MASIDHING IBINULSA ng Barangay Ginebra San Miguel ang panalo kontra sa gutom na TNT Tropang Giga, 92-90, sa kanilang ikalawang paghaharap sa finals ng 2020 Philippine Basketball Association (PBA) Philippine Cup, Disyembre 2, sa Angeles University Foundation Sports Arena and Cultural Center sa Pampanga.
Umaapaw na lakas at angas ang ipinamalas ng Ginebra para sa nalalapit na pagkamit ng titulo nang pangunahan ni Aljon Mariano ang kaniyang koponan matapos itarak ang 20 puntos at siyam na rebound, at 6-of-9 field goal shooting. Umarangkada rin ang tambalang Stanley Pringle at Jared Dillinger para sabayan ang umiinit na laro ni Mariano matapos makapagtala ng pinagsamang 42 puntos, anim na rebound, at walong assist.
Dugo’t pawis din ang inialay ng Tropang Giga matapos bumulusok ang kanilang alas na si Roger Pogoy bilang sagot sa umaatikabong puwersa ni Mariano. Sumibat ang scoring machine ng Tropang Giga ng 38 puntos, dalawang assist, at apat na rebound upang padikitin ang kanilang talaan kontra sa kabilang panig. Inalalayan din nina Jayson “The Blur” Castro at Simon Enciso ang laro ni Pogoy matapos nilang kumana ng pinagsamang 18 puntos.
Bumungad ang mainit na serye ng tunggalian nang hablutin ng ka-Barangay na si Japeth Aguilar ang possession ng bola sa unang bahagi. Agad na pinalasap ng Ginebra ang kanilang bangis matapos magpakawala nina GinKings Pringle at Arvin Tolentino ng mga tirada, 5-0, mula sa loob at labas ng perimeter. Sa kabila nito, ginantihan ng tambalang Pogoy at Troy Rosario ang kabilang kampo, 7-all, nang itinabla nila ang talaan sa huling walong minuto ng bakbakan.
Tuluyang nakulong sa kalbaryo ang magkabilang panig nang muling magmintis ang kani-kanilang mga tirada sa huling apat na minuto ng panimulang sagupaan. Matapos ang isang minutong katahimikan, nakakuha ng pagkakataon si TNT man Paul Erram upang ipukol ang kaniyang freethrow, 14-15. Nagpatuloy naman ang Mariano-Pringle tandem matapos itong magpakawala ng 7-2 run, 21-17, na tumuldok sa naturang yugto ng kontrapelo.
Kagila-gilalas na binuksan ng ka-Tropang si Pogoy ang ikalawang bahagi ng duwelo, 21-19, mula sa kaniyang nakamamanghang step back jump shot. Nagsilbing motibasyon ito para sa beteranong basketbolista na sunggaban muli ang depensa ng kalaban, 22-all, mula sa three-point jumper. Gayunpaman, sinira nina Prince Caperal at Aguilar ang naipundar na bentahe ng Tropang Giga, 26-24, mula sa kanilang sunod-sunod na dos.
Matalim namang nagpatuloy ang pagratsada ng Tropang Giga mula sa kanilang mga atake sa labas ng perimeter, 30-35. Sa kabila ng magkakasunod na pag-basket ng kanilang kampo, muling sinindak ng mga scoring machine na sina Pogoy at Castro ang mga katunggali, 32-38, mula sa layup at three-pointer.
Sinubukang baliin ni Joe Devance ang scoring drought ng kaniyang koponan ngunit bumwelta ang nagbabagang laro ni Pogoy, 32-40, mula sa kaniyang tira sa loob ng arko. Gayunpaman, sunod-sunod na nagkamit ng personal fouls at turnovers ang Tropang Giga nang mabigong pumasok ang kanilang mga alanganing tirada. Nagsilbing pampagising ito para sa kabilang panig matapos lasingin nina Pringle at Devance ang depensa ng kalaban, 36-40, sa pagwawakas ng first half.
Bigong mapundi ang mga umaalab na diwa nina ka-Tropang Pogoy at ka-Barangay na Pringle nang magpatuloy ang kanilang sagutan sa pagbubukas ng ikatlong yugto, 39-47. Sinabayan naman ni TNT man Rosario ang matinding opensa ng katunggali matapos niyang wasakin ang naghihingalong depensa ng Ginebra, 39-51. Nakapagtala ang offensive main man ng magkakasunod na dos, dahilan upang maipundar ng koponan ang kanilang 8-0 run.
