Suliraning panlipunan, binigyang-tuon sa Tapatan 2020


TINALAKAY ang suliraning kinahaharap ng mga grupong vulnerable, ang kalagayan ng sektor pangkalusugan, at ang paksa ng mabuting pamamahala sa isang malayang talakayan na may temang Tapatan 2020: Padayon Pinas, Disyembre 17-19. Inorganisa ito ng Alyansang Tapat sa Lasallista, katuwang ang Earth Shaker at De La Salle University Political Science Society, upang maitaguyod ang pambansang kamalayan sa kabila ng pandemya. 

Pagtaguyod sa inklusibong pagsulong

Nagbigay ng maikling panimula si Akbayan Senator Risa Hontiveros ukol sa layunin ng unang bahagi ng programang nakatuon sa kapakanan ng mga nangangailangan. Pagdidiin niya, “We all have privileges that we can use to help others and to continue to fight for advocacies especially in this time when the world needs it the most. ”

Para kay women’s rights advocate Samira Gutoc, ang pagiging unregistered, unrecorded, unrecognized, at discriminated ang batayan para mapabilang ang isang indibidwal sa mga grupong vulnerable. Sa ganitong sitwasyon, paliwanag ni Liyang Network representative Karla Cabrera, “You’re least likely to be resilient [and]. . . recover when you’re hit by [a] crisis.” 

Binanggit din ni Cabrera na matagal na itong pinagdaraanan ng mga katutubo gaya ng nararanasan nilang pagpapalayas mula sa kanilang ancestral domains. “[This] will lead to massive displacements of indigenous communities and encourage more violence against them [because] their displacement makes it difficult for [them] to meaningfully engage or resist the land grabbing.”

Bukod pa rito, naniniwala si Rey Valmores-Salinas, acting Secretary General ng Bahaghari, na kabilang din ang kababaihan at komunidad ng LGBTQ+ sa nabanggit na pangkat dahil sa pagpapatahimik at panghuhusgang nararanasan nila. 

Bunsod nito, binigyang-diin ni Gutoc ang kahalagahang magpahayag ng hinaing. “Kailangan ng intermediaries,” aniya, ”who [will] champion their cause. . . [and] speak the language of the defenseless.” 

Iginiit naman ni Cabrera na kinakailangang maging kritikal sa mga proyekto at polisiyang lubusang makaaapekto sa mga pinakanangangailangan, at makisangkot sa mga talakayan ukol dito. “They’re already fighting, we just have to fight beside them [and] amplify their voices,” paalala niya.

Nagsambit ng panghihikayat si Socorro Reyes, Senior Regional Governance adviser ng The Center for Legislative Development, ukol sa pagpaparehistro at pagboto para sa darating na eleksyon. Binigyang-diin naman ni Salinas ang tungkulin ng kabataan na makiisa sa paghubog ng kasaysayan bilang mga tagapagmana ng bansa. Wika niya, “We cannot just rely on resiliency. . . we have the responsibility of taking the space that is denied of us.”

Pagsiyasat sa mga serbisyong pangkalusugan

Itinampok naman sa ikalawang araw ng Tapatan 2020 ang kasalukuyang estado ng sektor pangkalusugan sa Pilipinas. Bilang panimula, inilatag ni Dr. Darwin Bandoy, miyembro ng University of the Philippines COVID-19 Pandemic Response Team, ang kalagayan ng COVID-19 sa ating bansa sa pamamagitan ng paglalahad ng pinakabagong datos na nakalap. Aniya, “There are still a lot of active cases and this should guide our perspective in looking at this pandemic and decisions in the next few months.”

Ipinaalam naman ni Dr. Fredegusto Guido David, UP OCTA Research Fellow, na maayos ang kasalukuyang estado ng bansa kompara sa mga nagdaang buwan. Subalit, mariin niyang ipinaalala na hindi pa rin dapat magpakakampante kahit patuloy ang pagbaba ng aktibong kaso ng COVID-19.

Itinaas naman ni Dr. Edelina De la Paz, Chairperson of the Health Alliance for Democracy, ang mga umiiral na polisiyang neoliberal sa ating bansa. Lubos na naapektuhan ang mga serbisyong pangkalusugan at nabawasan ang badyet sa mga non-revenue enhancing programs dahil dito. Kaugnay nito, inudyok ni De la Paz ang gobyerno na talikuran ang mga polisiyang ito upang mas maging abot-kaya ang mga serbisyong medikal para sa mga mamamayan. 

