Pagpapaigting sa proseso ng hudikatura: Rules of Court, hinimay ng USG-JD


TINALAKAY sa webinar na isinagawa ng University Student Government Judiciary Department (USG-JD) ng Pamantasang De La Salle ang mga repormang inilapat sa Rules of Court (ROC), Disyembre 12. Inilunsad ang malayang talakayan na ito upang maisapubliko at mabigyang-linaw ang mga pagbabagong isinagawa.

Sinimulan ni Andre Miranda, deputy chief magistrate, ang talakayan sa paglalahad ng layunin nito na maipaalam ang kahalagahan ng sistemang panghukuman. “As students, we are vested with. . . rights. . . and to hold our leaders accountable,” wika niya.

Pagtupad ng mandato

Ayon kay Magistrate Jericho Quiro, ipinanukala ngayon ang pinakamalaking pagsasaayos sa Rules of Court at mga probisyon nito. Paliwanag niya, isinasakatuparan ng USG-JD ang tungkulin nito mula sa Saligang Batas ng USG sa pamamagitan ng paggawa ng alituntuning panghudikatura, kabilang na ang pagrerebisa sa Rules of Court nito.

Bunsod nito, nagkaroon ng mga panibagong probisyong nakapaloob sa ROC gaya ng pagkakaroon ng proseso para sa paghahain ng petisyon. Saklaw nito ang pagtugon sa isang aksyon ng opisyal ng USG, pagsuri sa alokasyon ng badyet ng USG, pagrepaso ng hudikatura sa aksyong lehislatibo o ehekutibo, at pagbibigay-proteksyon sa karapatan ng mga Lasalyano.

Inilatag din ng USG-JD ang patnubay ukol sa proseso ng pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga sisiyasating kaso gaya ng inihaing reklamo at impeachment. Higit pa rito, isinama na rin sa ROC ang mga patakaran para sa preliminary at independent investigations.

Paglilinaw sa mga probisyon

Samantala, binigyang-kahulugan din sa nasabing rebisyon ang kaso ng perjury at contempt of court. Nagkaroon din ng reporma sa hearing setup at estruktura nito: nahati sa tatlong klase ang pagdinig mula sa isang pangkalahatang paglilitis. Ani Quiro, isinagawa ang hakbang na ito upang mas maging malinaw at epektibo ang proseso ng gawaing panghudikatura.

Inilahad naman ni Chief Magistrate Clifford Martinez ang mas pinalinaw na hakbang sa paglilitis, mula sa paghahain ng reklamo at petisyon hanggang sa mga probisyon ng case proceedings.

Ibinahagi rin niya ang bagong depinisyon ng obstruction of justice na ihahatol sa mga pipigil sa isang opisyal ng korte. Nagbigay rin siya ng ilang aksyong magpapatunay nito gaya ng pananakot, pagpigil sa testigo, pakikialam sa ebidensyang nakalap, paggamit ng gawa-gawang pangalan, pag-antala sa imbestigasyon, at pagbibigay ng maling pahayag. 

Pagsusuri sa proseso

Ipinaliwanag naman ni Inspector General Elijah Gabriel Flores ang paraan ng paghahain ng reklamo at paglilitis para sa impeachment. Paglilinaw niya, bagamat iisang proseso lamang ang ginagamit sa dalawang court procedure na nabanggit, nagkakaiba ito sa mga rekisitong kinakailangan gaya ng ipapataw na sintensiya at bilang ng mahistrado sa paglilitis.

Dagdag pa rito, dalawang uri ng pagsisiyasat ang maaaring isagawa. Layunin ng paunang pagsisiyasat na hanapin ang sanhi sa pamamagitan ng pagtatanong, at pakay naman ng malayang pagsisiyasat ang pag-iimbestiga nang walang kinakailangang rekisito at pahintulot.

Ibinahagi naman ni Miranda ang proseso ng paghahain ng petisyon. Aniya, maaaring maghain ng petisyon para sa panghukumang pagsisiyasat at pagsusuri ng badyet. Kabilang din dito ang paghingi ng mandamus para sa pagsasagawa ng  aksyon ng isang opisyal nang walang kasangkot na pansariling pasya at damdamin.

Bukod pa rito, binanggit din niyang maaaring maging kalakip ng mga paunang petisyon ang provisional remedies tulad ng preliminary injunction remedy o kautusang pumipigil sa isang opisyal na magsagawa ng partikular na kilos, preliminary mandatory injunction na kasalungat naman ng nauna dahil nag-aatas itong magsagawa o magpatuloy sa tungkulin, at panghuli ang temporary restraining order upang mapanatili ang status quo.  

Binigyang-diin ni Miranda na layunin din nitong mapatibay ang itinatag na batas at hindi lamang upang magpataw ng parusa. Aniya, magsisilbing lunas ang nasabing rebisyon upang repasuhin ang mga aksyong pang-ehekutibo at panglehislatibo.

Ipinaliwanag naman ni Magistrate Ding Bayeta IV ang mga polisiya at rekisito sa paghahain ng impeachment sa sinomang akusadong opisyal ng USG. Paglalahad niya, kinakailangang sumailalim sa court en banc ang lahat ng kaso ukol sa impeachment na dadaluhan ng lahat ng mahistrado. Maaari lamang mahatulan ng impeachment ang nasasakdal kung ⅔ ng mahistrado ang sasang-ayon sa nasabing desisyon.

Tatagal nang tatlong linggo ang pagsisiyasat at pagpapasiya ng hudikatura. Maaari namang mapawalang-bisa o mabasura ang kaso kapag hindi nasunod ng USG-JD ang nakatakdang petsa ng pasahan. Dagdag pa ni Bayeta, magiging batayan ng pagbibigay ng hatol ang mga inilahad na katunayan at katuwiran. 

Tiniyak naman ni Quiro na angkop sa new normal ang mga repormang inilapat sa bagong ROC upang maisakatuparan ito ng USG-JD sa online at offline setting. Wika ni Miranda, “Crafting a law should be malleable.”

Naniniwala ang USG-JD na karapatan ng mga Lasalyano na maging maalam sa karapatang ipinagkaloob sa kanila ng konstitusyon ng USG. “[This orientation was held] to ensure that everyone, not just the Judiciary Department and [the] USG. . . understands that the Judiciary works for them,” pagtatapos ni Quiro.