Kahalagahan ng kabataan, pinaigting sa Beyond BLAZE: Leaders of our Generation


BINIGYANG-DIIN ang kahalagahan ng kabataan sa ikalawang bahagi ng malayang talakayan ng Beyond BLAZE: Leaders of our Generation na may temang Leadership in Politics: Transforming Engagement of Youth in Politics. Inorganisa ito ng BLAZE2022 upang hikayatin ang kabataan na makialam at makisangkot sa mga usaping pambayan.

Pakikibahagi sa panahon ng pandemya

Sa paunang salita ni Leni Robredo, pangalawang pangulo ng Pilipinas, inilahad niya sa webinar ang kontribusyon ng kabataan sa panahon ng pandemya, pati na rin ang epekto ng mga kontribusyong ito sa lipunan. “Hindi kayo bata lang. Pilipino kayo na natatakbuhan at naaasahan. . . na namumuno at naglilingkod, na kayang iangat ang kapwa at pumanday ng tunay na better normal,” paliwanag niya.

Naniniwala si Robredo na marami pang kahaharaping hamon ang kabataan ngayon. Sa kabila nito, ipinaalala niyang palaging mas malaki ang pagkakataon na makilahok, makatulong, at makagawa ng kabutihan. Dagdag pa niya, dapat timbangin at unahin ang mga suliraning nangangailangang matugunan agad. 

Hinikayat naman niya ang kabataan na ipagpatuloy lamang ang pakikisangkot at palawakin ang sakop ng malasakit sa kapwa. Payo ni Robredo, “Tulungan ang kayang tulungan. Punan ang kayang punan. Magpunta [sa pinakanangangailangan] at doon, ibahagi ang husay at lakas. Marami pa ang inaasahan sa atin ngayon.”

Paalala sa kabataan

Binalikan naman ni Attorney Erin Tañada, dating deputy speaker ng Luzon, ang tungkulin ng kabataan sa mga mahahalagang kaganapan sa kasaysayan bilang naabutan niya ang pag-usbong ng kilusang pinangungunahan ng mga estudyante. “The education that I received in the parliament of the streets, . . . my immersion with the. . . society, and my continuing question on why hasn’t our country developed as fast as we wanted continues up to today,” pagbabahagi niya ukol sa dahilan ng interes niya sa politika. 

Tinalakay rin ni Tañada ang naganap na mock elections para sa senado noong taong 2019 na inorganisa ng ilang pamantasan gaya ng Pamantasang De La Salle, Ateneo de Manila University, at University of the Philippines – Diliman. Batay sa mga naging resulta nito, naniniwala siyang pinili ng mga estudyante ang mga kandidatong may malinaw na plataporma sa pagtugon sa mga suliraning panlipunan.

Sa kabilang banda, idiniin naman niyang walang saysay ang mock elections dahil nasa tunay na eleksyon ang laban. Bunsod nito, hinimok niya ang kabataan na magparehistro at bumoto sa eleksyon.

Panawagang makiisa

Binanggit din ni Tañada na hindi hadlang ang edad para makisangkot sa politika, at mahalagang makialam ang kabataan dahil sila ang susunod na lider ng makabagong henerasyon. “They have to address and question why things are not moving at the proper direction,” pagdidiin niya, “this is. . . why the youth are involved in certain eras in our history, because they know that they are the purest form of idealism that can convince people to move.”

Bukod pa rito, binigyang-pansin din niya ang inisyatiba ng kabataan na tumulong sa mga nasalanta ng bagyo at naapektuhan ng pandemya. “May puso, kung sasabihin natin. . . Ngayon, paano natin [mapapakilos] iyong puso na iyan sa ibang [paraan]?” wika niya. 

Ipinaliwanag ni Tañada na kinakailangan munang alalahanin at linawin ang dahilan sa pakikiisa bago ipagpatuloy ang pakikilahok sa politika. Pagtatapos niya, “Sana kapag tayo ay mabibigyan ng pagkakataon na maglingkod. . . huwag tayo makain ng sistema.”