The Art of Pag-edit: Paghubog sa manlilikha’t obra


May ideyang unti-unting nabubuo—nagsimula sa tuldok patungo sa linya, naging mga hugis, imahe, at sa huli, uusbong ang kabuuan ng larawang ipininta. Tila palaging palaisipan kung paano makagagawa ng isang sining na pupukaw sa mata ng madla at magsisilbing sariling pagkakakilanlan. Patuloy ang mga kamay na tila pagod sa pagsulat at pagguhit nang sa gayon, makabuo ng larawang mag-iiwan ng marka sa mga makakakita. 

Malaking pagbabago ang naidulot ng pandemyang COVID-19—nagtulak ito sa ilan na gamitin ang kanilang kakayahan sa pagguhit at kaalaman sa sining para makatulong sa pamilya, lalo na  sa pinasyal na paraan, sa pamamagitan ng paggawa ng mga disenyong may komisyon at pagtitinda ng mga naiguhit na larawan. Subalit, sa pagkakataong tila limitado at hindi sapat ang sariling kakayanan, paano nga ba mapalalawak ang kaalaman at karunungan tungkol sa sining at pag-edit? 

Pagtahak tungo sa sariling tatak

Naglunsad ang DLSU FAST2019 ng dalawang araw na webinar na may temang “The Art of Pag-edit: A Creative Series” sa nagdaang Disyembre 11 at 18. Layon ng programang higit na payabungin ang karunungan at kasanayan sa sining ng mga estudyante at ng mga alagad ng sining. 

Sa unang araw ng webinar, binigyang-diin ang kahalagahan ng brand at tinlakay ang mga paraan sa paggawa nito. Mariing binanggit ng unang speaker na si Dan Matutina, designer mula sa Plus63 Design Co., na kaakibat ng paggawa ng isang brand ang pagdaan sa isang sistematikong proseso at paglaan ng mahabang panahon para rito. Sinundan ito ng speaker na si Vnita Sohal, isang graphic designer mula sa Adobo Magazine, na nagsabing ang sariling istorya ng isang indibidwal ang maaring pagmulan ng sarili niyang brand. Sa huling bahagi, ipinaliwanag ni Gian Wong, Motion Design Lead ng Canva Philippines, ang pagkakaiba ng brand, brand identity, at logo. 

Pagtawid sa Artist’s Block

Sa ikalawang araw ng “The Art of Pag-edit: A Creative Series,” tinalakay ng speaker na si Eulah Araullo, art director ng Saatchi, ang iba’t ibang paraan upang maiwasan ang pagkaubos ng mga ideya sa paggawa ng disenyo o ang pagharap sa tinatawag na artist’s block na kinakalaban ng mga manlilikha ngayon. Ibinahagi ni Araullo ang isang prosesong susi upang maiwasan ito—simula sa pagsulat at paglista ng mga ideya hanggang sa pag-alam ng iba’t ibang karakter ng mga elemento. Ipinakita rin niya ang kaniyang sistema pagdating sa paggawa ng disenyo sa Photoshop, tulad ng pagbibigay ng angkop na panahon sa poster na ginawa at paggamit ng karanasan bilang inspirasyon para sa disenyo ng poster.

Ikinuwento rin ni Araullo ang kaniyang buhay bilang isang art director at inisa-isa ang kaakibat na responsibilidad nito. Aniya, tunay na naiiba ang mundo nito kumpara sa mundo ng korporasyon. Hindi rin maiiwasan ang ‘bad days’ ng isang art director o ang mga araw na ilang beses matatanggihan ang ideya nila o kaya naman malilimitahan ang kanilang disenyo depende sa kanilang badyet. Ayon sa kaniya, palaging nagbabago ang trabaho ng mga art director dahil nakadepende ito sa nauusong teknolohiya.

Sining sa labas ng balangkas

Sa panahong nakatuon ang atensyon ng lahat sa paggamit ng modernong kagamitan at pagbibigay-pansin sa mga kakayahang tiyak na ginagamit sa industriya ng sining, matagumpay na nakapagbigay-liwanag ang programang The Art of Pag-edit sa mga estudyanteng Lasalyano, lalo na sa mga alagad ng sining na naglalayong paunlarin ang kanilang kakayahan. 

Patuloy na pagpapayabong at pagsasanay ang pundasyon at sandigan ng pagpapaunlad ng kaalaman at kakayahan sa pagguhit at pag-edit, at magsisilbing gabay ang mga inilahad ng mga tagapagsalita tungo sa pagpapalawak ng perspektiba at pagkuha ng dunong para sa pag-abot sa inaasam na pangarap.

Mahalaga ang bawat detalye ng likhang-sining—sinasagisag ng mga ito ang pag-usbong mula sa pagsisimula hanggang sa pagkabihasa. Gamit ang angking dedikasyon at kakayahan, unti-unting mapagtatagpi-tagpi ang mga elemento upang makabuo ng larawang magsisilbing inspirasyon para sa karamihan.