NAGKAISA ang Pamantasang De La Salle (DLSU) at Commission on Human Rights (CHR) sa pagpapaigting ng karapatang pantao sa pamamagitan ng Catholic Social Teachings Based Human Rights Formation Program. Pumirma ng Memorandum of Agreement ang mga kinatawan mula sa Pamantasan at sa CHR, kasabay ng paggunita sa ika-72 Pandaigdigang Araw ng Karapatang Pantao kahapon, Disyembre 10. Bunsod nito, itinatag ang University Center for Human Rights Education para lalong paigtingin ang implementasyon ng kasunduan.
Pagtaguyod sa karapatang pantao
Kilala ang DLSU bilang isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng karapatang pantao, sa loob o labas man ng Pamantasan. Kaugnay nito, binanggit ni Karen Gomez-Dumpit, Focal Commissioner ng CHR, na itinatag kamakailan lamang ang Lasallian Center for Inclusion, Diversity, and Well-being alinsunod sa Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act.
Ayon kay Fritzie De Vera, Vice President for Lasallian Mission, nararapat lamang na ipagdiwang ang araw na iyon dahil simbolo ito ng pagtatapos ng 16 na araw ng aktibismo laban sa gender-based violence. Wika niya sa kaniyang pambungad na pananalita, “Today is a celebration because we are reaffirming our commitment in protecting and respecting the rights of every individual.”
Ipinaalala rin ni De Vera ang mga katagang “Recover Better – Stand Up For Human Rights” na tema ng paggunita sa karapatang pantao para sa taong ito. Pahayag niya, “It is a fitting reminder and expression of solidarity that during this time of the pandemic we are all united in creating a better world free from inequality, exclusion, and discrimination.”
Binigyang-pasasalamat naman ni CHR Chair Chito Gascon ang DLSU sapagkat isa ang Pamantasan mula sa komunidad ng mga Kristiyano na nangunguna sa paninindigan para sa karapatang pantao. Ikinatuwa rin niyang nakaangkla sa Lasallian Core Values ang mga hakbang at inisyatiba ng Pamantasan.
Dagdag pa rito, kinilala ni Gascon ang papel ng Pamantasan sa pagtuturo ng karapatang pantao. Wika niya, “You have established very important educational institutions and your mission of teaching Christian Values which are consistent with human rights values. . . and that’s where we will start.”
Sa kabilang banda, inilahad naman ni Gomez-Dumpit ang dahilan sa likod ng kasunduan sa pagitan ng DLSU at CHR. Ayon sa kaniya, bukod sa mandato ng CHR na itaguyod ang karapatang pantao, nakasaad din sa Saligang Batas 1987 na kasama dapat sa kurikulum ng mga institusyong pang-edukasyon ang pagpapahalaga para sa karapatang pantao. Kinikilala rin umano ng United Nations ang papel ng edukasyon sa pagtataguyod at pagbibigay ng human rights education at training.
Pagtatatag sa Human Rights Center
Ibinahagi ni Francis Temprosa, Direktor ng Human Rights Education and Promotion Office, na isa sa mga resulta ng kasunduang ito ang pagtataguyod ng University Center for Human Rights Education o Human Rights Center na naglalayong maiangkla sa kurikulum ang usapin ng karapatang pantao.
Ayon kay Gomez-Dumpit, magbubukas din ang CHR, sa tulong ng Pamantasan, ng isang online certificate course na Catholic Social Teachings Based Human Rights Formation Program. Isa ito sa mga online na kursong iaalok sa Online Human Rights Academy (OHRA), ang e-learning platform ng CHR, na nagsisilbing pundasyon sa pagtatatag ng Human Rights Institute na pinakaunang education human rights institution sa bansa.
Naniniwala si Gomez-Dumpit na mahalaga ang online na kurso hindi lamang sa panahon ng pandemya kundi maging sa normal na panahon. Aniya, matutulungan din nito ang komisyon upang maging bukas sa publiko ang pag-aaral tungkol sa karapatang pantao.
Tungo sa hinaharap
Samantala, nananatiling isang malaking hamon ang usapin sa karapatang pantao at hindi ito natatapos lamang sa pag-aaral nito, ayon kay Gascon.
Binigyang-diin niyang hindi sapat na galangin at protektahan lamang ng estado ang dignidad ng isang tao sapagkat mahalagang maging instrumento rin sila sa pagsasakatuparan ng mithiin ng mamamayan. Giit niya, “If we have respect, protection, and fulfillment of human rights, then human dignity is affirmed.”
Sa huli, ipinarating ni Gascon na patuloy pa ring nakikipag-ugnayan ang CHR sa iba’t ibang sektor tulad ng pulis, militar, mga opisyal sa bilangguan, at mga guro sa mga pampublikong paaralan. Bukod dito, nakikipagtulungan din sila sa faith-based at basic ecclesial communities. Ani Gascon, “We need to do this because there is so much violence around us, every day there are reports on violence in all its forms and we need to push back against this violence.”