Tungo sa kalayaang handog ng Precedence: Paving the way for inclusivity


Saan man tayo naroroon, lagi’t lagi tayong may maituturing na tahanan; isang espasyong puno ng ginhawa at kapayapaan. Sa panahon ng pandemya, nakalulungkot ang katotohanang maraming nasalantang tahanan—isa na rito ang lugar ng kaligayahan ng ating mga lola mula sa Pasay. Kaakibat nito, maipagmamalaki ang mga proyektong nag-ugat sa kusang-loob na pagtulong, katulad ng Precedence: Paving the Way For Inclusivity, isang proyektong nagnanais na maibahagi ang karanasan ng mga miyembro ng LGBTQ+ community kasabay ang pagpapalaganap ng kamalayan ukol dito. Nais tuldukan ng Precedence ang diskriminasyon na matagal nang nararanasan ng kanilang benepisyaryo. 

Pagkamit ng mga mithiin 

Kumulubot man ang mga balat at humina ang mga kasu-kasuan, hindi natitinag ng pagtanda ang saya’t sigla ng mga lola sa Home for the Golden Gays. Sa pagwawakas ng Precedence: Paving the Way For Inclusivity noong Nobyembre 27, muling inangkin ng mga lola ang entablado bilang pasasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanila. 

Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Erika Ang, Programs Director ng Precedence, inilarawan niya ang ginawang pagtatanghal ng mga lola. “During the show, makikita mo ‘yon na parang ang saya-saya nila sa mga performances nila. Makikita mo talaga na ang pure ng soul nila, tapos they want to give nothing, but positivity and light, and they exude that,” pagbabahagi niya.

Sa kabilang banda, isinalaysay rin ni Ang ang hirap sa pag-oorganisa ng Precedence dahil sa sunod-sunod na paghagupit ng mga kalamidad. Pagpapalawig niya, may panahong napaisip sila kung dapat bang itigil na lamang nila ang mga programa. Gayunpaman, sa huli, nanaig pa rin sa kanila ang pagmamahal sa komunidad at paniniwala sa sinimulang adbokasiya. 

Sa panayam ng APP kay Carlos Valondo, Project Head ng Precedence, ipinahayag niya na bilang miyembro ng LGBTQ+ community, malapit sa kaniyang puso ang Precedence. Nabuo ito nang may layuning hindi lamang para makatulong sa Home for the Golden Gays, kundi makagawa rin ng espasyong nagbibigay ng priyoridad sa mga miyembro ng LGBTQ+ community.

Bilang huling mensahe, nagpasalamat si Valondo sa Golden Gays of Manila sa kanilang pagsisilbi bilang inspirasyon. Kasunod nito, ipinahayag niya ang dakilang mithiin para sa komunidad na kinabibilangan: na balang araw, tuluyan na sana itong makalaya mula sa diskriminasyon at nang kailanman, hindi na nila muling kailanganing ipaglaban pa ang kanilang karapatan.

Pagbabalik nina lola sa tahanan 

Sa kabila ng hirap, matagumpay na naisulong ng Precedence: Paving the Way For Inclusivity ang layunin nilang talakayin ang hamon na kinahaharap ng LGBTQ+ community at makalikom ng sapat na pondo para sa komunidad. Nabanggit mang mahirap ang kanilang pinagdaanan sa pagsasagawa ng proyekto, nananatili ang katotohanang naging madali ang kanilang pagpaplano sapagkat bukal sa kanilang puso ang pagtulong sa napiling benepisyaryo. Maliban dito, nakapulot din sila ng aral na habambuhay nilang dadalhin: na ang pagsisilbi sa bayan ang daan tungo sa pagkakaroon ng inklusibong lipunan. 

Sa pagbuo ng entablado, muling nakatapak dito ang mga lolang halos isang taon nang naghihintay na makapagtanghal sa harap ng maraming tao. Iba man sa nakagawiang pagtatanghal, tila wala nang mas nakaaantig pa sa mga salitang “nakauwi na ako.”