Ilang pagbabago sa USG Constitution, inilatag sa panibagong sesyon ng LA


INIHAIN sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang ilang pagbabago sa Konstitusyon ng University Student Government (USG), Disyembre 5. Maliban sa ilang rebisyong teknikal, naging usapin din ang pagpapalawig ng proseso ng impeachment, koordinasyon ng Office of the President (OPRES) sa iba pang mga opisina, at pagbibigay-pagkakataon sa ibang student leaders na makasama sa mga diskusyon ukol sa pag-enmiyenda ng konstitusyon. 

Ibinahagi ni Jaime Pastor, chief legislator, na una nang tinalakay ang ilang pagbabago sa konstitusyon sa pagpupulong kasama ang LA Inner Circle (LAIC). Binanggit niyang kasalukuyan silang nakikipagtulungan sa ibang mga opisina sa ilalim ng USG, tulad ng Office of the Judiciary, upang ganap na maisaayos ang konstitusyon. 

Karagdagang mga probisyon 

Ipinagtibay sa pagpupulong kasama ang LAIC ang karapatan ng mga Lasalyano sa proseso ng impeachment at recall election. Naniniwala si Maegan Ragudo, FAST2018, na hakbang ito upang mapanatili ang transparency sa mga naturang proseso. “We want to hold the essence of the bill, [this is] a matter of providing a clear and concise process,” pahayag niya. 

Itinakda ng LAIC ang mahistrado bilang pinuno ng hudikatura at ang karagdagang tungkulin nitong panatilihin ang pagsasabuhay ng bylaws sa USG. Hangad din ng hudikatura na mapabilang ang student leaders sa usapin ng pag-enmiyenda ng konstitusyon. Nararapat na mailatag din nila ang mga pagbabago sa konstitusyon sa pagkakataong kakailanganin. 

Nagsagawa rin ng karagdagang pagbabago sa mga probisyong saklaw ng Department of Activity Approval and Monitoring. “There should be coordinations in projects conducted by the USG,” giit ni Giorgina Escoto, minority floor leader. Itinaas niya ang kahalagahan ng pagtutulungan ng Activities Assembly, OPRES, at LA sa pagtataguyod ng mga proyektong akma sa layunin ng USG. 

Nakatuon ang pagbabago sa pagsasaayos ng mga clerical errors, gaya ng pagbabalangkas sa ilang mga pangungusap at seksyon ng konstitusyon. “[This is] solely for the document to be precise,” pahayag ni Escoto, na mainam na mapanatili ang kaayusan ng konstitusyon upang maisaalang-alang ang mga magbabasa nito. 

Napagkasunduan ng mga mambabatas na pagbobotohan lamang ang mga pangunahing enmiyenda na tinalakay sa sesyon. Ipagpapatuloy sa mga susunod na sesyon ang nalalabing mga probisyon sa konstitusyon na sumailalim din sa pagbabago. 

Pagkilala sa LCSG campus president at legislators 

Bahagi rin ng naging pagpupulong kasama ang LAIC ang pagpapaliban sa mga kinatawan ng Laguna Campus Student Government (LCSG) sa pagdalo sa lingguhang sesyon ng LA, bunsod ng distansya ng naturang kampus mula sa Pamantasan. Sa kabila nito, kikilalanin pa rin sila bilang bahagi ng LA. 

Napagkasunduan ng LAIC na sa mga panahong kinakailangan lamang hihingan ng pagdalo sa LA ang mga kinatawan ng LCSG, bilang konsiderasyon sa kanilang kapakanan. Gayunpaman, bibigyan lamang sila ng kapangyarihang bumoto sa mga resolusyon sa pagkakataong makadadalo sila sa sesyon ng LA. 

Ipinagpaliban din muna ang paghirang kay Miguel Batallones bilang campus president dahil sa kaniyang kasalukuyang posisyon bilang kinatawan ng LCSG. Sa kabila nito, naniniwala si LCSG Representative Michele Gelvoleo na nararapat nang kilalanin si Batallones bilang campus president dahil naisakatuparan na niya ang tungkulin ng naturang posisyon.

“[It is] stated in the Constitution that you cannot hold two appointed positions,” paglilinaw ni Pastor na mainam na bumaba muna sa puwesto si Batallones bilang LCSG representative bago mailuklok bilang campus president. Hihintaying makapagsumite ng resignation letter si Batallones bago siya hirangin sa nasabing posisyon. 

“He can assume [the position] campus president  after resigning as [an] LA Representative,” pagtitiyak ni Gelvoleo. Ipinagpaliban ang botohan sa resolusyong ito upang mabigyang-panahon si Batallones na makapagsumite ng kinakailangang resignasyon.

Pagtatakda sa mga komite 

Pinangunahan ni Pastor ang pagtatakda ng mga kinatawan sa mga komite batay sa kanilang kahusayan sa ginanap na LA Exam. Binubuo ng tatlong komite ang LA: ang Students Rights and Welfare (STRAW), Rules and Policies (R&P), at National Affairs (NatAff). 

Naglaan din ng oras sa sesyon upang ihalal ang chairperson, vice chairperson, at secretary sa bawat komite. Hinirang bilang bagong chairperson ng komiteng STRAW si Brendan Miranda, EXCEL2022. Naitalaga rin ang naturang posisyon kay Gelvoleo sa komiteng R&P, at naihalal naman si Ethan Rupisan, 72nd ENG, bilang chairperson ng NatAff.

Bago magtapos ang sesyon, inilahad ng mga bagong halal ang kanilang mga plano at nais pagtuunan ng pansin sa mga natitirang araw ng kasalukuyang termino.  Ayon kay Miranda, ipagpapatuloy niya ang pagtataguyod ng mga polisiyang nakatuon sa safe spaces at mental health, lalo na sa kasalukuyang pagsasagawa ng klase online. 

Sentro naman ng plataporma ni Gelvoleo ang pagpapaigting sa kaalamang pangkonstitusyon. Titiyakin ng kanilang komite na napapanahon ang mga nakasaad sa USG Constitution at LA Manual. Pagtitibayin naman ni Rupisan ang awareness campaigns na naglalayong isulong ang mga isyu ukol sa populasyon ng minorya sa bansa. 

Pangunahing paksa pa rin sa mga susunod na pagpupulong ng LA ang patuloy na pagsasaayos sa konstitusyon. Inaasahang matutugunan din sa susunod na mga linggo ang mga resolusyong ipinagpaliban sa naturang sesyon.