Pag-usisa sa mga suliraning kinahaharap ng USG ngayong termino


Likhang-sining ni Jon Limpo

IPINAHAYAG ng Legislative Assembly (LA) ang kanilang pagtitiwala sa mga bagong hirang na opisyal ng University Student Government (USG), na pumalit sa ilang opisyal na nagbitiw sa puwesto noong Oktubre 16. 

Sa maikling panahong natitira sa kanilang panunungkulan, isang malaking hamon para sa mga bagong halal ang makapagmungkahi at makapagpasa ng mga polisiya para sa mga Lasalyano ngayong termino.

Batayan para sa paghirang ng mga opisyal

Napahaba hanggang sa unang termino ng akademikong taon 2020-2021 ang panunungkulan ng mga opisyal na nailuklok sa puwesto mula pa sa nakaraang akademikong taon. Inaprubahan naman ang pagbibitiw ng 15 opisyal sa mga kadahilanang patapos na sila sa pag-aaral sa Pamantasan, may pangangailangan silang mapagtuunan ng pansin ang kanilang pang-akademikong gawain, o iba pang mga personal na dahilan. 

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa bagong chief legislator na si Jaime Pastor, inilahad niyang may sinusundang pamantayan ang LA sa pagpili ng mga bagong opisyal. 

Paliwanag ni Pastor sa APP, kinakailangang magpasa ang college president ng endorsement letter sa LA para punan ang mga posisyon sa batch-level (presidente, bise-presidente, at mga kinatawan ng LA). Sa kabilang banda, USG president naman ang nakatalagang magpasa ng endorsement letter sa LA para sa mga posisyon sa executive committee-level (mga pangulo ng bawat kolehiyo at mga miyembro ng executive board). 

Dagdag ni FAST2019 LA representative Lara Jomalesa, tinitingnan din ng LA bilang batayan ang prinsipyo at paniniwala ng mga appointee, mga platapormang kanilang inihahain para sa pamayanang Lasalyano, at ang pagbalanse nila sa kanilang pag-aaral at mga gawaing co-curricular. 

Hamong kinahaharap ng USG

Sa panayam ng APP kay Maegan Ragudo, FAST2018 LA representative, inilahad niya ang ilang problema ng USG ngayong termino bunsod ng pagbibitiw ng ilang opisyal. Aniya, malaking hamon ang pagpapatuloy ng operasyon ng USG ngayong termino. Kabilang dito ang pag-aasikaso sa mga dokumentong pampinansyal at pagtitiyak sa mabilis at epektibong pagtugon ng USG sa mga hinaing ukol sa mga polisiyang may kinalaman sa “academic, university, at enrollment.” 

Para naman kay Pastor, isang hamon para sa LA—kabilang na ang mga bagong halal—ang natitirang isang termino upang makagawa at makapagpasa ng mga resolusyon. Giit pa niya, malaking problema rin ang pagkakaroon ng mas kaunting kinatawan ng LA ngayon kaysa sa nakaraang akademikong taon. 

Paghahanda ng mga itinalaga 

Nakapanayam din ng APP ang ilang appointee mula sa EDGE2019 at BLAZE2021 na nagbahagi ng kanilang mga plano at pangako para sa mga Lasalyano ngayong termino. 

Ayon kay Billie Lardizabal, bagong batch vice president ng EDGE2019, nais niyang ipagpatuloy ang nasimulan ng kaniyang batch government. “Especially in these trying times, the batch needs leaders to help them achieve their goals and ambitions. I have always been a citizen that aimed for a progressive change in our society,“ ani Lardizabal.

Para naman kay Jericho Quitevis, BLAZE2021 LA representative, nais niyang gamitin ang kaniyang posisyon sa pagsisilbi para maitaguyod ang pangunahing interes ng mga Lasalyano. Sinisiguro ni Quitevis na isasaalang-alang muna niya ang pulso ng nakararami bago siya magpanukala ng mga resolusyon sa LA. 

Sa kabila ng suliraning kinahaharap ng USG, patuloy nitong sinisikap na matugunan ang pangangailangan ng mga Lasalyano habang hindi pa dumarating ang general elections. Wika ni Ragudo, layon nilang matugunan ang mga suliranin sa online learning ngayong termino. “Sa pamamaraang ito, masisiguro naming mga LA na mabibigyan ng mga solusyon ang mga kasalukuyang problema ng ating sektor,” pagtatapos niya.