BINULABOG ng mga kontrobersiya ang bansa hinggil sa nakaraang 2019 Southeast Asian Games (SEA Games) na idinaos noong Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11 ng taong 2019. Pinangunahan ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) at ng Organizing Committee Chairman na si dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang nasabing palaro.
Sa kabila ng matagumpay na karera ng mga atleta matapos kilalanin ang Pilipinas bilang overall champion, hindi pa rin nito natakpan ang mga anomalya at kaguluhan sa pamamahalang binatikos ng sambayanan sa pagdaraos ng palaro sa bansa.
Sa panig ng mga nakilahok
Lumutang ang mga puna hinggil sa pamamahala sa palaro nang masaksihan ng publiko ang gagamiting cauldron sa torch lighting ceremony na nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php50 milyon. Bukod pa rito, kumalat din sa ilang social media site ang pamamalagi ng ibang atleta sa tanggapan ng Ninoy Aquino International Airport sa halip na pagpapahinga sa mga hotel. Hindi rin nakaligtas sa batikos ang pamahalaan nang makaranas ng aberya sa transportasyon, sustento, at makeshift venues ang mga Pilipino na nagboluntaryo sa pagdaraos ng palaro.
Pinabulaanan ni Juan*, isang volunteer, ang kontrobersiya hinggil sa pagtrato ng pamahalaan sa mga atleta. Ayon sa kaniya, wala naman siyang nasaksihang kakulangan sa panig ng pamahalaan kung pag-uusapan ang pagtrato nito sa mga manlalaro. Gayunpaman, hindi naman niya itinangging may mga pasilidad na kinailangan sa pagdaraos ng palaro ngunit hindi natapos kaya naman nakadagdag pa sa mga problema.
Pagbabahagi naman ni Luis Gabriel Moreno, kinatawan ng bansa sa palarong Archery, masasabi niyang nagampanan nang maayos ng Pilipinas ang pagiging host ng palaro kung ihahalintulad sa kaniyang dating karanasan sa paglahok sa SEA Games. Binasura rin niya ang mga negatibong pahayag ng mga netizen na lumabas noon. “Masyadong na-magnify ng mga news outlet ang maliliit na pagkukulang ng gobyerno, to the point na medyo nakakahalata na gusto lang iparating sa mga Pilipino na palpak ang SEA Games 2019,” paglalahad ng three-time SEA Games athlete sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel.
Binanggit din ni Moreno na wala siyang naranasan o nasaksihang anomalya sa kaniyang panig noong SEA Games. Lubos pa niyang ikinatuwa ang pagpapatayo ng gobyerno ng mga imprastraktura tulad ng Athlete’s Village sa New Clark City sapagkat patuloy itong mapakikinabangan at hindi lamang sa kasagsagan ng palaro.
Paglilinaw ng pamahalaan
Binigyang-linaw ni PHISGOC Chief Operating Officer Ramon “Tats” Suzara na naresolba na umano ang iba’t ibang kakulangan ng gobyerno hinggil sa mga venue, pagkain, at maging akomodasyon ng mga atleta bago pa man magsimula ang naturang palaro. Nabanggit din niyang nagsagawa sila ng chef de mission meeting upang talakayin at solusyonan ang mga reklamo at iba pang pangangailangan ng mga kalahok.
Dagdag pa niya, pangkaraniwan na ang pagkakaroon ng aberya sa mga venue ng laro. “…Always before the opening ceremony there are a lot of adjustments not only here but also in Singapore, Malaysia, Indonesia. There are a lot of games [where] you wait two hours, three hours in the airport, so let’s help each other,” ani Suzara sa nakaraang press conference sa World Trade Center. Sa kabila nito, humingi pa rin siya ng tawad sa mga manlalaro para sa naranasan nilang aberya sa palaro.
Pag-unlad mula sa karanasan
Kung mabibigyan ng pagkakataon ang Pilipinas na humawak muli ng palaro, nais ni Juan na mabigyan ng sapat na oras ang mga Pilipino upang tukuyin ang mga maaaaring mangyari sa pagdaraos nito at magpahandaang mabuti ang pagsasakatuparan ng bawat planong ilalatag ng pamahalaan. Sa kabilang banda, naging magaan umano ang kanilang trabaho nang binigyang-diin din niya ang konsepto ng bayanihang namayagpag sa torneo. “Nakakatuwa na pinagtulungan talaga ng mga Pilipino at ng iba pang mga volunteer na mairaos ng Pilipinas ang pag-host ng SEA Games kahit na gahol sa oras at minadali ang preparasyon,” pahayag niya. Ito umano ang isa sa mga susi na nagpadali sa kaniyang trabaho sa torneo.
Sa paghimay sa mga kontrobersiyang bumalot sa nasabing palaro, nabigyan ng pagkakataon ang iba’t ibang panig upang mabigyang-linaw ang mga nangyari sa palaro mula sa pananaw ng mga nakilahok sa torneo. Kung susuriin nang mabuti, marami pang bagay ang kinakailangang maipagbuti ng pamahalaan sa kanilang pamamalakad. Ito ang hamong inihahain ng sambayanan sa mga susunod na mamumuno sa bansa—ang hamong patuloy na paangatin at paunlarin ang paraan ng pamumuno para sa ikatatagumpay ng pagdaraos ng mga palarong tulad ng SEA Games, at para sa ikabubuti ng kalagayan ng Pilipinas.
*hindi tunay na pangalan