KARANGALAN at kasaysayan—ito ang mga salitang inukit ng pitong manlalaro ng Mobile Legends: Bang Bang (MLBB) para sa Pilipinas noong nakaraang Southeast Asian Games (SEA Games) 2019. Pambihirang paglalakbay ang pinagdaanan ng mga manlalaro ng MLBB nang irepresenta nila ang bandera ng Pilipinas sa timog-kanlurang Asya.
Taglay ng SIBOL Pilipinas MLBB Team ang lakas ng loob sa pagkamit ng pinakaaasam na gintong medalya para sa bansa sa kanilang pagsabak noon sa SEA Games 2019. Bumida rito ang pitong magigiting na manlalaro ng Pilipinas upang ipakita sa timog-kanlurang Asya ang galing ng SIBOL PILIPINAS sa larangan ng Esports. Pinangunahan ito nina Angelo “Pheww” Arcangel, Jason Rafael “Jay” Torculas, Jeniel “Haze” Bata-anon, Allan Sancio “Lusty” Castromayor, Kenneth Jiane “Kenji” Villa, at Carlito “Ribo” Jr.
Pagsibol ng koponan sa SEA Games 2019
Hindi biro ang naging proseso ng pagpili sa mga manlalarong isasabak para sa SEA Games sapagkat maraming propesyonal na manlalaro ng MLBB ang naghangad na sumalang sa torneo. Mula sa humigit-kumulang 30 manlalaro na sumali sa tryouts ng SIBOL Pilipinas, hinalo at inilagay sa random na grupo ang MLBB professional players at nagsagawa ng scrimmages kontra sa ibang grupo.
Matapos ang isinagawang pagsasala, sinubok ng SIBOL Pilipinas coaches ang kakayahan at dedikasyon ng mga manlalaro upang mahanap ang karapat-dapat na magtaguyod ng bandera ng Pilipinas sa nasabing palaro.
Kapana-panabik ang naging paglalakbay ng SIBOL Pilipinas MLBB Team sa SEA Games nang pagdaanan ng pitong manlalaro ang malahiganteng mga pagsubok. Lumapag ang Team Pilipinas sa ikalawang puwesto para sa Group B kasunod ng nangungunang koponan ng Indonesia. Pagsapit ng playoffs, pinatumba ng Pilipinas ang Vietnam sa quarterfinals at dinomina ang Malaysia sa semi-finals. Bunsod nito, nakuha ng SIBOL ang ticket sa finals kontra sa powerhouse team ng Indonesia.
Makapigil-hiningang aksyon naman ang naganap sa finals bunsod ng come-from-behind win ng SIBOL kontra Indonesia. Matapos pabagsakin ang Indonesian Team, natamo ng SIBOL Pilipinas ang kauna-unahang gintong medalya ng Pilipinas para sa larangan ng Esports.
Simula ng kasaysayan
Sa isang panayam sa The Score, ibinahagi nina Arcangel at Torculas ang kuwento ng kanilang pag-uumpisa bilang mga manlalaro ng Mobile Legends. “‘Yung bagong laro po bago mag-Mobile Legends is DOTA po. Then sabi ko, parang mas madali po kasi sa phone lang, ta’s kahit saan ka pwedeng maglaro,” pagbabahagi ni Torculas.
Nagsimula ang ilang miyembro ng koponan bilang magkakalaban sa MLBB kaya naman hindi naging madali ang pagbuo ng kanilang samahan. “Siyempre nakaka-excite din kasi bubuo kami ng bagong chemistry, ganoon. Ta’s syempre, kalaban ko [sila] dati, tinatalo kami ganoon,” sambit ni Arcangel sa The Score.
Puspusan ding binantayan ng mga coach at manager ang pagsasanay ng SIBOL para sa SEA Games upang masigurong handa ang koponan na ipakita ang kanilang buong potensyal at husay sa torneo. Bukod sa pagkakaroon ng mahuhusay na manlalaro, iginiit din ni SIBOL National Team Manager Alvin Juban sa isang panayam sa Stand for Truth na mahalagang magkaroon ng maayos na mindset ang mga atleta. “They’re so used to having tournaments almost every other day or every day, so we had to make them commit for the SEA Games,” ani Juban.
Patunay ang mga gintong medalya ng SIBOL sa patuloy na paglaki ng larangan ng Esports. “It’s a turning point [for Esports]. [The players think] more about what their performance brings to the table for the entire industry, because this would probably be the gateway for other talents to pursue their careers in sports,” wika ni SIBOL-MLBB Manager Jab Escutin sa One Sports.
Panibagong kabanata para sa SIBOL
Matapos makapag-uwi ng gintong medalya ang mga manlalaro ng SIBOL Pilipinas mula sa idinaos na SEA Games, pinagtuunan naman nila ng pansin ang pinakamalaking torneo ng Mobile Legends sa Pilipinas na Mobile Legends Professional League (MPL-PH).
Kasalukuyang bahagi ng Bren Esports sina Arcangel, Castromayor, at Ribo Jr., samantalang nasa beteranong koponan na Omega Esports naman sina Bata-anon at Villa. Kinatawan naman ng Onic PH si Torculas na nakakuha ng back-to-back runner up finish sa ikaapat at ikalimang edisyon ng MPL-PH.
Sa katatapos lamang na MPL-PH Season 6, nakipagbunong-braso sa isa’t isa ang mga miyembro ng SIBOL nang makapasok sa semifinals ang kani-kanilang koponan. Nangibabaw sina Arcangel, Castromayor, at Ribo Jr. ng Bren Esports kontra kina Bata-anon at Villa ng Omega Esports, 4-2, na nagbigay-daan upang masungkit nila ang kanilang ikalawang kampeonato mula sa apat na finals appearance sa naturang torneo.
Kontribusyon sa pag-usbong ng Esports
Sa apat na taong pamamayagpag ng larong Mobile Legends, marami nang pinagdaanang hirap at sakripisyo ang mga manlalaro ng SIBOL upang makamit ang estadong kinalalagyan nila ngayon. Ipinakita nila sa pamamagitan ng maraming oras ng pag-eensayo ng ML araw-araw na kaya nilang makipagsabayan sa ibang manlalaro para maitaguyod ang bandila ng Pilipinas. “Sobrang saya ko kasi pangalawang medal ko na ito, sabi ni mama marumi na ‘yung medal sa bahay, ito bago na ulit. Dinededicate ko ‘to sa lahat ng sumusuporta sa amin,” ani Arcangel sa post-game interview matapos makamit ang kampeonato sa MPL-PH Season 6.
Tunay na kahanga-hanga ang ipinakitang gilas at galing ng SIBOL Pilipinas, partikular na ang koponan ng SIBOL-MLBB sa nakaraang SEA Games. Isang indikasyon ang kanilang mga karangalang naiuwi sa patuloy pang pagsikat ng Esports sa bansa at ang paglawak ng komunidad nito. Isa rin itong patunay ng angking talento ng mga Pilipino—na kaya rin nating makipagsabayan sa iba’t ibang lahi sa larangan ng Esports.