Ginintuang taon ng imprastraktura? Mga hamong kinaharap at pangakong hindi natupad ng BBB


Kuha ni Monica Hernaez

Nasadlak sa pagkaantala ang mga imprastraktura ng proyektong Build Build Build (BBB) ng administrasyong Duterte ngayong taon bunga ng kasalukuyang State of Public Health Emergency at State of Calamity dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Matatandaang ipinataw nitong Marso 2020 ang mga patakarang community quarantine at social distancing upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan. Dahil sa mga nabanggit, bumagal ang naging paghahanda at pag-aangkat ng mga materyales para sa nasabing proyekto. Nagkaroon din ng karagdagang gastusin sa mga proyekto bunga ng pagsunod sa mga rekisito ng mga nasabing patakaran.

Malaki ang gampanin ng BBB sa layunin ng Philippine Development Plan (PDP) na palaguin ang ekonomiya ng bansa sa taong 2017 hanggang 2022. Inaasahang magiging susi ito sa pag-ahon ng pambansang ekonomiya dahil sa kakayahan nitong magkapagbigay-trabaho at ilan pang multiplier effects. 

Pamumuhunan sa imprastraktura

Sa panayam ni Francis Bryan Coballes, Assistant Director ng Infrastructure Staff-OIC ng National Economic and Development Authority (NEDA), sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi niya ang ilan sa mga isinaalang-alang ng pamahalaan sa pagpili ng Infrastructure Flagship Projects (IFP) nito. Aniya, nangangailangang alinsunod ang IFP sa layunin ng PDP at dapat matapos ito bago magwakas ang termino ni Pangulong Duterte.  

Matatandaang tiniyak ni Benjamin Diokno, dating Budget and Management Secretary noong 2016, na maitatayo ang 74 sa 75 IFP ng BBB bago ang taong 2022. Noong Nobyembre 2019, inaprubahan ng NEDA Board ang pagdagdag ng 25 pang IFP sa BBB. Nito namang Hulyo 2020, apat na IFP ang muling idinagdag sa BBB at tinatayang mangangailangan ang mga ito ng Php4.1 trilyong badyet.

Sa isang Malacañang press conference, ipinahayag ni Vicencio Dizon, President at Chief Executive Officer ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na tanging 38 lamang sa kabuuang IFP ang matagumpay na maitatayo bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte. “In the list of 100 [infrastructure projects], this is our estimation, give or take, this is what we believed we can achieve: 38 out of the 100, roughly 40 percent,” pahayag niya. 

Ilan sa mga nakumpletong IFP ang North Luzon Expressway Harbor Link Segment 10, Davao del Norte’s Governor Miranda Bridge, Laguna Lake Highway, Isabela’s Pigalo Bridge, Cagayan de Oro Passenger Terminal, at New Clark City Phase 1A.

Ipinangakong kabuhayan

Batay sa pag-aaral ng Asian Development Bank, tumataas ang pangkabuuang output ng isang bansa mula 0.20% patungong 0.40% sa bawat isang porsyentong pagtaas ng stock sa imprastraktura. Inaasahan namang aabot sa 5.4% ang GDP ng bansa buhat ng mga imprastrakturang maipatatayo ng BBB sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Sa pagtatantiya ng NEDA, mahigit 140,000 hanggang 162,000 trabaho ang malilikha ng BBB sa bawat Php100 bilyong proyekto sa ilalim nito.  Ayon kay Coballes, makapagbibigay ng maraming trabaho ang BBB sa sambayanan sapagkat nangangailangan ang proyekto ng milyong manggagawang dalubhasa sa preparasyon, konstruksyon, konsultasyon, at iba pang serbisyong kinakailangan sa pagsasagawa ng proyekto.

Inilatag din ni Coballes sa APP ang inaprubahang talahanayan ng gastusin ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) para sa BBB sa taong 2020 hanggang 2022. Ipinagpalagay ng DBCC na aabot sa Php2.92 trilyon ang kinakailangang puhunan para sa BBB sa nasabing taon. Inaasahan namang makapagbibigay ang proyekto ng 1.1 milyong trabaho sa taong 2020, 1.7 milyong trabaho sa 2021, at 1.5 milyong trabaho sa 2022. 

Pagtimbang sa mga pangangailangan

Sa kaniyang panayam sa APP, ibinahagi ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, na hindi lamang ang mga proyekto sa ilalim ng BBB ang susi para umunlad ang pambansang ekonomiya. 

Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA), nakapagtala lamang ang sektor ng agrikultura ng  0.56% na paglago nitong 2018, kumpara sa 4% noong 2017. Ganito rin ang kaso ng sektor ng industriya, na may 4.9% na paglago nitong 2018, mula sa 8.4% noong 2017. Para kay Africa, pahiwatig ito ng mabagal na pag-unlad ng ekonomiya, na nakaugat sa kawalan ng malusog na pagpapaunlad sa mga naturang sektor. 

Binigyang-diin din niya na upang maging kapaki-pakinabang ang imprastraktura sa pagpapaunlad ng ekonomiya, kinakailangang paigtingin ang suporta para sa sektor ng agrikultura at industriya. “May mga iilang sobrang halaga na kailangang gawin para palakasin ang lokal na ekonomiya. Sa agrikultura at sa industriya, kailangan bigyan ng suporta ng gobyerno. At ‘yung suporta na ‘yan, maaaring nasa sa simpleng itsura na murang pautang, maaaring nasa komplikadong itsura na suporta sa pagpapaunlad ng kanilang agham at teknolohiya,” paliwanag ni Africa sa APP. 

Sa usaping pagsasalba ng ekonomiya, nakikita ni Africa na pangunahin dito ang mga pamilya at manggagawang higit na naapektuhan ng pandemya. Sa tala ng IBON, 14 na milyong Pilipino ang unemployed at underemployed sa panahon ng pandemya. Aniya, makatutulong ang pagbibigay ng ayuda dahil bukod sa pamilyang matutulungan nito, ang paggasta ng mga pamilya ang magtutulak upang matulungan ang mga nasa impormal na sektor, pati ang micro, small, and medium enterprises, at ang lokal na ekonomiya. 

“So labas sa welfare impact sa mga pamilya, may aggregate demand stimulus impact talaga siya sa ekonomiya. Magbibigay ‘yon ng tulak sa mas mabilis na recovery, lalo na kung bigyan ng suporta ang mga magsasaka at bigyan ng suporta ang industriya natin. Kumbaga, ang kritikal diyan dapat mag-start ng virtuous circle ng aggregate supply, aggregate demand na magagawa lamang ng gobyerno,” pagpapaliwanag ni Africa.