“Good morning,” masayang bati ng mga security personnel habang ibinibida ang mga ngiting malawak—binibigyang-buhay ang umaga ng mga antok na kaluluwa ng mga estudyanteng hinaharap ang bagong bukas sa Pamantasang De La Salle (DLSU). Bukod sa proteksyon at seguridad na kanilang handog, nagagawa rin nilang makisangkot sa mga gawain sa Pamantasan; bumubuo sila ng mga natatanging koneksyon sa mga estudyante at tagapaglingkod ng pamayanan. Ngunit, sa paglipas ng panahon, unti-unti ring lumalapit ang hangganan ng serbisyong ipinagkaloob. Kakailanganin nang lumisan ng ilan sa mga nagbigay-serbisyo sa Pamantasang minamahal para tahakin ang panibagong daang nag-aabang sa kanila.
Sa paglaganap ng pandemyang dulot ng COVID-19, kasabay nito ang pag-usbong ng mga pagbabago sa nakasanayang kalakaran; para bang naglalakad ang lahat sa daang walang kasiguraduhan. Biglang umalingawngaw ang nakabibinging katahimikan sa Pamantasan dahil sa biglaang pagkawala ng kinagisnang buhay at kultura. Sa pananatili ng pandemya, unti-unting binubura ng panahon ang iba’t ibang puwang para sa mga alaala, na kaakibat ng mga hanapbuhay na natutuldukan at pamamaalam na biglang kumatok sa pintuan. Para sa serbisyong kanilang ipinagkaloob, alalahanin natin ang naging kontribusyon ng ating mga ate at kuya sa Pamantasan na taos-pusong nagbigay ng kanilang serbisyo sa pamayanang Lasalyano. Sa kanilang pahimakas, alamin ang kuwento ng mga security personnel ng Pamantasang kanilang pinunan ng mga alaala.
Magigiting na tagapagpanatili ng Pamantasan
Sa isang tipikal na araw noong hindi pa birtuwal ang mga klase sa Pamantasan, lulan ng iba’t ibang tao ang bawat bahagi ng kampus. Mayroong mga guro na may layuning maglahad muli ng bagong karunungan, may mga estudyanteng abala sa pakikilahok sa iba’t ibang aktibidad, at mayroon ring mga manggagawang iniaalay ang serbisyo sa pamayanang Lasalyano upang mabigyan tayo ng ligtas na kapaligiran sa pagtamo natin ng edukasyon. Sa pagkawalay at paghinto ng pamamalagi natin sa Pamantasan na dating puno ng buhay na buhay na interaksyon sa pagitan ng iba’t ibang tao, natigil rin ang serbisyo ng ilang manggagawa sa kampus dahil sa kasalukuyang krisis pangkalusugan. Isa si Kuya Manny*, isang security guard sa DLSU, sa mga kinailangang lumisan sa tarangkahan ng Pamantasan.
Noong Agosto, kinailangang iwan ni Kuya Manny* ang DLSU dahil hindi siya napabilang sa mga napili ng bagong security agency ng Pamantasan. Sa pakikipanayam ni Kuya Manny* sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), inilahad niyang bagamat malungkot at hindi makapaniwalang kailangan niyang lisanin ang institusyong binantayan niya sa loob ng limang taon, inalala niya na lamang ang mga pagkakataong hindi niya malilimutan sa kaniyang paninilbihan sa Pamantasan.
Isa sa mga hindi napagkakasunduan ni Kuya Manny* at ng mga Lasalyano ang hindi pagsunod ng mga estudyante sa mga polisiya sa kampus, katulad na lamang ng hindi pagsunod sa dress code at pagpasok sa kampus nang may bahid ng alak. Bagamat may mga ganitong interaksyon, hindi pa rin nito natabunan ang mga positibong alaalang baon niya kasama ang mga Lasalyano. Aniya, “. . . mabait ang mga estudyante ng La Salle at hindi po sila mahirap pakisamahan.” Para kay kuya Manny, mayroong paggalang ang mga Lasalyano sa iba’t ibang tao sa anomang antas ng pamumuhay.
