Walang kupas na alas: Pamamayagpag ng mga atletang Lasalyano sa PBA, sinariwa


Likhang-sining ni Karl Vincent Castro

ITINUTURING na isang karangalan ang pagiging manlalaro sa Philippine Basketball Association (PBA) sa kadahilanang masusing tinitingnan ang basketball college statistics ng mga manlalaro sa proseso ng pagpili sa kanila. Sa mga nagdaang taon, mapapansing malaking papel ang ginagampanan ng mga torneong pangkolehiyo sa Pilipinas tulad ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) at National Collegiate Athletic Association sa paghulma ng talento ng mga manlalaro.

Kilala ang De La Salle University (DLSU) Green Archers bilang basketball powerhouse sa UAAP dahil sa angking talento ng mga manlalaro nito na nangingibabaw hanggang sa propesyonal na liga. Kabilang sina Joseph Evans “JVee” Casio at Jeron Teng sa mga natatanging Green Archer alumni sa PBA ngayon. Ilan lamang sila sa mga atletang nararapat na bigyang-pugay para sa kanilang dedikasyon sa larangan ng Philippine basketball.

Magkaibang pangalan, parehong takbo ng buhay

Matibay na pundasyon ang itinayo ni Casio para sa kaniyang karera sa mundo ng pangkolehiyong torneo nang tinagurian siyang Rookie of the Year noong Season 66 ng UAAP. Isang kasaysayan ang naitala niya mula rito na nagbigay-daan upang makilala siya sa larangan ng basketball. Kamangha-mangha naman ang ipinamalas niyang kahusayan noong Season 70 ng UAAP nang mapabilang siya sa Mythical Five ng torneo. Itinanghal din si Casio bilang Finals co-Most Valuable Player (MVP) sa taong ito nang magkampeon ang DLSU matapos ang limang taong pangungulila sa titulo.

Hindi naman nagpapahuli ang ipinamalas na husay ni Teng noong Season 75 ng UAAP. Hinirang siya bilang Rookie of the Year sa taong ito nang tuldukan ng koponan ang tagtuyot na naranasan nila sa pagkamit ng kampeonato.

Pursigidong Green Archer naman ang natunghayan noong Season 79 ng UAAP nang pamunuan ni Teng ang DLSU sa kaniyang huling taon ng paglalaro. Buhat nito, pinalad na mapasama ang atleta sa Mythical Five ng naturang season at itinanghal pa na Finals MVP nang masungkit nila ang panalo kontra Far Eastern University Tamaraws.

Pananaig ng dugong berde

Bago pa man magsimula ang karera ni Casio sa PBA, naging manlalaro na siya ng SMART Gilas Pilipinas National Team at napabilang din sa iba’t ibang international tournament tulad ng 2010 Asian Games Basketball Tournament at FIBA Asia Stankovic Cup 2010. Bunsod ng ipinakitang liksi at husay sa paglalaro, nasungkit niya ang first overall PBA draft pick para sa koponang Powerade Tigers noong 2011. 

Tila hindi rin makapaniwala si Casio nang makamit niya ang first overall draft pick. “All my life, I never expected that I could get drafted in the top ten, number one pa,” pagbabahagi ni Casio sa GMA News Online noong 2011. Mapait man ang sinapit ng binansagang “Numero Uno” sa kaniyang mga unang laro sa PBA dahil sa kaniyang knee injury, hinirang pa rin siya bilang Sportsman of the Year. 

Isa pang alas ng Alaska ang power forward na si Teng na nakasungkit ng fifth overall PBA draft pick noong 2017. Bago pumasok sa PBA, nakipagsapalaran muna si Teng sa PBA Developmental League at napabilang sa mga koponang AMA at Flying V. Naging suki rin siya ng mga international tournament bilang kinatawan ng Chooks-To-Go Pilipinas sa FIBA Asia Champions Cup at FIBA 3×3 World Cup 2017.

Pumasok man sila sa liga sa magkaibang panahon, tila pinagbuklod naman sila ng pagkakataong mapabilang sa isang koponang namamayagpag ngayon. Maituturing mang beterano ang dalawang manlalaro sa kasalukuyan, hindi maitatago na bitbit pa rin nila sa kanilang mga karera ngayon ang mga aral at karanasang nakuha nila sa kanilang pananatili sa Pamantasan noon.