BINIGYANG-TUON sa panibagong serye ng mga webinar sa ilalim ng Beyond BLAZE: Leaders of our Generation ang halaga ng teknolohiya at midya tungo sa pagbabago. Layunin nitong paigtingin at palawakin ang kakayahang mamuno ng mga Lasalyano lalo na sa modernong panahon.
Pagpapalalim sa papel ng teknolohiya
Tinalakay ni Ruben Harris, punong tagapamahala ng Career Karma, ang lumalagong gampanin ng teknolohiya sa panahon ngayon. Aniya, tinutugunan nito ang mga pangangailangan at kagustuhan ng tao tulad ng pabahay, pagkain, at panggastos sa araw-araw.
Dagdag pa niya, mas nakikita ng lahat ang kahalagahan ng teknolohiya lalo na ngayong may pandemya. Dahil sa krisis na ito, kinakailangang ilipat ang pamumuhay ng mga tao, kabilang na ang pag-aaral ng mga estudyante, tungo sa online na pagsasagawa ng mga ito.
Naniniwala rin si Harris na mas mahalaga ngayon ang pagsasamoderno ng edukasyon. Giit niya, “When schools shut down, 1.5 billion students had to go online. . . but schools that innovate and take advantage of while online are going to win and students are also going to win.”
Ayon kay Harris, maliban sa paggamit ng teknolohiya para sa pansariling pangangailangan, makabubuting gamitin din ito sa pagpapabuti ng kalagayan ng iba. Sa tulong ng sapat na kaalaman at pag-unawa sa sariling karanasan, maaaring makagawa ang sinoman ng mga solusyon, gaya ng software products, na makatutulong sa maraming tao.
Pagpapalawak ng digital marketing
Sumentro naman ang ikalawang webinar sa usapin ng paggamit ng digital na midya bilang kasangkapan ng pagnenegosyo at pagpapatibay ng koneksyon. Ayon kay Gerald Castillo, punong tagapamahala ng Eight Media, ito na ang akmang panahon para sa pagbabago ng marketing sa larangan ng pagnenegosyo.
Saad pa niya, lingid sa kaalaman ng nakararami na isang kalakasan ng digital mula sa tradisyunal na paraan ng marketing ang madali at epektibong pagsukat nito. “From where customers are coming from, what they do on the websites. . . those things you can measure,” pagpapaliwanag ni Castillo.
Tinalakay rin niya ang pagkakatulad ng digital marketing sa pakikipagkilala sa ibang tao. Pagdidiin niya, “[Like dating] You put your best foot forward, you show why you’re the best choice.” Kailangan sa digital marketing ang pagsasaalang-alang at pagpapahalaga sa mga mamimili—sa kanilang atensyon, pangangailangan, at kagustuhan, katulad sa panliligaw.
Sa ganitong paraan, malilinang ng marketers ang koneksyon nila sa ibang tao at maiimpluwensiyahan silang tangkilikin ang produkto, ayon kay Castillo.
Pamumuhunan sa mga website
Ibinahagi naman ni Carl Ocab, tagapagtatag ng Carl Ocab Digital Marketing and Richkid Media Internet Services, ang pakinabang ng mga website sa mga negosyo o proyekto. Paglalahad niya, mahirap magtayo at mamahala ng negosyo sa platapormang hindi kontrolado. Aniya, “You don’t want to depend on a social media platform that could delete your page. . . but if you have a website, you have authority.”
Gayumpaman, hindi isinasawalang-bahala ni Ocab ang kapangyarihan ng social media. Paliwanag niya, maaaring gamitin ang social media upang ilapit ang mga tao sa sariling website ng isang negosyo. Sa ganoong paraan, mas magiging madali ang pag-impluwensya ng anomang negosyo sa kanilang mga potensiyal na mamimili.
Nagbigay rin si Ocab ng ilang mga pamantayan sa pagkakaroon ng magandang website. Kabilang dito ang mabilis na pag-load nito, mahigpit na seguridad, at madaling paggamit ng nasabing website. Mahalaga ring magagamit sa kahit anong gadyet ang website at madali itong hanapin online.
Itatampok naman ang paksang pamumuno sa pagnenegosyo sa ikahuling bahagi ng Beyond BLAZE sa Disyembre 11, Biyernes.