MULING NAMAYANI ang Pamantasang De La Salle (DLSU) sa ika-1001+ puwesto sa Times Higher Education (THE) World University Rankings 2021. Kabilang din ito sa ika-601+ posisyon sa Impact Rankings 2020, at kasali naman sa ika-301 hanggang 350 posisyon sa Asia University Rankings 2020. Kabilang ang mga ito sa mga salik na nakaaapekto sa pagkakakilanlan ng Pamantasan bilang isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng kalidad na edukasyon sa bansa.
Pagtalakay sa iba’t ibang salik
Kaakibat ng pagiging natatanging pribadong institusyon ng DLSU sa THE World University Rankings sa loob ng tatlong taon ang patuloy nitong pagharap sa mga salik na nakaaapekto sa pagpapanatili ng kasalukuyang posisyon.
Mayroong 13 batayan ang THE na kanilang ginagamit sa ebalwasyon at nahahati ito sa limang pangkalahatang aspekto. Matatandaang nakapagtala ang Pamantasan ng mga sumusunod na iskor ngayong taon alinsunod sa mga aspektong panukat na ginagamit ng THE. Kabilang dito ang research (12.7), citations (22.4), industry income (33.4), international outlook (26.9), at teaching (18.2). Dahil dito, nanatili ang Pamantasan sa 1001+ bracket.
Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sina Dr. Gerardo Largoza, Strategic Management and Quality Assurance Office Executive Director, at Dr. Raymond Tan, Vice Chancellor for Research and Innovation, ukol sa proseso ng pagtatala ng THE sa taunang rankings na inilalabas nito.
Ibinahagi ni Largoza na nagsusumite ng datos ang Pamantasan sa data portal ng THE kada taon upang mapabilang sa THE World University Rankings. Kabilang sa mga datos na ito ang bilang ng mga estudyante, miyembro ng faculty, mga nakapagtapos ng Ph.D, at kabuuang institutional income. Ngunit, isang bahagi lamang ito ng datos na ginagamit sa rankings na nagsisilbing batayan ng pagkakaranggo ng iba’t ibang unibersidad sa buong mundo.
“Magkasing-halaga, kung ‘di man mas mahalaga, ang third-party data na ginagamit ng THE,” wika ni Largoza. Kabilang sa mga tinukoy niyang third-party data ang publication counts at field-weighted citations ng Elsevier at Scopus, mga database na naglalaman ng mga abstract at peer-reviewed literature mula sa mga pananaliksik. Bukod pa rito, pinangangasiwaan din ng THE ang pangongolekta ng datos mula sa academic at employer reputation nito.
Ipinaliwanag din ni Largoza na tanging ang mga institusyon lamang na mayroong nailathalang 2000 Scopus publication sa loob ng limang magkakasunod na taon at nakapaglilimbag ng 150 pananaliksik kada taon ang napapabilang sa listahan ng THE. “Isa itong patunay na ang DLSU ay isang “research-intensive university,” pagmamalaki niya.
Kinikilala ng THE World University Rankings ang Pamantasan sa research citations at sa malawakang pananaliksik nito. Upang mapagpatuloy pa ito, pinahahalagahan ni Tan ang succession planning o patuloy na pagkakaroon ng mga mananaliksik upang maisakatuparan ang paglilimbag ng Pamantasan.
Noong 2015 lamang nagsimula ang Pamantasan sa pagbibigay nito ng suporta sa mga mananaliksik na nais makilahok sa mga research conference. “Gumawa kami ng mechanism na mag-a-apply sa chancellor for conference report ng mga estudyante. . . Na-realize natin na kapag lagyan ng ganoong klaseng support, merong benefits. So nakikita natin ngayon ‘yung resulta,” pagpapaliwanag ni Tan sa panayam nito sa APP.
Kasalukuyang pinaiigting ng University Research Coordination Office ang kalidad ng mga pananaliksik sa Pamantasan sa pamamagitan ng pag-oorganisa ng mga webinar upang maging produktibo ang mga mananaliksik sa work-from-home setting. Dagdag pa rito, patuloy rin ang suporta na kanilang ibinibigay sa mga mananaliksik.
Pagtamo ng mga karangalan
Kamakailan lamang, ginawaran ng THE World University Rankings ang galing ng Pamantasan sa anim na disiplina: Business and Economics, Computer Science, Engineering and Technology, Physical Sciences, at Social Sciences.
Ayon kay Tan, pinag-aaralan nila ang mga pagkukulang ng Pamantasan upang maiangat ang ranggo nito sa talaan at makilala pa sa ibang disiplina. Ibinahagi rin niyang hangad ni Dr. Rhoderick Nuncio, Dekano ng Kolehiyo ng Malalayang Sining, na mabigyang-tuon din ng Pamantasan ang iba pang mga disiplina tulad ng Arts and Humanities at Psychology.
Nakuha naman ng Pamantasan ngayong taon ang ranggong 101-200 sa pagpapatupad ng Sustainable Development Goals (SDGs) na Clean Water and Sanitation at Life Below Water. Bunsod ito ng mga proyekto ng Brother Alfred Shields FSC Ocean Research Center na pinangungunahan ni Dr. Wilfredo Licuanan.
Naniniwala si Largoza na bagama’t hindi kabilang ang ilang disiplina sa Subject Rankings, kinakailangan pa ring paigtingin ang pananaliksik at pakikilahok sa mga makabuluhang proyekto na higit na nakatutulong sa lipunan. “Bonus na lang kung makatulong ito sa mga rankings,” dagdag pa niya.
Pagkakakilanlan sa loob at labas ng bansa
Malaking kontribusyon ang pagbilang ng Pamantasan sa rankings, ayon kay Largoza. “Makatutulong ito sa pag-akit ng mga estudyante,” paliwanag niyang tatatak sa parehong lokal at internasyonal na mga institusyon ang identidad ng Pamantasan bilang research-intensive university.
Siniguro rin ni Largoza na sumasalamin sa kalidad na edukasyon ang ranggo ng isang pamantasan sa world rankings. Kaugnay nito, tiniyak niyang makatutulong ang kasalukuyang posisyon ng Pamantasan sa rankings sa pagbuo ng internasyonal at institusyonal na mga kolaborasyon.
Isinalaysay naman ni Tan ang maaaring maging epekto ng pandemya sa world rankings sa susunod na taon, tulad ng pagbaba ng bilang ng research outputs ng Pamantasan. Gayunpaman, inihayag niyang suliranin din ito ng lahat ng pamantasan ngayong may pandemyang kinahaharap ang buong mundo. “Sabay-sabay din naman bababa, so posible na yung actual ranking hindi bumaba,” pagtataya niya.
Sa kabila nito, positibo pa rin si Tan sa magiging katayuan ng Pamantasan sa rankings bunsod ng mga pagpupulong nito ukol sa pananaliksik na gagawin online. Ipinabatid niyang patuloy ang pagbibigay-suporta ng Pamantasan sa mga mananaliksik nito sa kabila ng kinahaharap na krisis.
Kasabay ng mga kasalukuyang dagok na kinahaharap ng mga institusyon dahil sa pandemya, ipinaalala ni Tan na mahalagang tingnan ang tagumpay na ito bilang produkto ng pagsisikap ng buong pamayanang Lasalyano. Gayunpaman, umaasa siyang mapabilang na rin sa rankings ang ibang mga kurso upang maipakita ang kadalubhasaan ng Pamantasan sa iba pang mga larangan.