Paglalaan ng pondo sa DRRM emergency fund, isinulong sa panibagong sesyon ng LA


INILATAG sa panibagong sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang ilan pang nakabinbing resolusyon at ang paglalaan ng badyet sa Disaster Risk Reduction Management (DRRM) emergency fund, Disyembre 11. Tinalakay sa pagpupulong ang ilan pang pagbabago sa konstitusyon tulad ng paglalagay ng Committees of the Executive Secretary (CES) sa ilalim ng pangangasiwa ng Office of the Executive Secretary (OSEC). 

Karagdagang pagbabago sa konstitusyon

Ipinagpatuloy ang pag-enmiyenda sa konstitusyon matapos ang isinagawang pagpupulong kasama ang OSEC at Department of Activity Approval and Monitoring (DAAM). Napagkasunduang magkakaroon ng ugnayan ang OSEC at CES sa pagbabalangkas ng mga panuntunan hinggil sa mga panloob na proseso ng University Student Government (USG). 

“The OSEC and the DAAM, and the future Commission Officer Development will be agreeing on guidelines to further make sure that the Committees under the Executive Secretary will be more efficient,” pagdidiin ni Jaime Pastor, kasalukuyang chief legislator. 

Sa huli, nilinaw ni Pastor na hindi pa pinal ang mga pagbabagong inilagay sa konstitusyon. Napagkasunduang muli na lamang itong pasasadahan at inaasahang matatapos na ang mga rebisyon sa mga susunod pang sesyon ng LA. 

Paglalaan ng badyet sa DRRM emergency fund

Masusing deliberasyon din ang isinagawa ng mga kinatawan ng LA ukol sa ilalaang pondo para sa panukalang pagsulong sa DRRM emergency fund. Nakasaad sa inisyal na resolusyong magkakaroon ng 7-10% alokasyon para rito mula sa kabuuang pondong inilalaan ng Finance and Accounting Office (FAO) para sa USG. 

Tinalakay ni Lara Jomalesa, FAST2019, ang kahalagahan ng pagsasabatas ng DRRM emergency fund partikular sa mga krisis na kinahaharap ng bansa. “Given the year, a number of unexpected calamities occured in the country, [and] the damages to both the Lasallian community and external beneficiaries have been very significant,” aniya. 

Ipinaliwanag naman ni Miguel Santos, USG Executive Treasurer, ang kapakinabangan ng resolusyon. Aniya, “Even in the long term, this resolution continues to be a good avenue, in the normal student life cycle, USG use[s] the fund [to] pay for the facility that they use for the activities.”

Sa kabilang banda, kinuwestyon naman ni Brendan Miranda, EXCEL2020, ang kakayahan ng USG na mapanatili ang programa kapag pinahintulutan nang muli ang face-to-face na klase sa Pamantasan. Giit niya, magkakaroon ng malaking epekto ang naturang programa sa pondo ng USG, na maaari namang magdulot ng pagkaantala sa iba pang mga gawain nito. 

Kaugnay nito, iminungkahi ni Miranda na humingi na lamang ng karagdagang pondo para sa pagpapatupad ng resolusyon upang hindi na maapektuhan ang orihinal na pondong nakalaan para sa mga gawain ng USG.

Naniniwala naman si Jomalesa na magiging epektibo pa rin ang DRRM emergency fund kahit matapos ang pandemya. Aniya, “Like last school year, the 7-10% would only amount to 200-500 pesos per unit.” Giit pa niya, maaaring magsagawa ng fundraising sakaling kulangin ang pondo, “And I do believe na fundraising activities are very much welcome.”

Samantala, inirekomenda naman nina Kat Ignacio, EXCEL2021, at Maegan Ragudo, FAST2018, na gawing taon-taon na lamang ang pagtalakay sa ilalaang badyet para sa DRRM emergency fund kaysa ilathala ang eksaktong porsyento sa resolusyon. 

Ipinabatid naman ni Jomalesa na maaari pa ring magbago ang mga detalye ng resolusyon. Suhestiyon niya, maaaring bawasan ang minimum na alokasyon mula 7% patungong 5%. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng mas malawak na pagpipilian ang mga susunod na opisyal ng USG para sa halaga ng pondong kanilang ilalaan sa DRRM emergency fund.

Sa pagtatapos ng sesyon, iminungkahi ni Giorgina Escoto, BLAZE2022, na idaan pa ang DRRM emergency fund sa malalim na ebalwasyon at rebisyon. Subalit, siniguro rin niyang maisasabatas pa rin ang naturang resolusyon. 

Sa kabuuan, nanatiling nakabinbin ang lahat ng mga resolusyon ngunit inaasahang matutuldukan na ito sa mga susunod pang sesyon.