Taksil ang oras at panahon. Habang patuloy itong lumilipas, hindi mo namamalayang ninanakaw na pala nito ang bawat sandaling natitira sa iyong buhay. Gaano mo man naising balikan ang bawat nagdaan, tanging alaala lamang ang paraan upang muling madama ang minsan nang nakalimutan. Magsisimula ka bilang isang musmos at ituturing mong tila isang malaking palaruan ang mundong tanging pagkilos mo lamang ang limitasyon. Magpapatuloy ka bilang isang binata o dalaga at sa sandaling ito, inaasahan ng lipunang mas mulat at responsable ka na upang malaman kung ano ang tama at mali.
Hanggang sa maabot mo ang sapat na gulang upang makapagtrabaho, bumuo ng pamilya, o ‘di naman kaya, magpatuloy sa larangan na iyong sinimulan. Sa mga panahong nakalipas, maiipon ang mga alaala at karanasang nagbigay sa iyo ng pagkakataon upang matuto at lumago, madapa at bumangon. Ihahanda ka rin nito upang harapin ang hindi matatakasang katandaang may kaakibat na katapusang katumbas ng kamatayan. Sa kinahaharap na krisis pangkalusugan ng buong mundo sa kasalukuyan, silipin ang buhay ng mga senior citizen sa gitna ng pandemyang nagpabigat sa takot na kanilang dinadala bunsod ng katandaan.
Pinagtagpong tamis ng nakaraan at pait ng kasalukuyan
Sa edad na 82 taong gulang, kasalukuyan pa ring empleyado sa isang kumpanya si Leah Mendoza. Sa kaniyang panayam sa Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi niya ang kaniyang buhay bago ito baliktarin ng pandemya, “I work on the board of directors of Butuan City Water District. . . In this pandemic, I miss going to meetings because we’re not allowed to go out.” Sa pagtindi ng epekto ng pandemya, hindi rin naiwasan ni Lola Leah ang mangamba para sa kaniyang sariling kalusugan. Bagamat may iniindang elevated high blood pressure, ipinagmamalaki niyang nasa mabuti siyang kalagayan.
Sa kabilang dako, inilahad naman ni Claudia Castro, 73 taong gulang, na nasa malayong lugar ang kaniyang pamilya kaya naman hindi niya maiwasang makaramdam ng takot sa pagharap sa pandemya. Pagbabahagi niya sa APP, “Natatakot ako [kasi] matanda na ako eh. . . Diabetic ako almost 2 years na at sumasailalim ako sa maintenance. . . Natatakot ako mag-isa at iwan ng aking mga anak.” Sa kabutihang palad, nagagawa pa rin niyang alagaan ang kaniyang sarili sa kabila ng katandaan. Ikinalulungkot lamang niyang hindi na siya mabisita ng kaniyang mga apo tulad ng dati.
Pag-asang tangan ng mga kulubot na kamay
Bagamat unti-unting napaglilipasan ng panahon, kahanga-hanga ang katatagan ng mga senior citizen sa kabila ng mga hamong ibinabato sa kanila. Tulad ng karamihan, naging daan ang pandemya upang sumubok sila ng iba’t ibang libangan. Nabaling ang atensyon ni Lola Leah sa pag-eehersisyo at pagbabasa ng libro habang pagtatanim naman ang nakahiligan ni Lola Claudia.
Bukod pa rito, naging sandigan din nila sa pagharap sa pandemya ang pagkapit at pagdarasal sa Maykapal, kaya labis na ikinalungkot ni Lola Claudia na hindi siya makalabas para makapagsimba. Gayunpaman, naniniwala siyang malaki ang posibilidad na bumalik muli sa normal ang lahat. Pagpapaalala niya, “Basta ‘wag natin kalimutan si Lord at magdasal tayo lagi.”
Labis naman ang pasasalamat ni Lola Leah sa Diyos dahil sa mahabang buhay na ipinagkaloob sa kaniya. “I try to be optimistic all the time. I avoid thoughts that are unhealthy. . . Even if sometimes I feel scared because of this pandemic, I still believe and keep faith that I will be taken care of by my God,” pagtatapos niya. Sa unti-unting paghirap ng paglalakbay, iisa lamang ang nais niyang iwan sa kaniyang pamilya: “One lesson I would like to leave with them is faith in the Lord. That we should always cling to him because he never fails.”
Naniniwala rin si Lola Leah na nagawa niya na halos lahat ng kaniyang ninais na gawin. Kung bibigyan man umano siya ng pagkakataong mabuhay pa nang mas matagal, nais niyang manatili siyang malusog at malakas. Maihahalintulad din dito ang bagay na nais pang makamtan ni Lola Claudia para sa nalalabi niyang panahon. Aniya, “Ang tanging pangarap ko lang ngayon ay guminhawa ang buhay ng aking mga anak.”
Biyaya ng hiram na buhay
Sa kabila ng takot na lalong pinalala ng pandemya, hindi naging hadlang ang katandaan sa pag-asang may naghihintay pa ring magandang bukas para sa kanila. Ika nga ni Lola Leah, “Not many people has this fortune.” Tila isang malaking biyaya ang mahabang buhay, maiwan man ng mga taong minsan nilang nakasama. Ika nga, hiram lang ang buhay rito sa lupa kaya dapat na ipagpasalamat ang bawat araw bago ito tuluyang mabawi.
Sa nalalapit na paghalik ng kamatayan, wala pa ring kasiguraduhan kung kailan mararating ang katapusan. Patuloy lamang ang pagbalot ng misteryo at mga katanungan. Bagamat natatanaw na ng isang taong nasa dapithapon ang kaniyang hantungan, hindi maikakaila ang pagnanais na humaba pa ang tinatahak na daan. Patuloy ang pag-asam nito matupad lamang ang mga natitirang pangarap na hindi man para sa sarili, bagkus, para sa pamilyang maiiwanan na alaala na lamang ang maaaring panghawakan.