Tuluyang nahulog sa kumunoy ang depensa ng Ginebra matapos magkamit ang mga ito ng back-to-back errors. Bunsod nito, patuloy na sinalanta ng Tropang Giga ang alanganing depensa ng Ginebra nang humarurot ng mahahalagang tres ang kanilang pangkat, 41-56. Nagpatuloy muli ang kalbaryo ng Ginebra mula sa bad passes at turnovers ni Mariano sa huling anim na minuto ng ball game.
Sa kabila ng magkakasunod na errors ng Ginebra, matagumpay na bumangon si Mariano mula sa kaniyang mababang tala nang magpasabog siya ng freethrow at layup, 44-56. Malakuryenteng sinundan ni ka-Barangay na Pringle ang momentum ng kaniyang koponan matapos niyang humataw mula sa loob ng arko, 53-61. Sinubukan namang bumawi ni Castro ngunit agad siyang tinuklaw ng opensiba ni Mariano, 58-63.
Patuloy na iwinasiwas ni Mariano ang kampanya ng oposisyon ngunit agad siyang pinatahimik ng mabangis na three-pointer ni TNT main man Enciso, 58-66. Sa kabila nito, nagpasiklaban naman ang magkaribal na Dillinger at Pogoy nang kapwa silang magkamit ng malulupit na tirada, 66-68. Sinubukang tuldukan ni Mariano ang pangatlong salpukan ngunit agad na humugot ng layup si TNT man Erram, 68-70, sa huling isang segundo ng yugto.
Nagising mula sa bangungot ang opensa ng Tropang Giga nang mag-alburuto ang tambalang Castro at Pogoy sa ikaapat na yugto, 72-78. Muling nagtagumpay sa pagpupumiglas si Mariano nang umiskor siya mula sa kaniyang freethrows, 74-79, bilang pagtatangkang itabla ang salpukan. Tuluyang natahimik ang opensa ng dalawang magkatunggali na umabot nang dalawa at kalahating minuto.
Nabigyan naman ng pagkakataon si Pringle na putulin ang walang imik na opensa ng kaniyang koponan nang pumasok ang kaniyang dalawang freethrow, 77-79, sa huling anim na minuto ng tunggalian. Matapos ang isang minutong kalbaryo, tuluyang hinambalos ng agresibong Pogoy-Castro duo ang depensa ng kalaban, 77-84.
Winakasan ng tambalang Mariano-Pringle ang momentum ng Tropang Giga matapos nilang itabla ang tapatan, 84-all, mula sa mga clutch three-pointer at freethrow shots. Nagbigay-daan ang naturang talaan para tuluyang paslangin ng koponan ang kalamangan ng katunggali mula sa freethrows ni LA Tenorio, 92-87. Kumana man ng umaatikabong tres si Enciso para sa TNT, hindi ito naging sapat para mahabol ang pinakainaasam na panalo ng koponan, 92-90.
Ibinahagi ng player of the game na si Mariano na matiyagang tinrabaho ng kanilang pangkat ang naselyuhang panalo. Iginiit din niyang nahirapan sila sa paghahabol kontra sa agresibong laro ng Tropang Giga. “. . . So sa half time talaga sinabi namin na we need to focus and we need to stop them [Tropang Giga] and nag-respond naman ‘yung team namin,” ani Mariano sa kaniyang panayam matapos ang laban.
Bagamat napasakamay ang pangalawang panalo sa finals, dismayado pa rin si Barangay Ginebra Coach Timothy Cone dahil malaki ang nakuhang kalamangan ng katunggali sa unang bahagi ng kontrapelo. Iginiit din niyang kailangan pa ng kanilang koponan na paigtingin ang kanilang opensa. “We have struggled all game long. . . Tropang Giga dominated us in three quarters of the game. . . LA was struggling, Scottie was struggling, but I’m glad that Aljon stepped up his game,” pagtatapos ng head coach sa kaniyang post-game interview.
Susubukan muli ng Barangay Ginebra na angkinin ang Game 3 ng finals kontra Tropang Giga sa darating na Biyernes, Disyembre 4, upang mapalapit sa inaasam na kampeonato.