Hindi nakalilimot ang masang mulat


Hindi nga ikaw ang nagsimula, pero hinayaan mong mangyari ang alam mo nang hindi tama. Nakisangkot ka pa. Ngayon, wala nang makapagsasalba sa ‘yo mula sa katotohanang nagkasala ka—maliban na lang kung paborito ka niya. Tila may utang ang hari sa tuta niya, kaya kahit parusa ang nararapat, pasensya ang iginawad. Itinaas pa nga ang pagkilala sa kaniya. Palasyo ang opisina ngunit sirko ito talaga; pangulo ang hirang sa kaniya ngunit isang payaso para sa mulat na madla.

Hindi na pandurungis ang ginagawa ng Pangulo sa mga katagang katarungan at hustisya; ganap na pagtanggal sa mga ito ang ipinakita niya nang hirangin niya si Debold Sinas bilang bagong Chief ng Philippine National Police nitong Nobyembre 9. Sa lahat ng kalapastanganang ginawa ni Duterte, isa ito sa pinakamatitinding sampal sa masa. Hinirang na bagong PNP Chief ang taong lumabag sa batas at kasalukuyang may kinahaharap na reklamong isinampa mismo ng PNP laban sa kaniya noong nagdiwang siya ng kaniyang kaarawan sa Metro Manila Police Headquarters. Tapat ang mga larawang patunay ng paglabag nila sa mga alintuntuning ipinatutupad alinsunod sa community quarantine. 

Pagtatanggol ng Palasyo kay Sinas, hindi niya ito kasalanan dahil sinurpresa lamang umano siya ng kaniyang mga kasamahan. Ibalik natin ito sa kanila—hindi rin naman kasalanan ng mga jeepney drayber na wala silang makain noong ipinatigil ang pasada kaya kinailangan nilang mangalampag sa kalsada at manghingi ng ayuda, ngunit bakit sila inaresto? 

Muli, wala naman daw perpektong tao, sabi ng Palasyo, kaya gawaran na lamang natin ng espasyo si Sinas. Ibalik natin ito sa kanila—bakit kapag nagpoprotesta ang masa, inaaresto kaagad nang walang espasyo para sa pag-unawa at pasensya? 

Baluktot ang pag-iisip ni Duterte, at inutil ang mga taong alam ang katotohanang ito ngunit pinipili pa rin siyang ipagtanggol at kunsintihin. Ibalik natin ito sa simula: hindi nga ikaw ang nagsimula, pero hinayaan mong mangyari ang alam mo nang hindi tama. Nakisangkot ka pa. Isa ka sa mga lumalapastangan sa sarili mong bansa. 

Hindi pa naman huli ang lahat. Gising ka naman na; kailangan mo lang talagang piliing imulat ang iyong mga mata. Bumangon mula sa pagkakasadlak at makiisa sa pangangalampag. Manindigan para sa kapwa, sa bansa, at para sa sariling nagpupumiglas nang makalaya.

Natatandaan namin lahat ng kalapastanganan, at tatandaan namin lahat ng sangkot na pangalan.