GoodGovCon 2020: Pagpapaigting sa kamalayan bilang isang mamamayan, tinalakay para sa mabuting pamamahala


PINANGUNAHAN ng Good Governance PH ang pagsasagawa ng Good Governance Conference 2020 (GoodGovCon 2020) nitong Nobyembre 21 hanggang 28, na dinaluhan ng mga kapita-pitagang opisyal na sina Pangalawang Pangulo Leni Robredo, Kabataan Partylist Representative Sarah Elago, Senador Francis Pangilinan, at iba pang mga tagapagsalita mula sa pribado at pampublikong sektor. 

Umikot ang kumperensya sa temang  “Mabuting Pamamahala Para sa Bayan” na naglayong hasain ang pag-iisip ng kabataan ukol sa pakikibahagi sa pamamahala tungo sa pagpapanatili ng isang makatarungan at makataong lipunan. Kabilang sa mga pangunahing paksang tinalakay ang civic engagement, lobbying, at pakikilahok sa lokal na pamamahala sa mga sektor, kagaya ng edukasyon, kalusugan, ekonomiya, at kapaligiran.

Ayon kay Kit Mulliken, Project Director ng GoodGovCon 2020, sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), “. . . the Good Governance Conference, aims to establish awareness towards good governance, tackle pressing societal issues, and mobilize participation among today’s youth. It is a platform to enable and elevate discourse among the youth and other relevant stakeholders from the government, academe, and civil society.”

Sa unang araw ng plenaryo, tinalakay nina Czarina Medina-Guce, Attorney Kris Ablan, at Attorney Marco Sadillo III ang mga paksang may kinalaman sa Participatory Democracy, Transparency and Accountability, at Human Rights and Rule of Law. Binigyang-pansin din  sa pamamagitan ng mga breakout session ang mga isyung nasasangkot sa edukasyon, kalusugan, ekonomiya, at kapaligiran.

“Kailangan talaga na nagtutulong-tulong at nagkakaisa ang iba’t ibang sektor ng lipunan—both public and private para sa iisang mission which is essentially providing quality education to all our students,” pagpapaliwanag ni Angel Ramos, napiling panelista para sa usaping edukasyon.

Puspusan namang idiniin ni Pangilinan ang kahalagahan ng pagkilala sa mga magsasaka at mangingisda sa pagtataguyod ng mabuting pamamahala. Naniniwala siyang kailangang maglaan ng dagdag na pondo para sa sektor ng agrikultura bilang pagbibigay-pugay sa mga magsasakang Pilipino.

Pinangatuwiranan din ni Sonny Africa, executive director ng IBON Foundation, na sakop umano ng ekonomiya ang usaping katarungan, karapatang panlipunan, at maayos na buhay para sa lahat. Naniniwala siyang kailangang buhayin at baguhin ang ekonomiya upang muling maisaayos ito.  Aniya, “Fix economic problems before and beyond the pandemic.”

Hinikayat naman ni Elago ang kabataan na maging mulat at handa sa mga pagbabago. “We must continue to contribute as active citizens, call, and work for transparency and accountability to force a leadership that is responsive to the present situation of the Filipino people,” aniya.

Sa pagtatapos ng kumperensya, ipinahayag ni Robredo na inaasahan niyang mangunguna ang kabataan sa pagtataguyod ng mabuting pamamahala dahil wala umano sa edad ang pamumuno. Dagdag pa ng Pangalawang Pangulo, nagsilbing aral ang mga trahedyang naranasan ng bansa nitong mga nagdaang buwan, “The past few months have made it clear, good governance could, in very real terms, spell the difference between life or death.”

Sa pagbabalik-tanaw ni Mulliken, ipinagtapat niyang hindi naging madali ang pagbuo ng nasabing kumperensya lalo na’t isinagawa ito online. Gayunpaman, ibinahagi niya sa APP na itinuring ng Good Governance PH bilang isang hamon ang pagsasagawa ng kumperensya sa panahon ng pandemya dahil naniniwala silang sa panahong ito mas kailangan ang mga organisasyong makapagbibigay-kaalaman sa sambayanang Pilipino. 

Bilang isang kabataan, naniniwala si Mulliken na nagsisimula ang pagbabago sa sarili at may boses ang bawat mamamayan na kanilang magagamit sa pagtalakay sa mga isyung dapat pagtuunan ng pansin para sa ikabubuti ng karamihan.  “. . . in any administration, there are lapses. And that is unavoidable, but we can always strive for improvement and growth for our country. Because as citizens, we should love our own country,” pagtatapos niya.