IKINASA na ng Commission on Higher Education (CHED) ang mga health guideline para sa pagbabalik-ensayo ng mga pangkolehiyong varsity team sa loob ng kani-kanilang pamantasan. Bunsod nito, magkakaroon ng oportunidad ang mga atletang bahagi ng University Athletic Association of the Philippines at National Collegiate Athletic Association na makapag-ensayo na muli sa loob ng kani-kanilang training bubble.
Inihain ni Prospero “Popoy” de Vera, Chairman ng CHED, ang naturang panukala sa Inter-Agency Task Force on the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID). Gayunpaman, wala pa ring opisyal na anunsyo ang IATF-EID ukol sa pagpayag nito hinggil sa pagtitipon ng mga atleta para makapag-ensayo.
Hinihintay rin ng De La Salle University Office of Sports Development (OSD) ang desisyon ng IATF-EID bago nila simulan ang mga paghahanda para sa mga isasagawang ensayo. “Hindi pa ako makakapagkomento [sa aming mga plano] dahil hindi pa naaprubahan ng [IATF-EID] ang guidelines na binuo ng CHED,” pagbabahagi ni OSD Director Emmanuel Calanog sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel.
Seguridad at kalusugan, priyoridad ng CHED
Sa pagsasagawa ng mga ensayo, kinakailangang sundin ng mga pamantasan ang mga alituntuning ibinigay ng CHED upang masiguro ang kanilang kaligtasan kontra sa banta ng COVID-19. “We are making sure that the schools will secure consents from parents. If the parents are not confident with their children returning to training, they can resort to online training,” pahayag ni de Vera sa kaniyang panayam sa Daily Tribune. Nilinaw rin niyang maaaring matuloy ang mga ensayo ng mga atleta ngunit hindi ito nangangahulugang magbabalik na rin ang mga naudlot na torneo.
Ayon sa pinagkasunduang mga alituntunin, dapat munang magsumite ng certificate of compliance ang Higher Education Institute upang masimulan ang mga ensayo. Kailangan ding isumite sa ahensya ang mga health declaration form at kumpletong listahan ng mga atleta at staff bago sila pahintulutang dumalo sa mga training program.
Kabilang din sa mga patakaran ng CHED ang pakikipag-ugnayan ng mga pamantasan sa lokal na pamahalaan para sa interzonal at intrazonal movements ng gobyerno. Kaugnay nito, kailangan ding ipaalam ng mga pamantasan kung nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine, Modified Enhanced Community Quarantine, General Community Quarantine, o Modified General Community Quarantine ang kanilang lokasyon.
Bago magsimula ang pag-eensayo ng mga atleta, kailangan ding magkaroon ng task force on-site ang bawat pamantasan. Binubuo ito ng athletics director, team doctor, at student health representative. Magkakaroon din ng limitasyon sa body conditioning ng mga atleta sa mismong training.
Ayon sa CHED, sakop lamang ng limitasyong ito ang non-body contact drills at iba pang indibidwal na kasanayan. Hindi na rin kailangan ng mga kalahok na sumailalim pa sa COVID-19 testing ngunit inirerekomenda ng ahensya ang pagsasagawa ng 14 na araw na kuwarentina para sa mga sasabak sa ensayo.
Nagbabadyang peligro sa mga atleta
Naniniwala naman si Senator Pia Cayetano, awtor ng Student-Athletes Protection Act, na hindi pa masisiguro ang kaligtasan ng mga atleta sakaling magtipon sila para mag-ensayo. “. . . The risks of [COVID-19] transmission are high, even in sports leagues and training bubbles administered by professional leagues, where strict health and safety protocols are being observed and spent for,” pagbibigay-diin ni Cayetano sa isang panayam niya sa GMA News hinggil sa panukala ng CHED.
Inihayag ng mambabatas na hindi pa handa ang lahat ng mga pamantasan na magsagawa ng mga training program. Nababahala rin siya sa maaaring gastusin ng mga pamantasan para sa pagbabalik-ensayo ng lahat ng kanilang varsity team. “Are the schools prepared to spend for the bubbles, the isolated quarters, and the regular testing, in addition to the usual training expenses?” dagdag ni Cayetano.
Pag-ahon sa gitna ng kalbaryo
Sa kabila ng panganib at pangambang dulot ng pandemya, nais ng CHED na masiguro ang kaligtasan ng bawat isa sa pamamagitan ng pagsunod sa regulasyong kanilang ipinatutupad. Pinahahalagahan din ni de Vera ang kapakanan ng mga atleta habang wala pang lunas pangontra sa COVID-19. “It’s a step-by-step process. We really have to wait [for the number of COVID-19 cases to drop],” aniya.
Mahalaga naman para sa DLSU na bigyang-priyoridad ang kalusugan ng kanilang mga varsity team. Bunsod nito, iminungkahi ni Calanog na klaruhin muna ng CHED ang kanilang rekomendasyon upang maiwasan ang aberya at hindi pagkakaunawaan. “Baka mayroon pang kailangan palitan o idagdag, mas mabuti kung pinal na ang guidelines [bago kami magpatupad ng mga training program],” suhestiyon ng direktor ng OSD.