Ikinuwento din ni kuya Manny* sa APP ang alaalang labis na tumatak sa kaniyang puso at isipan. “Pinakamahalaga s[a]kin nangyari masaya yung birthday ko. . . nasurpresa ako ng mga estudyante habang nagpeperform ako sa duty ko sa La Salle sa [Gokongwei] biglang kinantahan ako ng happy birthday,” pagbabahagi niya. Maliban sa magagandang alaala kasama ang mga Lasalyano, nagpapasalamat din si Kuya Manny* sa Pamantasan sa suportang ibinigay nito sa kanila ngayong may krisis pangkalusugan sa bansa. Ibinahagi niya sa APP na nagbigay ang DLSU ng grocery at hazard pay sa mga manggagawa nito upang makatulong sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay.
Muling paggunita sa maligayang paglilingkod
Bukod kay kuya Manny, isa rin sa mga kilalang security personnel ng DLSU si Isabel Catalina Genevieve Enopia, o mas kilala bilang Ate Jenny, dahil sa kaniyang relasyon sa mga miyembro ng pamayanan at higit sa lahat, dahil sa pusang si Archer na kaniyang inampon mula sa DLSU-PUSA noong nakaraang taon.
Sa panayam ng APP kay Ate Jenny, ibinahagi niyang bagamat nakapapagod ang araw-araw na biyahe, masaya pa rin siyang pumapasok sa Pamantasan lalo na’t napalilibutan umano siya ng mga mababait na kasama sa trabaho. Bukod pa roon, nakakasama niya rin si Archer na kaniyang inalagaan hanggang sa huling hininga nito. “Masaya ako sa trabaho ko at talagang kahit pagod. [Y]ung kumikita ka sa sariling pagsisikap ang nagpapasaya sa akin at kasama ko ang mabubuting tao.. isa si Archer na nagpapawala ng pagod ko. Simula 2013 noong mag bukas ang HSSH North Gate lagi siya sa akin,” pagbabahagi niya.
Gayunpaman, kinailangan niyang lumisan ng Pamantasan dahil ilang beses na siyang naaksidente para lamang makapasok. Nakaapekto rin umano sa kaniyang desisyong umalis ang malaking distansya sa pagitan ng kaniyang bahay at ng Pamantasan. “Yung layo po kasi ng aming bahay ang naging problema at lalo pong nagiging sobrang trapik sa araw araw… isang oras at kalahati ang biyahe ko pauwi noon tapos hanggang mag-resign po ako naging tatlong oras na. Motorsiklo po yun 3 oras araw-araw,” pagkukuwento ni Ate Jenny.
Sa kaniyang paglisan, bitbit niya ang masasayang karanasan sa kaniyang mahigit 14 na taong pagbibigay-serbisyo sa Pamantasan; inalala niya ang mga estudyanteng nakasalamuha at ang mga alaalang tumatak sa kaniyang diwa. Taos-puso niyang pagbabahagi sa APP, “Maayos ang mga estudyanteng naka-engkuwentro ko (ID 103), mula sa South Information, una kong puwesto. Madami akong naging kaibigang estudyante na nag-graduate na sila. [Y]ung ibang naging “Faculty” na sa DLSU o nag-work na sa ibang [k]umpanya pag pumupunta sa La Salle[,] di nila ako nakakalimutang daanan. [N]akakataba ng kalooban ang ganun maalala ka nila.”
Sandigan ng mapagkalingang Pamantasan
Mabilis ang daloy ng oras sa loob ng Pamantasan. Kinakailangan ng mga estudyante na pumasok sa mga klase, mag-aral, at umuwi sa kani-kanilang tahanan. Sa loob ng siklo na ito, kadalasang hindi na natin napapansin o nabibigyang pagkilala ang mga kawaning dahilan kaya nakakapag-aral tayo nang komportable at walang nararamdamang takot na dulot ng isyung pangkaligtasan sa loob ng kampus. Habang pinakikinggan natin ang mga naratibo ng mga paghihirap ng mga estudyante sa panahong ito, nararapat ding bigyang-halaga ang kuwento at serbisyo ng mga kawaning naging malaking bahagi ng Pamantasang nais na nating balikan.
Tunay na kinakailangan ng isang buo, mapagkalinga, at malawak na komunidad upang makamit ng isang estudyante ang isang kapaligirang akma sa kaniyang pagkuha sa edukasyong nararapat niyang matamasa. Magbigay-paalala nawa ang serbisyo nina ate Jenny at kuya Manny* bilang mga manggagawa na naging bahagi at haligi ng komunidad, na taos-pusong nag-alay ng kanilang serbisyo upang malaya tayong makapag-aral nang walang pangamba at takot.
*hindi tunay na pangalan