Mistula batang nagpaparamdam lamang sa tuwing ninanais niya.
Tila duwag na nagpapaliwanag sa tuwing hahanapin siya.
Pagkabulaga, sabay iyak at sumbong sa mga kasamahang wala rin naming binatbat.
Ganyan ang pangulo ng bansang mayaman sana kung hindi nababahiran ng pansariling interes ang politika.
#NasaanAngPangulo ang bumungad sa social media noong mga nakalipas na linggo. Nakahihiyang isipin na sa panahon ng delubyo at may mga taong binalot ng sakuna, walang maramdamang pinunong nasa tuwid na pag-iisip.
Marahil mayroong mangilan-ngilang politikong mapapalakpakan dahil sa kanilang serbisyong galing sa puso, ngunit ang hirap unawain na sila pa ang itinuturing na kaaway ng mga pinunong wala namang nagagawang tama para sa bansa. Kung sa bagay, sinong nilalang nga naman ba ang nais magpahigit sa kapwa? Tumakbo nga pala sila para sa kapangyarihang dala ng kanilang posisyon kaya malalagot talaga ang sinomang lumamang sa kanila.
Ipagpalagay nating gusto ng kapangyarihan ng Pangulo kaya siya tumakbo noong eleksyon. Wala namang problema rito. Ngunit, bakit hindi na maaninag ang kapangyarihang taglay sa mga panahong naghihinagpis at sumisigaw ng “tulong!” ang mga Pilipino?
Pag-upo niya sa pwesto noong 2016, maraming Pilipino ang humingi ng saklolo dahil sa ilang kaso ng paglabag sa karapatang pantao. Bagamat marami na ang nananawagang itigil ang extrajudicial killings, nagpatuloy ang gobyerno sa kanilang plano. Nagawa pa nilang ikondena at takuting ipasara ang Commission on Human Rights na kakampi ng mamamayan. Para silang mga binging kawal na walang ginawa kundi pumatay at magbigay-pasakit sa mga kalaban.
Sa pagpapatuloy ng kanyang termino, naging talamak din ang kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag, lalo na ang mga kilalang kritiko ng administrasyon. Nagawa rin nilang akusahan at sa kalaunan ipakulong ang prominenteng mamamahayag at CEO ng Rappler na si Maria Ressa. Taong 2020, sa gitna ng pandemyang kinahaharap ng bansa, hinarangan nila ang renewal ng broadcasting franchise ng ABS-CBN network. Naipatigil nila ang operasyon ng nasabing estasyon nang walang bahid ng hirap. Kung pagninilayan, nakatatakot na talaga dahil mistula gumagawa sila ng paraan para mapatahimik ang taumbayan. Gayoong ginawa nila ang lahat ng ito, sino na ngayon ang magpapabalita ng mga hinagpis ng mamamayang Pilipino?
Naging kontrobersyal din ang isyu ukol sa pag-aangkin ng Tsina sa South China Sea, lalo na ang mga islang nakasaad umano sa doktrinang “Four Sha”. Batay sa Hague Ruling, walang legal na karapatan ang Tsina na magkaroon ng historical rights sa malaking bahagi ng South China Sea. Bagamat ganito ang naging desisyon, ilang taon ding mistula napasakamay ng karatig-bansa ang mga islang dapat sana para sa bayan. Nakapanlulumong isipin na tila walang nagagawa ang gobyerno para maibalik ang mga yamang pagmamay-ari natin. Ani Duterte, hihintayin niya ang tamang panahon para tuluyan nang mapasaatin ang South China Sea. Ang tanong, kailan kaya ang takdang oras na kaniyang tinutukoy?
Sa ikaapat na taon niya bilang pangulo ng bansa, kinaharap niya ang pagsubok na dala ng pagkalat ng sakit na coronavirus sa buong mundo. Maraming bansa ang naapektuhan ngunit nakabangon matapos lamang ang ilang buwan. Sa Pilipinas, libo-libo ang nagkasakit, namatay, kumalam ang sikmura, at nawalan ng hanapbuhay. Patapos na ang taon ngunit ganoon pa rin ang sitwasyon. Tila lumalala pa nga.
Paano ba naman, paspasan na kasi ang ginagawang pangungurakot ng mga pondong para sana sa pandemya. Habang iniinda ng mga apektado ang malaking gastusing dala ng kanilang karamdaman, tumatalon sa saya ang ilang opisyal ng PhilHealth dahil may pandagdag-pantustos sila sa kanilang pamilya sa ilegal na paraan. Mukha ngang natutuyot na ang mabubulaklak na pangako ng Pangulo na hindi makalulusot ang korapsyon sa kaniyang termino.
Hindi ko na pahahabain pa ang mga nangyari noong hinagupit ng bagyong Rolly at Ulysses ang bansa kamakailan. Gaya pa rin ng dati, hinanap ng taumbayan ang makapangyarihang pinunong makatutulong sa kanila sa panahon ng sakuna.
Hindi naman problema kung hindi na niya kayang lumusong sa baha para sumagip ng buhay. Walang isyu kung hindi niya kayang sumama sa military para makipagbakbakan sa mga Intsik na sumasakop sa teritoryo natin. Hindi naman ganoon kakitid ang utak ng mga Pilipino dahil alam naman naming higit pa roon ang trabaho ng pangulo ng bansa.
Bilang mga Pilipino, nais lamang naming maramdaman ang taglay niyang kapangyarihan sa wastong paraan. Hangad naming makita ang mga aksyon ng gobyerno sa pamamagitan ng mga programang maka-Pilipino. Gusto naming matikman ang bunga ng mga binabayarang buwis sa pamamagitan ng masaganang pamumuhay. Wala kaming ibang hangad kundi makitang maging progresibo ang Pilipinas tulad ng ibang bansang patuloy ang pag-angat.
Bilang pinakamataas na opisyal, nasa Pangulo ang kapangyarihan para mapabuti ang bayan. Kaya ‘wag sana kaming kwestiyunin kung hanapin namin siya sa oras ng pangangailangan. Karapatan naming madama ang kaniyang presensya dahil kargo niya ang bawat isa sa amin bilang tumatayong ama ng bayang sinilangan.
#NasaanAngPangulo