Kings of the bubble: Barangay Ginebra San Miguel, tagumpay na nakamit ang ikalawang magkasunod na kampeonato sa PBA!


MADAMDAMING IPINALASAP ng Barangay Ginebra San Miguel sa TNT Tropang Giga ang bagsik at kapangyarihan ng mga tunay na hari matapos nitong matagumpay na maiuwi ang korona, 82-78, sa 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup Finals, Disyembre 9, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center.

Naging sentro ng atraksyon para sa opensa ng mga ka-Barangay ang beteranong si Japeth Aguilar na naglista ng career-high na 32 puntos, siyam na rebound, at dalawang assist. Hindi naman nagpahuli ang mga Gin King na sina Stanley Pringle at LA Tenorio na gumawa rin ng ingay sa loob ng kort.

Tumapak sa unang kwarter ng laro ang TNT Tropang Giga na tila walang inindang sakit mula sa pagkapilay ng koponan matapos maiwan sa audience seat ang kanilang main gunners na sina Jayson Castro at Ray Parks.

Tinangka mang sindakin ni ka-Barangay Jared Dillinger ang katunggali gamit ang kaniyang maagang tres, tinapatan naman ito ng Simon Enciso-Troy Rosario tandem, 4-5. 

Ipinadama ng Tropang Giga sa Gin Kings ang nagpupuyos nilang determinasyong pahabain ang sagupaan gamit ang kanilang mahigpit na depensa at masigasig na opensa. Bunsod nito, walang bentaheng nakamit ang dalawang panig sa pagsasara ng unang bakbakan, 19-all.

Hindi naging kuripot sa pagpuntos ang TNT kahit nasa panahon sila ng kagipitan nang magtala ng 6-0 run ang koponan sa pagbubukas ng ikalawang tunggalian, 19-25. 

Tinuldukan naman ni Aguilar ang kasiyahan ng katunggali nang kunin niya ang atensyon ng lahat sa pamamagitan ng walang kupas na dunk na may kasama pang foul, 22-25.

Gitgitan ang naging tema ng liga nang magsagutan ang magkaribal sa buong takbo ng laro. Gayunpaman, nakakita muli ng butas ang Ginebra man na si Aguilar upang makalambitin sa basket at umukit ng panibagong puntos na dahilan upang magbaon sila ng 2-pt lead sa second half, 38-36.

Tinubos ni ka-Tropang Enciso ang kaniyang koponan sa pamamagitan ng pangalawang tres na naipasok sa kartada ng TNT, 40-41. Sumunod ding umatake ang naglalagablab na kawatan ng Tropang Giga na si Roger Pogoy nang palobohin niya ang kalamangan, 41-48.

Nagising naman mula sa pagkahimbing ang Ginebra nang umayos ang timplada ni Scottie Thompson at kumana ng back-to-back 2-pt layup, 45-48. 

Matiyaga mang pinataas ng Ginebra ang kanilang puntos, matikas namang ipinahiwatig ng ka-Tropang si JP Erram, sa pamamagitan ng kaniyang magkasunod na tirada sa labas ng perimeter, na hindi rin sila bibitaw, 55-56.

Umariba naman si Pringle sa unang dalawang minuto ng huling yugto ng salpukan nang magpaputok siya ng tatlong puntos na nagpalipat ng bentahe mula sa kalaban, 60-58. 

Hindi nanatili sa kanilang mga puwesto ang mga tauhan ng Tropang Giga nang salakayin din nila ng kabi-kabilang tirada ang kabilang panig na sinundan pa ng mabibigat na back-to-back three-pointer ni Enciso, 68-73. 

Sinagot naman ito ni Pringle na nagpakawala rin ng mga tirada mula sa labas ng rainbow arc na mismong nagpadapa sa kabila, 76-73. 

Nagsimula nang kumapit ang Tropang Giga sa kapangyarihang dala ng dasal nang hindi pa rin nila maisulat sa nais nilang wakas ang do-or-die na bakbakan. Lalo pa itong sinira ng Gin Kings matapos maglabas ni Joe Devance ng salitang 2-pt jump shot at magtaktak ni Aguilar ng isa pang dunk shot, 80-73. 

Tinapos ng beteranong si Tenorio ang huling yugto nang matagumpay niyang nakalkula ang kaniyang parehong free throw, 82-78.

Itinanghal na Most Valuable Player si Tenorio bunsod ng ipinamalas niyang husay sa offensive at defensive department na nagsilbing sandigan ng Gin Kings sa buong serye ng finals.

Malaki naman ang pasasalamat ni Barangay Ginebra Coach Tim Cone sa kaniyang mga manlalaro na nagpakita ng hindi matatawarang husay at tapang sa loob ng kort. “They just kept on working, working and working, and found a way to win it. I’m proud of them,” pagtatapos ng legendary coach.

Pinatunayan ng Barangay Ginebra na sila ang karapat-dapat na tanghaling bubble kings matapos tuldukan ang PBA Finals, 4-1. Makasaysayan ding naiukit ng koponan ang kanilang ika-13 kampeonato habang nailista naman ni Coach Cone ang kaniyang ika-26 na korona sa torneo.