INIHANDOG ng Center for Social Concern and Action (COSCA) ang isang talakayang may temang Safe Spaces in All Places: A Kapihan ng Malalayang Lasalyano (KAMALAYAN) Forum on Gender Based Violence, Disyembre 4. Layunin nitong pag-usapan ang mga napapanahong paksa ukol sa karahasan sa kababaihan, kabataan, at iba pang sektor ng lipunan.
Katuwang ng COSCA sa pagsasagawa ng forum ang Office of the Vice President for Lasallian Mission, Office of Student Affairs, Office of Student Leadership Involvement, Formation and Empowerment, University Student Government, Council of Students Organization, at DLSU PRISM.
Kabilang sa mga dumalong tagapagsalita sina Dr. Christianne Collantes, vice chair ng Political Science Department, Dr. Michael Campos, associate professor mula sa Theology and Religious Education Department, at Attorney Twyla Rubin, Officer in Charge ng Center for Gender Equality and Women’s Rights ng Commision on Human Rights (CHR).
Iba’t ibang anyo ng karahasan
Binigyang-kahulugan ni Rubin ang gender-based violence mula sa Declaration on the Elimination of Violence Against Women. Wika niya, “gender-based violence against women is any act of gender-based violence that results in, or is likely to result in, physical, sexual, psychological harm or suffering to women, including threats of such acts, coercion, or arbitrary deprivation of liberty, whether occurring in public or in private life.”
Isinaad ni Rubin na araw-araw pa rin siyang nakatatanggap ng mga reklamo at hinaing mula sa kababaihan sa kabila ng mga umiiral na batas na pumoprotekta sa kanila. Dagdag pa niya, kinakailangang suriin ang mga aksyong kaakibat ng mga polisiya at batas na ipinatutupad.
Ibinahagi naman ni Campos na maiuugnay ang umiiral na sistemang patriyarkal sa kultura at relihiyon ng bansa, at maaaring makita ito sa mga relihiyosong lengguwahe. “When we employ religious language, we might actually be perpetuating certain gender stereotypes that might actually magnify patriarchal values rather than critique it,” aniya.
Isa ang sign of the cross sa mga inihalimbawa niyang relihiyosong lengguwahe na maaaring magpalaganap ng sistemang patriyarkal. Saad ni Campos, hindi namamalayan ng nakararami ang ilan sa mga bagay na nakasanayan natin kaya kinakailangang suriin at pagnilayan ang kahulugan nito.
Pinalawig niya ang kaniyang punto sa pamamagitan ng pagbabahagi ng kaniyang karanasan sa isang monasteryo. “We spent hours thinking about how can we re-articulate that sign of the cross in a manner that transcends some of these categories of gender that situates women almost as an implicit player within this paradigm of patriarchy.”
Tinukoy rin ng mga tagapagsalita ang ilan sa mga aspektong nakaaapekto sa patuloy na paglaganap ng karahasan. Ayon kay Rubin, kultura at kaugalian ang isa sa mga dahilan, “The stereotypes, ‘yung mga ine-expect sa iyo ng society, it continues. I think na it’s important to address that at the core.” Nahihirapan ang mga kababaihan na ipaglaban ang kanilang karapatan dahil sa mga pananaw na nakaangkla sa mga estereotipo.
Wika naman ni Collantes, “usually a woman is supposed to be either pure or she is defined by her sexuality, and both are very limiting for a woman.” Dahil dito, nakasanayan ng mga kababaihang maging maingat sa paraan ng kanilang pagkilos, pananalita, at pananamit. Dagdag niya, “even if we have safe spaces. . . we have to make the actual mechanisms and procedures effective, and we still have everybody within the community commit to the idea of safe spaces.”
Naniniwala rin si Rubin na kinakailangang bigyan ang bawat isa ng kalayaang gawin ang mga bagay na gusto nilang magawa nang walang pag-aalinlangan at pangamba. Tinukoy niya rin ang ilang paksang nakaaapekto sa pagdami ng kaso ng gender-based violence. Ayon sa kaniya, “people fail to see the link of denial of family planning commodities, the denial of important maternal services and its impact to maternal mortality as well as teenage pregnancy.”
Bukod pa rito, sinusuri din ng CHR ang mga panukalang inilalabas ng gobyerno upang maiwasto ang mga kumplikasyong maaaring umusbong mula rito. “We feel that it’s important for the state to realize na its role is not only to prevent but also not to be a perpetrator itself,” saad ni Rubin.
Pagbuo ng malayang espasyo sa loob ng Pamantasan
Ibinahagi rin ng mga tagapagsalita ang mga hakbang na kailangang tahakin ng Pamantasan upang matagumpay na maipatupad ang safe spaces sa loob nito. Kaugnay nito, isinalaysay ni Rubin na kinakailangang palakasin ang student movement organizations at support system sa loob ng Pamantasan.
Ipinahayag ni Collantes ang kaniyang pagkatuwa sa paglulunsad ng DLSU Safe Spaces Policy and Program at DLSU Mental Health Policy sa Pamantasan. Ngunit paalala niya, “Sometimes it isn’t perfect right away. There always has to be this constant feedback, this conversation, that keeps happening within the actual academic community.”
Ikinuwento naman ni Campos ang rason sa pagpili niya sa Pamantasang De La Salle. Aniya, ang mga inklusibong polisiyang sinusunod sa loob ng Pamantasan ang nagsilbing motibasyon upang tanggapin niya ang alok na pagtuturo rito. Binahagi rin niya ang kaniyang saloobin ukol sa polisiyang ipinatupad sa Pamantasan, “We do have to practice self-interrogation by also being mindful of how we participate in these systems even with the best of intentions.”
Sa kabilang banda, ipinunto ni Rubin na mahalagang alamin ng bawat estudyante ang kanilang karapatan upang maprotektahan ang sarili sa posibleng karahasan. Hinikayat din niyang siyasatin nila ang mga batas at polisiyang umiiral sa loob ng Pamantasan.
Inaasahan ni Rubin ang malawakang pagpapakalat ng impormasyon sa loob ng Pamantasan upang maiwasan ang paglaganap ng karahasan. “Every space is a space of resistance, it is also a space of empowerment,” pagtatapos ni Rubin.