Ako ay May Titi: Pagtuwid sa kulu-kulubot na imahe ng titi


Dibuho ni Rona Hannah Amparo

“Junjun,” “birdie,” “putotoy”—iilan lamang ang mga ito sa mga salitang pamalit para sa bahagi ng katawan ng isang lalaki: ang titi. Hanggang ngayon, may humahalakhak pa rin sa tuwing naririnig ito sa karaniwang usapan. Agarang tugon din ang “Bad word ‘yan!” sa tuwing naririnig ito mula sa kabataan. Hanggang sa paglaki, tuluyan nang nabahiran ng kahihiyan ang salitang nararapat namang pangkaraniwan na sa atin. 

Maraming nagtataka sa pinagmulan ng konsepto ng hiya na pumapasok sa tuwing pinag-uusapan ang mga pribadong bahagi ng ating katawan. Marahil nanggaling ito sa pagiging konserbatibo ng ating lipunang ginagalawan.  Gayunpaman, naging susi ito sa paglikha ng makabuluhang aklat na hindi lamang para sa kabataan, pati na rin sa mga magulang na nais turuan ang kanilang mga anak tungkol dito nang walang bahid ng hiya. ‘Ako ay May Titi’ —sa una pa lang, walang duda na magugulat ang sinomang makababasa ng pamagat ng aklat na isinulat ni Genaro Gojo Cruz. Subalit, sa pagbuklat at pag-alam sa mga nilalaman nito, sinong mag-aakala na makararating tayo sa panahong unti-unti nang natutuldukan ang konsepto ng kahihiyan at kabastusang nakapulupot sa salitang ‘titi’. 

Tungo sa paglikha ng aklat

Umiikot ang akdang ‘Ako ay May Titi’ sa kuwento ng isang inang itinuturo sa anak ang kahalagahan at tamang pag-aalaga sa titi. Sa una, nabanggit ni Gojo Cruz sa kaniyang pakikipanayam sa Rappler na naging mahirap ang proseso ng pagsusulat nito. Lumayo umano ang aklat sa pangunahing layunin nito sapagkat may mga mambabasang ginawa itong katatawanan at tila hindi sineryoso ang mga nilalaman nito. Ngunit, nito lamang taon, tuluyang nakamit ni Gojo Cruz ang inaasam na reaksyon nang makatanggap ito ng papuri mula sa mga guro at mga magulang. Paglalahad niya sa nasabing panayam, “Sa bawat libro, may kaba kung paano ito tatanggapin ng bata at ng mga guro, pero kapag nanay at eksperto na yung nagsalita, bigla akong nabunutan ng mga tinik.”

Hindi man madali, iginiit ni Gojo Cruz ang kahalagahan ng pagpapakawala sa salitang ‘titi.’ Sa paglikha niya ng kaniyang akda, kinailangan niya ang pananaliksik at paghingi ng opinyon mula sa eksperto. Sinigurado rin niyang mananatili ang pagka-inosente ng bata pagkatapos basahin ang libro, kaya binanggit niya rin ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinaw na age restriction. Aniya, “Kailangan talaga na mayroon kang malinaw na edad ng bata na tinatarget sa mga sinusulat mo, kasi kina-categorize ko sila sa tatlo eh. ‘Yung age bracket may 0-4, 5-7, 8-13. ‘Pag nagsusulat ako ng kwentong pambata, malinaw doon sa tatlo kung sino ‘yung kinakausap ko.”  

Bago ilathala, ipinabasa niya muna sa kabataan ang akdang kaniyang isinulat upang makatanggap ng komento mula sa kanila. Sa una, nabastusan ang kabataan, ngunit sa kalaunan, naunawaan umano nila ang mensahe ng kuwento. Binigyang-diin ni Gojo Cruz na kailangang malaman ng kabataan ang kahalagahan ng titi upang maipagtanggol nila ang kanilang sarili sakaling malagay sa hindi inaasahang sitwasyon. 

Dulot ng konsepto ng hiya

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Dr. Drew Valdez, isang urosurgeon in training, inilahad niyang may mabigat na kahihinatnan ang konsepto ng hiya lalo na sa pribadong bahagi ng katawan. Aniya, “dahil nga may stigma doon, marami kaming sakit na nagkakaroon ng delays in diagnosis dahil nga sa embarrassment.”

Bilang halimbawa, isinalaysay ni Dr. Valdez ang naidudulot ng hiya para sa mga may penile cancer o kanser sa titi. Pagpapaliwanag niya sa APP, nagsisimula ang penile cancer sa isang maliit na sugat sa titi, at sa oras na lumaki ito, hindi na ito maaaring magamot pa. Inihayag niya ang panghihinayang sa mga sitwasyong kagaya nito, sapagkat kung mawawala lamang umano ang hiya, maaaring magbago ang kapalaran ng mga pasyente. 

Bilang isang lalaki naman, hindi rin ipinagkakaila ni Dr. Valdez na may kaakibat ngang hiya ang salitang ‘titi’. Bagamat edukado at bihasa siya sa wikang Filipino, iniiwasan pa rin niyang banggitin ang mga salitang kagaya ng ‘titi’ at ‘puke’. Dahil dito, napagtanto ni Dr. Valdez na maaari umanong hindi naman kulang ang edukasyon tungkol sa mga ganitong bagay—marahil malakas lamang talaga ang mantsa ng malisya.

Gayunpaman, naniniwala siyang kailangan lamang i-normalize ang salitang ito sa lipunan upang tuluyan nang mawala ang hiya sa tuwing mababanggit ito. Bilang isang doktor ng titi sa kasalukuyan at biktima ng stigma sa nakaraan, puno ng papuri si Dr. Valdez sa libro ni Gojo Cruz. Malayo pa umano ang tatahakin upang tuluyan nang matanggal ang malisya sa mga pribadong bahagi ng katawan, ngunit naniniwala siyang isang magandang simula ang pagkakasulat ng librong ito.

Pagsulong tungo sa progresibong hinaharap

Sa paglipas ng panahon, patuloy ang pagkawala ng panibagong henerasyon sa gapos ng mga maling nakasanayan. Mabagal man ang usad, patuloy pa rin ang pagsulong tungo at para sa progresibong kinabukasan—isang hinaharap na malaya sa malisya at mapaglimitang mga kaugalian. Sa pagdating ng panahong tuluyan nang nabura ang mantsa ng malisya sa lipunan, isa ang aklat na ‘Ako ay may Titi’ sa mga lilingunin bilang naging unang hakbang pasulong. Isang pagpupumiglas na nakakubli sa librong pambata—isang patunay na makapangyarihan ang mga salita.