Sitwasyon ng environmental defenders sa bansa, patuloy na nanganganib


Dibuho ni Bryan Manese

Tinaguriang pinakamapanganib na bansa ang Pilipinas sa buong mundo para sa environmental at land defenders ayon sa pagsisiyasat na inilabas ng Global Witness, isang international non-governmental organization, noong 2019. Bunsod ito ng pagtaas ng bilang ng mga napapaslang na environmental at land defender nitong mga nakaraang taon. 

Noong 2017, sumampa sa 48 ang bilang ng mga napaslang na environmental at land defender sa bansa, na naiulat bilang pinakamataas sa Asya. Halos 30 naman ang napaslang sa sumunod na taon, dahilan upang manguna ang Pilipinas sa pinakamaraming napaslang na environmental defenders.

Nitong nakaraang taon, nakapagtala naman ang Global Witness ng 43 napaslang sa bansa, dahilan upang umabot sa 119 ang kabuuang bilang ng mga nasawing environmental at land defender sa bansa mula nang manungkulan si Pangulong Rodrigo Duterte. Dumoble umano ito sa kabuuang bilang ng mga napaslang kung ihahambing sa mga nagdaang administrasyon.

Pagmamalupit ng administrasyon

Naiugnay ang mga pagpaslang na ito sa pagpapatupad ng Martial Law sa Mindanao noong 2017, matapos ang pag-atake ng Maute Group sa Marawi City. Bagamat isinaad ng Pangulo sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address na “Martial law ended in Mindanao without abuses by the civilian sector, by the police, by the military”, taliwas umano ito sa pahayag ng iba’t ibang human rights group.

Noong 2017, walong katutubong magsasaka na tutol sa coffee plantation sa Tamasco, South Cotabato ang pinaslang ng mga militar. Noong 2019 naman, pinaslang sa isang military aerial bombardment si Datu Kaylo Bontolan, isang Talaingod-Manobo chieftain.

Hindi pa rito natigil ang pag-atake ng Pangulo sa mga katutubong grupo sa Mindanao. Matatandaang nagbitiw ng banta ang Pangulo na pasasabugin umano niya  ang Lumad schools na ipinasara rin ng kaniyang administrasyon kalaunan dahil sa balitang kuta umano ito ng New People’s Army.

Dahil sa mga insidenteng ito, ikinatatakot ng ilang human rights at environmental groups na magpapatuloy ang ganitong estratehiya ng Pangulo. Mapapansin umano ito sa malaking papel ng militar sa pagkontrol ng pandemya sa bansa at pagpasa kamakailan ng Anti-Terrorism Law. 

“The President has a twisted notion of what human rights is,” ani Jaybee Garganera, National  Coordinator ng Alyansa Tigil Mina Garganera, sa kaniyang panayam sa environmental science news na Mongabay. “This shrinking space… for lumads, activists, dissenters are a result of this radical misunderstanding. We haven’t had any chief executive who had this twisted understanding of human rights.”

Laban ng mga tagapagtanggol ng kalikasan

Nakapanayam muli ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) si Rodne Galicha, Executive Director ng faith-based environment group na Living Laudato Si’ Philippines, tungkol sa sitwasyon ng mga environmental defender sa bansa isang taon makalipas ang huling panayam sa kaniya. 

Aniya, wala pa ring kongkretong pagbabago sa pagprotekta sa karapatang pantao ng mga environmental defender, bunsod ng ibang priyoridad ng pamahalaan. “It’s unpredictable because of the vagueness of the Anti-Terror Act,” paliwanag ni Galicha sa APP

Ikinabahala rin ni Galicha ang pagkabinbin sa Senado ng Human Right Defenders Bill, isang panukalang batas na naglalayong protektahan ang karapatan at kalayaan ng mga human rights defender sa bansa. Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, obligado ang mga ahente ng estado na hindi gumamit ng mapanirang labeling tulad ng “pulahan,” “komunista,” “terorista,” o “kaaway ng estado.”

Dagdag pa niya, “Nakapagtataka nga na inuna pa nila ang Anti-Terrorism Law.” Pinuna niyang nauuna pa umanong naparurusahan ang mga human rights defender kaysa mga taong lumalabag sa batas hinggil sa karapatang pantao.

Inaasahan naman ni Galicha na makatutulong ang pagkapanalo ni U.S. President-Elect Joe Biden na muling mabigyang-kahalagahan ang pagprotekta sa kalikasan at karapatang pantao. “. . . May pangako naman na gagawin [ito] ng Biden Administration [tulad] yung pagbalik sa Paris Agreement,” paglalahad niya sa APP. 

Sa kabila ng lahat ng ito, hinikayat pa rin ni Galicha ang mga environmental defender na huwag mawalan ng lakas ng loob. “Ituloy lang natin,” pag-uudyok niya. “Ang napakahalaga diyan ay maghanap tayo ng kasama. Kung mag-isa ka lang, maghanap ka ng kasama. Marami tayong makakasama dahil lahat naman ay nais maging ligtas yung ating buhay at kabuhayan,”  pagtatapos niya. 

Proteksyon para sa mga environmental defender

Sa pahayag na inilabas ni Commission on Human Rights (CHR) Spokesperson Atty. Jacqueline Ann de Guia nitong Marso, iginiit niyang kinokondena ng CHR ang pag-atake, pananakot, at pagpaslang sa mga environmental defender.

Ayon kay de Guia, nailalagay sa panganib ang buhay ng mga environmentalist sa bansa sa bawat pagkakataong lumalabas sila upang magsagawa ng siyentipikong pananaliksik. Sa kabila umano ng malinis na intensyon ng mga environmentalist na protektahan ang mga ecosystem, isinaad niyang “. . . Environmental defenders experience unjust labelling as dangerous threats to national security and are subjected to various forms of harassment and attacks.” 

Kaisa naman ni de Guia si Albay 1st district Rep. Edcel Lagman, sponsor ng isang bersyon ng Human Rights Defenders Bill, sa pananaw na ito. Sa panayam ng APP sa kaniya, isinaad niyang “Kailangang maging ganap ang pagrespeto, pagprotekta, at pagsasakatuparan ng lahat ng karapatang pantao para sa lahat ng tao.” Dahil dito, inanyayahan niya ang kaniyang mga kasamahan sa Kongreso na ipasa ang nasabing panukala upang mabigyang-suporta ang mga tagapagtanggol ng kalikasan. 

Sa kabilang banda, hinimok din niya ang mga environmental defender na gamitin ang kanilang karapatan sa malayang pamamahayag tungo sa pagpapabuti ng kalagayan ng kalikasan sa kabila ng panganib na kanilang nararanasan. Hindi lamang umano ito para sa mga nabubuhay ngayon sapagkat aniya, “Ang mundo ay hindi natin minana sa ating mga ninuno; hiniram natin ito sa ating mga anak.”