Sakuna, pandemya, at La Niña: Handa ba ang bansa sa mga pinagsama-samang banta?


Kuha ni Angela De Castro

Mahigit isang buwan na ang nakalilipas nang ianunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang umiiral na La Niña na maaari pang makapaghatid ng malalakas na bagyo bago matapos ang 2020.

Ayon sa unang babala ng PAGASA, lima hanggang walong bagyo ang inaasahang papasok o mabubuo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) kasabay ng La Niña. Mula sa araw ng pag-anunsyo, pumalo na sa walong bagyo ang nasaksihan sa loob ng PAR, kasama na rito ang Typhoon Ulysses at Super Typhoon Rolly.

Bahagi ang El Niño at La Niña ng isang pandaigdigang pangklimang penomenang binabantayan sa Pacific Ocean. Kumpara sa El Niño na nagdudulot ng tagtuyot sa bansa, matinding pag-ulan naman ang hatid ng La Niña. Bunsod ito ng mas mainit na temperatura ng katubigan sa Kanlurang Karagatang Pasipiko, na kinalalagyan ng Pilipinas.

Masalimuot na nakaraan

Tipikal na nararanasan ang El Niño at La Niña sa pagitan ng dalawa hanggang pitong taon. Huling nakaranas ng matinding La Niña ang Pilipinas noong 2010-2011. Ayon sa artikulo ng Philippine Daily Inquirer noong Enero 16, 2011, nasawi ang 42 Pilipino noon dahil sa La Niña at nagdulot ito ng mahigit Php1 bilyong pinsala sa agrikultura, imprastraktura, at mga ari-arian.

Mahigit 1.3 milyong Pilipino ang inilikas noon dahil sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa. Sa Legazpi City, Albay, umabot sa 1,071.1 millimeters (mm) na dami ng ulan ang naranasan sa buong buwan ng Disyembre taong 2011. Halos dinoble nito ang karaniwang 563.0 mm na ulan sa nasabing lugar para sa Disyembre sa nakalipas na 30 taon.

Mapaminsala pa rin ang La Niña kahit na mahina lamang ito. Noong Pebrero 2006, mahigit 1,000 residente mula sa Guinsaugon, Southern Leyte ang nasawi dulot ng landslide dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at paglindol sa nasabing lugar. Nagdulot din ng pagkasawi ng mahigit 400 indibidwal at halos Php11 bilyong pinsala ang Tropical Storm Ondoy noong Setyembre 2009.

PAGASA sa panahon ng La Niña

Itinuturo ng mga eksperto ang climate change o pagbabago sa klima bilang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng malalakas na bagyo, subalit hindi rin maitatanggi ang kontribusyon dito ng La Niña, ayon kay PAGASA Senior Weather Specialist Remedios Ciervo.

“Habang patuloy ang pagkakaroon ng mainit na karagatan malapit sa Pilipinas, hindi mawawala ang posibilidad na magkaroon pa tayo ng mga ganitong bagyo hanggang sa mga susunod na buwan,” pagbibigay-babala ni Ciervo sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP).

Maraming bahagi ng Pilipinas ang nakararanas ng matinding pag-ulan kapag may La Niña, lalo na ang mga lugar sa dakong silangan. Dagdag ni Ciervo, maikling panahon ng tag-init at mas mahabang tag-ulan ang inaasahan. Napatitindi umano nito ang epekto ng monsoon at sa panahong ito, malapit sa karaniwang bilang o humihigit pa ang dami ng mga bagyo.

Aminado si Ciervo na isang hamon sa PAGASA ang kawalan ng kapasidad na masukat ang init ng temperatura sa ibabaw ng Karagatang Pasipiko. Pagbabahagi niya sa APP, “Umaasa lang tayo sa obserbasyon o nakukuhang mga datos ng ibang ahensya sa ibang bansa gaya ng US, Japan, Korea at UK na may mga datos galing sa mga satellites at mga research vessels na nagpapatrolya sa karagatan ng Pacifico.”

Gayunpaman, ginagawa ng PAGASA ang kanilang makakaya upang makapagbigay-kaalaman ukol sa nangyayaring La Niña. Mayroong La Niña Warning System ang PAGASA na nagpapakita ng kasalukuyang impormasyon ukol sa kalagayan at panganib na dala ng La Niña. Isinasakatuparan din umano sa panahong ito ang isang task force na kinabibilangan ng iba’t ibang ahensya para bumuo ng mga plano at polisiya nang mapaghandaan ang La Niña.

Paghahanda sa pinatinding mga banta

Patuloy ang mga paghahandang isinasagawa ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang maiwasan ang matitinding epekto ng La Niña, tulad ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Sa panayam ng APP sa Policy Development and Planning Service ng NDRRMC, hindi pa man umano tukoy ng PAGASA ang eksaktong mga rehiyong maaapektuhan ng La Niña, may plano na ang gobyerno para maiwasan ang matinding pinsalang maidudulot nito.

“. . . Ang NDRRMC ay naghahanda ng pangkalahatan o pang-buong bansang istratehiya o hakbangin upang mapanatili ang kaligtasan ng mga tao at komunidad mula sa mga panganib na ito,” pahayag ng NDRRMC.

Gayunpaman, hindi naging partikular ang tugon ng nasabing ahensya ukol sa mga planong inilatag ng gobyerno upang maiwasan ang nakaambang panganib na dulot ng La Niña ngayong taon. Ilan sa mga ito ang karaniwan nang naririnig, tulad ng pangangalaga sa kalikasan at relokasyon.

Bagamat binigyang-diin ng NDRRMC ang kahalagahang maintindihan ng mga komunidad ang mga panganib na dala ng La Niña, taliwas dito ang nangyari nang manalasa ang bagyong Rolly at Ulysses nitong Nobyembre. Marami sa mga taga-Luzon, partikular sa Cagayan at Isabela, ang nagulantang sa matinding malawakang pagbaha na dulot ng mga nasabing bagyo at ng pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.

Isang hamon para sa naturang ahensya ang pandemyang dulot ng COVID-19. Bilang pagtugon, inilabas ng NDRRMC ang Memorandum No. 54 s. 2020 na nagsasaad ng gabay para sa mga Disaster Risk Reduction Council sa buong bansa. Naglalaman ito ng mga patakaran para sa panahon ng pandemya na umaayon sa mga bagong pangangailangan ngayong panahon ng tag-ulan. 

Sa pagpapatuloy ng pandemyang sinabayan pa ng La Niña, kinakailangang sapat ang pakikinig at pagtugon ng gobyerno sa mga hinaing ng mga mamamayan, nang hindi malugmok sa kahirapan ang mga pinadapa na ng pandemya sa mga nakalipas na buwan.