Diwa ng wika: Pagpapaigting ng Filipino bilang kurso at wikang panturo sa DLSU


Dibuho ni John David Golenia

NANAIG sa Pamantasang De La Salle ang panawagang panatilihin ang asignaturang Filipino bilang isang core course sa kolehiyo sa kabila ng hatol ng Korte Suprema na gawin na lamang itong opsyonal. Isa itong hakbang na kasalukuyang tinatahak ng Pamantasan tungo sa pagpapahalaga at pagpapalawak ng wikang Filipino.

Sinisikap din ng Pamantasan na pairalin ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo at maging sa paggamit nito sa pang-araw-araw na talakayan. Naniniwala sina Dr. Rhoderick Nuncio, Dekano ng Kolehiyo ng Malalayang Sining, at Dr. Robert Roleda, Vice Chancellor for Academics (VCA), na magiging daan ito sa tuluyang pagpapayaman ng pamayanang Lasalyano sa wikang Filipino.

Pagpapatuloy sa nasimulang adhikain

Kilala ang Pamantasan bilang isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng wikang Filipino sa akademiya. “Pinagpapatuloy lang natin ‘yung naumpisahan na natin noong maraming dekadang nakaraan,” paliwanag ni Roleda sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ukol sa kahalagahan ng layunin ng Pamantasan na maipagpatuloy ang pagpapatibay sa diwa ng wikang Filipino.

Nagsilbing batayan ng Academics Council ang nasimulang adhikain ng Pamantasan sa pagtataas ng antas ng Filipino. Ipinahayag ng VCA na hindi pa rin lubos na maituturing na wikang pang-intelektuwal ang wikang Filipino bunsod ng limitadong gamit nito sa pang-akademiyang aspekto. 

Isang kolektibong gawain naman para kay Nuncio ang proseso ng pagpapaigting ng wikang Filipino. Sa kaniyang panayam sa APP, itinaas niya ang kahalagahang palaganapin ang wikang Filipino sa halip na itakda ito sa isang departamento lamang. Tinukoy rin ni Nuncio bilang usaping pambansa ang pagpapanatili ng Filipino bilang asignatura sa kolehiyo. 

Nanindigan ang Departamento ng Filipino na mali ang hatol na gawing opsyonal na lamang ang kursong Filipino sa kolehiyo. “Hindi nalilimita ang kursong pangwika na hanggang dito lang,” pagsasaad ni Nuncio nang ibinahagi niya sa APP na itinuturo rin sa ibang unibersidad ang kursong pangwika at pang-panitikan hanggang graduate school.

Binalikan naman ni Roleda ang paglaganap ng wikang Filipino noon sa midya. Ipinaalala niyang mahalagang pangyayari ito ngunit simula pa lamang ito. “Gusto natin na maging mas malawak rin ang paggamit ng wikang Filipino sa pag-aaral ng mga araling intelektuwal,” paghihimok ng VCA.

Tungo sa intelektuwalisasyon

Itinaguyod ni Roleda ang pagpapalawak sa paggamit ng wikang Filipino sa ibang mga asignatura gaya ng physics at economics. Pagdidiin niya, “Nararapat lamang na tayo ay marunong gumamit ng wikang Filipino, hindi lamang sa pang-araw-araw, kundi [pati] sa mga mas malalim na [kaisipan].”

Sa kabilang banda, ipinahayag naman ni Margareth Geluz, estudyante ng sikolohiya mula sa Kolehiyo ng Malalayang Sining, ang kaniyang pagkabahala dahil walang direktang salin sa wikang Filipino ang ibang mga termino at kaisipang ginagamit nila sa pagtalakay ng mga konseptong nasasaklaw ng kanilang asignatura. Bukas naman siya sa paggamit ng Filipino bilang wikang panturo, ngunit nababahala siya sa mga isyung maaaring maidulot ng naturang pagbabago. “Karamihan sa mga teorya at pananaliksik na lumaganap na pinag-aaralan sa aming kurso ay [pawang] mga pang-Kanluraning ideya,” pagbabahagi ni Geluz sa APP.

Tinugunan ni Roleda ang nasabing isyu ukol sa pagsasalin ng mga termino sa Filipino at nilinaw niyang hindi dapat ito maging balakid sa paggamit ng sariling wika. “Hindi naman natin kailangan mag-imbento ng panibagong salita na tayo lang ang nakakaintindi,” pagtitiyak ng VCA na makatutulong sa mabuting komunikasyon ang paggamit ng mga salitang karaniwan nang gamit ng ibang mga bansa.

Binanggit naman ni Nuncio na habambuhay na mapakikinabangan ang pagkatuto ng wikang Filipino dahil nagbibigay ito ng akses sa mga nagsasalita nito. Pagpapaliwanag niya sa APP, “[Kapag] nagsasalita ka ng [wikang Filipino] maiintindihan mo ‘yung simpleng hinaing ng isang pedicab driver kasi naiintindihan mo siya at nailalapit mo yung sarili mo habang kausap mo siya.”

Dagdag pa niya, layunin ng asignaturang Filipino na magkaroon ng mga awtentikong mamamayang kayang makipag-ulayaw sa kapwa at bansa tungo sa transpormasyong panlipunan na makatutulong sa pag-unlad. Sambit ni Nuncio, “Kasi minsan, ang basic solution ay basic language.”

Sa simpleng paggamit ng wikang Filipino, naniniwala rin si Geluz na mapahahalagahan na ito. Aniya, nararapat itong mapanatiling buhay dahil kinakatawan nito ang identidad ng kulturang Pilipino. “Ito ang identidad ng ating pagkatao, kung kaya’t sa pagpapanatili ng buhay nito, napapanatili pa rin natin ang ating identidad at kultura,” pagdidiin niya.

Kaakibat ng tagumpay ng pagpapanatili ng asignaturang Filipino sa Pamantasan ang hangaring maisulong at mapaigting ang paggamit sa wikang Filipino. Pagtatapos ni Geluz, “Naniniwala ako na ang patuloy na paggamit sa wikang Filipino sa pang-araw-araw na buhay at sa Pamantasan ay isang hakbang. Gayundin, makita ng mga mag-aaral ang halaga ng isang wika—ng ating wika.”