Gaano kalawak ang espasyo ng pagtitimpi ng mga Pilipino? Hanggang kailan natin kailangang manatiling malakas? Saang bahagi ng landas matatagpuan ang pahinga mula sa patuloy na pagtitiis? Ngayong taon, tila ibinuhos ng mundo ang mga dagok na inihanda nito para sa atin. Pagsubok ang sumalubong sa ating taon at sa pananatili sa pagkalugmok ito magtatapos. Katulad ng nakasanayan, pagsandig muli sa katatagan ng mga Pilipino ang ginawa ng ilan, ngunit marami na ang nananawa sa pag-romantisa sa nasabing katangian—saksi sina Huse Timbungco at Steff Nucum, mga direktor ng pelikulang #JusticeForYna, sa patuloy na paggasgas sa katatagan ng mga Pilipino, kaya isinalaysay nila sa kanilang pelikula ang buhay ng isang dalagang nagtiis sa tirahang mapang-abuso; kuwentong nakahanay sa karanasan ng sambayanang Pilipino.
Hindi maipagkakailang napuno ng masasamang alaala ang taong 2020. Malaking pagsubok ang hinarap ng karamihan sa iba’t ibang aspekto ng kanilang buhay tulad ng suliraning pampinansyal, ngunit nakagawa pa rin ng paraan ang iba upang magkaroon ng pagkakataong umunlad. Halimbawa na lamang nito ang mga nakapagnegosyo pa rin kahit sa online na pamamaraan—matatag, hindi ba? Subalit sa likod ng mga kuwentong tagumpay, maraming nanatili sa kalsada at sa panganib na dulot ng iba’t ibang sakuna; walang sandata laban sa pandemya at nananatiling mga ‘Yna’ sa ating lipunan.
Pagtitiis sa sistemang baluktot
“Kaya ko ‘to!” nakapaskil na sulat sa kwarto ni Yna na puno ng pag-asang maabot ang kaniyang pangarap. Sa kabila ng maagang pagkaulila sa kaniyang ina, kapansin-pansin ang pagiging matatag ng kolehiyalang tinahak ang mundo ng online selling. Samantala, OFW naman sa Saudi ang kaniyang ama, kaya naman ipinagkatiwala na lamang siya sa kaniyang tiyo.
Minabuti ng dalaga na maging madiskarte upang matulungan niya ang sariling maabot ang mga pangarap nang hindi masyadong umaasa sa padala ng kaniyang ama. Sa kabila ng kalagayan niyang ito, masasabing masigla at masiyahin si Yna. Sinasalubong niya ang bawat araw at hinaharap ang bawat hamong dala nito nang may ngiti—hanggang sa tuluyang nasubukan ang kaniyang lakas nang gahasain siya ng kaniyang tiyo, at maging ng kaniyang ama na siyang nararapat na gumagabay sa kaniya.
Isang pagsasalamin sa kasalukuyang kalagayan ng lipunang Pilipino ang natunghayan sa #JusticeForYna. Mula pa lamang sa karakter ni Yna—o Philipina Joyce B. Marasigan—madaling maunawaan na sa Pilipinas nanggaling ang ngalang ito, habang galing naman sa ‘inang bayan’ ang palayaw ng dalaga. Bukod pa rito, malinaw na representasyon ng mga naranasan nating kalamidad ang mga kalupitang pinagdaanan ni Yna—magmula sa pagsabog ng bulkang Taal noong Enero hanggang sa paghagupit ng bagyong Ulysses nitong Nobyembre. Ang tiyuhin at ama naman ni Yna ang sumisimbolo sa mga awtoridad na inaasahan nating mag-aaruga sa inang bayan ngunit sila mismong bumababoy sa kaniya. Isa rin sa mga pinakamahalagang karakter si Gab, kaibigan ni Yna, dahil sa pagsisilbi niyang saksi sa karumaldumal na pinagdaanan ng bida. Sa kaniyang paniningil ng hustisya, ipinararating niyang mali ang magbulag-bulagan sa nasasaksihang karahasan.
Sa maikling oras na itinagal ng pelikula, nakuha nitong palitawin ang mahahalagang usapin sa lipunan sa kasalukuyan. Siguradong hindi na bago sa ating pandinig ang mga paksang tinalakay sa pelikula ngunit binigyang-buhay ng mga karakter ang kuwento ng bawat mamamayang nakaranas ng pang-aabuso tulad ng dalaga. Bangungot ang sinapit ni Yna, at nananatiling ito ang dinaranas ng pinatutulog na masa; mahalagang gisingin natin ang iba upang maituwid ang balikong sistema, bilang mga saksi tulad ni Gab sa mga taong may buhay na tulad ng kay Yna.
Huling hingi ng saklolo
Masisilayan ang pagbabago sa kalagayan ni Yna sa bawat pagtawag niya sa kaniyang kaibigan. Pilit niyang itinatago sa kaniyang ngiti ang kalungkutang ipinahahayag ng kaniyang mga mata—isang kinagisnang katangiang mapagpigil sa pag-unlad ng ating bayan. Sa bawat pagtitiis, binabawasan nito ang pananagutan at responsibilidad ng mga opisyal.
Bagamat hindi na bago ang paghahambing ng tauhang inabuso sa bansang nilalapastangan, nagtagumpay pa rin ang mga direktor sa kanilang layuning makapagbigay-malay sa karanasan ng ating bansa sa papatapos nang taon. Naisagisag din nito ang mensaheng nararapat na tayong umiwas sa pagpinta ng ngiti at pagtitiis sa mga mapapait na sitwasyon. Nagsilbing paalala ito na hindi lang dapat itala sa estatistika ang mga nabawian ng buhay sa panahon ng trahedya—kinakailangang tugunan ang mismong problemang kinahaharap ng masa. Sa tuwing nananatili tayong komportable sa ating mga tahanan, alalahanin nating bukas makalawa, maaaring tayo na ang biktima dahil minsa’y mandaraya ang mapaglarong tadhana.