Pondo para sa DRRM emergency fund at ilang rebisyon sa konstitusyon, kasado na


INAPRUBAHAN na sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang paglalaan ng badyet para sa Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) emergency fund, ilang pagbabago sa konstitusyon ng University Student Goverment (USG), at ang pagpapaigting sa Rules of Court (ROC) ng Commission on Elections (COMELEC), Disyembre 19.   

Pagtatag sa DRRM Emergency Fund

Matatandaang nagkaroon ng mainit na diskusyon ukol sa DRRM emergency fund noong nakaraang sesyon ng LA, Disyembre 11, dahil sa kahaharapin na pagbawas sa badyet ng USG na magiging hadlang sa ipinanukalang porsiyento.

Sa botong 15-0-0, isinapinal na ang pagkakaroon ng nasabing pondo na may bukas na iskema para sa hatian ng pondo na pagdedesisyunan ng USG, Center for Social Concern and Action (COSCA), at Office of Student Affairs (OSA) kada taon.  

Ilang rebisyon sa konstitusyon

Binalikan naman ang panukalang paggamit ng gender neutral pronouns sa mga resolusyong itinataas sa LA bilang pagtaguyod sa pagiging inklusibo. Iminungkahi ni Maegan Ragudo, FAST2018, na palitan na lamang ng they, them, at their ang pronouns na he at she. 

Sa kabilang banda, isinaayos din ang mga probisyon sa Ombudsman act ayon sa mungkahi ng hudikatura na palawakin ang saklaw nito. Ilan sa mga pagbabagong isinagawa ang pagtatanggal ng kahulugan ng ilang tuntunin at limitasyon sa termino ng ombudsman dahil, ani chief legislator Jaime Pastor, masyado itong detalyado para sa mga layunin ng konstitusyon. 

Nirebisa rin ang ilang mungkahi ng hudikatura upang mapagtibay ang kapangyarihan, tungkulin, at responsibilidad ng mahistrado at ibang opisyal. 

Pagpapaigting sa COMELEC Rules of Court

Tinalakay ni John Christian Ababan, COMELEC chairperson, ang pinakabagong bersyon ng COMELEC ROC. Napapaloob dito ang paraan ng pagsampa ng electoral complaint sa pamamagitan ng email ngayong online na ang pagsasagawa ng eleksyon. Kaugnay nito, inilatag din ni Ababan ang pagtalaga ng electoral case timeline na naglalayong mas mapabilis ang pagtugon at pagbibigay-solusyon sa mga reklamo.

Inilahad din ni Ababan ang polisiya para sa mga testigo. Aniya, hindi maaring tumayo bilang testigo ang nagsampa ng kaso gayundin ang pagkakaroon ng anonymous na testigo. Nakasaad din dito ang mga pamantayan sa pagpapasa ng digital evidence. Nilinaw naman ni Ababan na sa Enero 4 pa magsisimula ang time-count dahil kasalukuyang nasa Christmas break ang Pamantasan.

Ayon kay Ababan, ginamit nilang batayan ang hudikatura sa pagsasaayos ng COMELEC ROC. “The perjury of witnesses and contempt of court was sort of copied from the rules of court of the Judicial department,” saad niya. 

Bukod pa rito, ipinaliwanag din ang ibang depinisyon ng mga salitang saklaw ng Decision of the COMELEC board tulad ng unanimous, split, at no judgment.

Sa pagtatapos ng huling sesyon ng LA ngayong taon, binati ni Pastor ang mga bumubuo sa LA para sa matagumpay na pag-enmiyenda sa konstitusyon ng USG. Umaasa siyang hindi na magkaroon ng veto kapag itinaas na niya sa Office of the President ang mga pinal na pagbabago.