Iminungkahi naman ni Dr. RJ Naguit, Founder and National Chairperson of the Youth for Mental Health Coalition, Inc., na tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan dahil lubos itong nakaaapekto sa estado ng kanilang mental health. “The government really needs to step up in terms of allocating budget and recognizing that health should be one of their priorities,” wika ni Naguit ukol sa pagbuo ng gobyerno ng mga desisyong dapat nakabatay sa datos at agham.

Paglalahad ni Dr. David, “If we get 100 cases per day by May, we can go back to our old normal.” Kaugnay nito, hinihikayat niya ang mga mamamayan na mas pagbutihin ang pagsunod sa mga panuntunang pangkalusugan na ipinatutupad ng Department of Health. Maaari umano itong makamit kahit na walang bakuna lalo na’t wala pang kasiguraduhan sa ilang aspekto ng mga bakuna.

Tungo sa epektibong pamamahala

Inilatag naman sa ikatlong araw ng Tapatan 2020 ang kahalagahan ng mabuting pamumuno. Sa paunang salitang nakatuon sa kabataan, pinaalalahanan sila ni Leni Robredo, pangalawang pangulo ng Pilipinas, ukol sa malaking papel na ginagampanan nila sa pagpapaunlad ng bansa. “Lagi ninyong tatandaan, you are never too young to make a difference. Walang pinipiling edad, lugar o panahon ng pagiging mabuting mamamayan,” paghihikayat niya. 

Nagsimula ang talakayan sa mabuting pamumuno sa pangunguna ni Dr. Ronald Holmes, Presidente ng Pulse Asia Research Inc.. Isiniwalat niyang mahina ang estado ng pamamahala ng ating bansa sa kasalukuyan. “The weakness of our political leaders have been much more manifested during the pandemic and the recent disasters that we faced,” pagbabahagi ni Holmes.

Tinukoy naman ni Congresswoman Stella Quimbo, Marikina City 2nd District Representative, ang ilan sa mga dahilan ng mahinang pamamalakad sa kasagsagan ng pandemya. Aniya, “Not having the proper logistics and infrastructure  is unfortunately a weakness.” Sa kabila ng mga inilatag na programa ng pamahalaan katulad ng Social Amelioration Program, iginiit niyang hindi maayos at mayroong mga kakulangan sa implementasyon ng mga programang katulad nito. 

Kaugnay nito, isinaad ni Holmes na malaking bahagdan ng populasyon ng bansa ang higit na naapektuhan ng pandemya at ng mga nagdaang sakuna ngayong taon. Binigyang-diin  niyang hindi lamang ang mga napapabilang sa lower class ang lubos na apektado dahil malaki rin ang epekto nito sa kalagayan ng nasa middle class.

Dagdag pa niya, may suliranin ang gobyerno sa pagtukoy sa mga nangangailangan ng tulong kaya nagbubunsod ito ng magulong distribusyon ng suporta mula sa pamahalaan. Pagdidiin pa niya, “Itong sinasabi ng gobyerno na walang maiiwanan ay dapat patotohanan nila.”

Inilatag naman ni Congresswoman Sarah Jane Elago, Kabataan Partylist Representative, ang ilan sa mga ugat ng mga sitwasyong kasalukuyang kinahaharap ng bansa. Inilahad niyang sa pinakahuling talaang inilabas ng Worldwide Governance Indicators, mababa ang nakuhang puntos ng bansa pagdating sa rule of law at voice and accountability.

Ayon sa kaniya, kinakailangang pagtibayin ang implementasyon ng mga batas na umiiral sa bansa at suriin ang mga batas na inilalatag sa kongreso upang hindi ito magsilbing armas laban sa mga Pilipino. 

Iminungkahi rin ni Elago na kinakailangang maging organisado at sistematiko ang pagpapaabot ng mga adbokasiya, hinaing, at rekomendasyon sa gobyerno upang matugunan ang mga suliraning ito.  “Despite the physical distancing, we need social solidarity now more than ever,” pagtatapos niya.