inilahad din ng dalawang tagapamahala sa kanilang panayam sa APP ang mga hamong kinaharap nila sa pagsasagawa ng kauna-unahang online na Christmas bazaar. Pagbabahagi ni Secosana, “It was. . . the first time for some of us to meet each other, [so] we had to get to know how each of us work. There were lots of adjustments at first.” 

Binanggit din ni Llana na limitado ang bilang ng mga miyembrong maaaring makapag-edit sa website gamit ang Wix kaya naman nagsalitan na lamang sila sa pagbuo nito. Naging hamon din sa kanila ang pakikipanayam sa mga negosyanteng nais makibahagi sa online bazaar. Sa kabila nito, nalagpasan umano nila ang mga suliranin sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa bawat isa.

Naging daan din ng pagkatuto para kay Llana ang pakikipag-usap sa mga negosyanteng sinubok ng pandemya. Sa pamamagitan umano ng pakikinig sa kanilang mga kuwento, hindi lamang pag-oorganisa ng online bazaar ang kaniyang natutunan kundi pati ang pagpupursiging magpatuloy sa kabila ng mga hamon ng panahon. 

“They remain resilient in every manner they can, spiking new creations or innovations which is what made this bazaar even more worth it because it became an avenue for these people to showcase what they have in the hopes of making their businesses survive amidst the pandemic,” pagdidiin niya ukol sa naging kontribusyon ng bazaar sa mga negosyo. 

Pagpapalawig ng diwa ng pasko 

Ayon kay Secosana, pinili nilang pangunahing benepisyaryo ang Kada Uno Lasalyano dahil malawak ang saklaw nito at matagal na rin itong katuwang ng Pamantasan. 

Bukod pa rito, hangad nilang makahanap ng katuwang na organisasyong makatutulong upang maisakatuparan ang kanilang misyon. Ani Llana, “We believe that they are the ones who could help us avenue our resources and be able to reach out to these families that we would like to help.”

Sa huli, naniniwala sina Llana at Secosana na naging matagumpay ang programa dahil naisakatuparan nila ang mga binuong plano para rito. Binigyang-diin din ni Llana na nakasandig ang tagumpay ng programa sa pagpapaalala sa tunay na diwa ng Paskong Lasalyano. “Besides [bringing] smiles [to] the families. . . we were also able to build a family focusing towards working together to make ends meet amidst a pandemic, a resilient and true Lasallian family,” pagtatapos niya.