KANLUNGAN ng bawat atleta ang mga kort at iba pang pasilidad na humahasa sa kanilang abilidad bilang mga manlalaro. Para sa mga atletang Lasalyano, malaki ang kontribusyon ng Enrique Razon Sports Center sa paglago nila sa kanilang ensayo. Dito rin nahubog ng mga coach ang kanilang mga atleta mula sa munting simula ng kanilang kalbaryo tungo sa pagkamit ng kampeonato, na nagbigay-daan sa kanilang pagiging malalakas na manlalaro para sa Pamantasang De La Salle.
Iba’t ibang alaala ang muling nagpapakita kapag nababanggit ang gusali ng Razon sapagkat itinuturing ito bilang pangalawang tahanan ng mga atletang Lasalyano. Sa kasalukuyang panahong hindi sila makabalik sa nasabing tahanan bunsod ng pandemya, sinariwa ng ilang atleta, coach, at guwardiya ang mga aral at alaalang nakalakip sa gusaling napamahal na sa kanila, at naging saksi sa hirap at pagod na binuno nila sa pagkamit ng kanilang mga pangarap.
Tatak ng Razon
Sa halos dalawang dekadang pagkakatindig ng Razon, sagana na ito sa mga alaalang nakatatak na sa puso at isipan ng mga Lasalyano. Upang balikan ang ilan sa mga kuwentong nabuo sa nasabing gusali, nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Kiezl Kyla Diaz ng De La Salle University Lady Tennisters, Coach Susan Neri ng Green at Lady Woodpushers, at Detachment Officer Russell Magno na nagbahagi ng kani-kanilang karanasan sa Razon.
Ayon kay Diaz, isa sa mga alaalang hindi niya malilimutan ang biglang pagkaramdam ng cramps habang nag-eensayo. Tumatak ito sa kaniya hindi dahil sa sakit na nadama, ngunit dahil sa maagap na pagtugon ng mga staff sa gusali. Lubos ang pasasalamat ni Diaz sa kaniyang mga kasamahan at sa masisipag na staff ng Razon na palaging handang tumulong.
Para naman kay Coach Neri, tumatak ang Razon para sa kaniya dahil dito niya nasaksihan ang pagdanak ng pawis ng kaniyang koponan buhat ng pagsisikap nila sa training.
Nakatanim din sa mga alaalang ito ang mga guwardiyang nagsilbing haligi ng Razon sa lahat ng panahon. Bilang isa sa mga nagpapanatili ng kaligtasan sa Razon, ibinahagi ni Magno na hindi rin nagmamaliw sa isipan niya ang mga alaalang nabuo niya sa kanilang pag-aasikaso sa bawat atleta sa kanilang training. Mahirap man ang trabaho, sapat na sa kanilang makitang maayos at ligtas ang bawat manlalaro.
Razon sa panahon ng pandemya
Nang magpatupad ng community quarantine sa bansa, tila nakabibinging katahimikan ang bumalot sa Razon nang matigil ang operasyon nito. Mistulang isang abandonadong lugar ang gusaling naging tahanan na ng mga atleta at tampukan ng mga alaala ng mga Lasalyano.
Sa kaniyang panayam sa APP, ibinahagi ni Diaz ang pagkalungkot niya sa pagtigil ng operasyon sa Razon dahil bukod sa paghinto ng kanilang training, hindi na rin niya nakikita ang kaniyang mga kaibigan. Aniya, sa birtuwal na pamamaraan na lamang niya nagagawa ang dating nakagawiang pakikisalamuha sa kaniyang mga kaklase.
Katulad ni Diaz, nakaramdam din ng lungkot si Coach Neri sa pansamantalang pagsasara ng mga pinto ng Razon para sa mga Lasalyano. Aniya, “Nalungkot ako [sapagkat] hindi [na] namin maaaring gamitin ang mga pasilidad [sa Razon].” Kaugnay nito, napilitan ang mga atleta na magsagawa ng ensayo sa kani-kanilang tahanan. Gayunpaman, aminado ang mga atleta at coach na walang makapapantay sa mga karanasan nila sa pag-eensayo sa Razon.
Hindi naman makapaniwala si Magno sa mga pangyayari sapagkat hindi niya na nakikita ang masasayang estudyante at mga atletang napalapit na sa kaniyang puso. Sa isang iglap, naglaho ang maliligayang araw na kapiling niya sa Razon ang mga atleta, coach, kaibigan at mga katrabaho.
Kasalukuyan man nating hindi mabalikan ang gusaling naging bahagi na ng ating buhay bilang mga Lasalyano, nababalikan naman natin ang mga alaalang nabuo natin sa Razon kasama ang mga taong nagbibigay-lakas sa atin. Darating din ang panahong muling mabubuksan ang pintuan nito para salubungin tayong lahat. “Dito natin sinimulan ang kuwento natin, dito rin natin itutuloy ang laban, at dito rin tayo magkikita-kitang muli pagkatapos ng lahat,” pagwawakas ni Coach Neri.