Puspusan ang panawagan ng mga pamilya ng 36 na Filipino seafarer matapos lumubog ang Gulf Livestock 1, isang cargo ship, na sinakyan ng mga seafarer mula Japan. Sa ulat ng ABS-CBN News, lulan ng nasabing barko ang 43 tauhan nito, kabilang ang Filipino seafarers, at 6,000 baka nang lumubog ito nitong Setyembre dulot ng Typhoon Maysak.
Ayon sa artikulong inilathala ng Manila Bulletin, nakatanggap ng distress call ang Japanese Coast Guard (JCG) nitong Setyembre 2 mula sa Gulf Livestock 1. Dahil dito, nagsagawa ang JCG ng search and rescue (SAR) operation na nakatulong upang mahanap ang dalawang Filipino seafarer na nakasakay sa nasabing barko. Gayunpaman, pansamantalang nahinto ang operasyon nang sumalanta ang Typhoon Haishen sa Japan. Nang ipagpatuloy ng JCG ang SAR operation makalipas ang limang araw, hindi na natagpuan pang muli ang Gulf Livestock 1.
Sa tulong na ibinahagi ng Department of Foreign Affairs – Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs, Philippine Embassy sa Tokyo, Philippine Consulate General at Philippine Labor Office sa Osaka, natagpuan ang dalawa sa 38 Filipino seafarer na sakay ng lumubog na barko. Gayunpaman, patuloy pa rin ang paghahanap sa 36 na Filipino seafarer na hindi pa rin natatagpuan.
Panawagan ng senador
Humigit-kumulang dalawang buwan na ang nakalipas ngunit dalawa pa lamang ang natagpuang seafarer na kabilang sa insidente. Sa ulat ng Manila Bulletin, nanawagan si Senador Risa Hontiveros sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Nobyembre 6 upang isulong ang pagpapatuloy sa paghahanap sa mga nawawala pang mga seafarer. Hinikayat din niya ang gobyerno na gawin ang lahat sa abot ng kanilang makakaya kabilang na ang paghingi ng tulong sa iba pang mga bansa sa Asya.
“. . . Our government should sustain the fight by persuading the Japanese government to not only continue and expand SAR operations but also, if possible, to allow other countries such as the Philippines, Australia, and New Zealand to join in the search as well.” Ito ang nakasaad sa sulat ni Hontiveros kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin, Jr.
Ibinunyag din ng senador na bago pa man mangyari ang trahedyang dulot ng pagsalanta ng Typhoon Maysak sa Japan, napag-alaman nang may “mechanical defects at operational issues” ang barkong sinakyan ng Filipino seafarers. Bunsod nito, naniniwala ang senador na nararapat lamang na panagutin ang Gulf Navigation Holding, ang shipping company na nagmamay-ari ng lumubog na barko.
“Patuloy nating kalampagin ang Gulf Navigation Holding na sagutin ang gastos sa salvage operations ng barko. Only then can the families move forward,” panawagan ni Hontiveros.
Depensa ng DFA
Sa isang tweet na inilabas ni Locsin ukol sa panawagan ni Hontiveros, ipinaliwanag niyang hindi siya hihingi ng tulong sa iba pang mga bansa sa Asya ukol sa insidenteng ito.
Giit ng Foreign Affairs Secretary, “The Japanese government & ambassador & I are on this and Japan did not cease its search that Saturday but had in fact continued it against protocol. On the other hand, I refuse to ask other Asian powers to join in the search because that is an attack on the sovereignty of Japan.”
Sinubukan namang hingin ng Ang Pahayagang Plaridel ang panig ng DFA ukol sa isyung ito subalit hindi na nakatanggap ng tugon ang Pahayagan pagkatapos ng unang ugnayan.
Hinaing ng mga pamilya
Patuloy ang paghingi ng tulong ng mga asawa ng seafarers na kabilang sa barkong lumubog. Ayon sa asawa ng isa sa mga nawawala pang seafarer, walang maisagot ang manning agency at iba pang ahensya ng gobyerno tungkol dito. Sa panayam ng ABS-CBN News kay Liezyl Pitogo, asawa ng isa sa 38 Filipino seafarer, ipinaliwanag niyang mahirap ang sitwasyon para sa kaniya lalo na’t wala siyang natatanggap na impormasyon tungkol sa posibleng nangyari sa kaniyang asawa. Hinaing niya, “Sana kahit man lang po kaunting pag-asa, ‘yung tulong niyo po ibigay niyo po sa amin.”
Isinalaysay din ni Catherine Sareno sa ABS-CBN News ang kaniyang naging karanasan nang mabalitaan ang paglubog ng Gulf Livestock 1 na sinakyan ng asawang si Eduardo Sareno. Ayon sa kaniya, tanging pagdarasal na lamang ang kaniyang nagawa dulot ng pangamba sa kalagayan ng kaniyang asawa. Isa si Eduardo Sareno sa dalawang Filipino seafarer na nailigtas ng JCG mula sa lumubog na barko.
Ibinahagi rin ni Sareno sa panayam ang hirap na pinagdaraanan niya bilang asawa ng isang seafarer. “Kung puwede lang hindi na sumakay, hindi na umalis, dito nalang. Pero kailangan kasi may mga anak, may mga pamilya. Pero ngayon, parang ayaw ko na siyang pabalikin,” ani Sareno.
Sa kabilang banda, hindi rin umano batid ni Department of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III ang dahilan bakit hindi makapagbigay ng ulat ang mga ahensyang responsable para sa nasabing insidente. Tiniyak naman ng kalihim na agaran silang makikipag-ugnayan sa mga kamag-anak ng seafarers sa oras na makatanggap ng panibagong impormasyon.
Ilang buwan na ang nakalilipas magmula nang mangyari ang trahedya ng Gulf Livestock 1 ngunit hindi pa rin mabigyan ng panatag na kalooban ang mga pamilya ng nawawalang seafarers. Gaya ng inihayag ni Hontiveros sa kaniyang sulat para kay Locsin, habang hindi pa nawawalan ng pag-asa ang mga pamilya ng seafarers, hindi rin dapat tumigil sa paghahanap ang pamahalaan upang mabigyang-hustisya ang mga Filipino seafarer na kabilang sa pangyayaring ito.
Hindi madali ang buhay ng isang seafarer sapagkat hindi nasisiguro ang kanilang kaligtasan sa oras na magsimula silang pumalaot. Sa kabilang banda, tungkulin ng gobyerno ang makapagbigay ng tulong at suporta sa mga Pilipino na patuloy na nagsusumikap at nagsasakripisyo para sa ikauunlad ng kanilang buhay. Wala mang kasiguraduhan kung maililigtas pa ang mga Filipino seafarer na kabilang sa trahedya, makabubuti ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan upang aksyunan ito. Sa ganitong paraan, masusukat ng sambayanan kung tunay nga bang may malasakit ang mga nasa kapangyarihan.