Animo Christmas 2020: Pag-asa, panalangin, at pagkilos tungo sa paghilom


Isa . . . dalawa . . . tatlo! Unti-unting gumapang ang mga ilaw na nakapulupot sa bawat gusali. Dumaloy ito hanggang sa mga punong nagniningning sa mga palamuti. Musika ang tunog ng mga kampanilyang sinasabayan ang mga awiting nakatataas-balahibo. Malamig man ang simoy ng hanging dala ng amihan, damang-dama pa rin ang init ng mga pusong nagkakaisa sa hangarin. 

Sumapit na ang unang gabi ng kauna-unahang paskong pisikal na magkakalayo ang mga Lasalyano. Subalit, hindi napigilan ng pandemyang ito ang selebrasyon ng pag-asa at panalangin para sa tuluyang paghilom. 

Lakas na taglay ng salitang ‘Animo’

Sinalubong ng pamayanang Lasalyano ang unang araw ng Disyembre ngayong taon sa pagbubukas sa programang pinamagatang “ANIMO CHRISTMAS 2020: A Celebration of Hope and Healing.” Sinimulan ito sa isang makabuluhang misa na pinangunahan ni Rev. Fr. Luiz Lorenzo, LC na nagbahagi ng kaniyang mga paunang sentimyento para sa kauna-unahang online Christmas celebration ng Pamantasang De La Salle (DLSU). 

Binigyang-diin niya rito ang kahalagahan ng Pasko kasabay ang paggunita sa mga kahulugan ng salitang “Animo.” Maliban sa pagiging bahagi ng pamagat ng programa, isa rin ito sa mga katagang nakagawian nang isigaw ng mga Lasalyano. Aniya, nangangahulugan itong “cheer up” o “take heart” sa salitang Espanyol. Sa gayon, layunin ng pamagat na “ANIMO CHRISTMAS” na ipaalam sa mga Lasalyano ang tunay na ipinagdiriwang tuwing Pasko—hindi ang mga materyal na bagay, kundi ang presensya ng Diyos. 

Sa kabilang banda, sa salitang Italyano, nangangahulugan namang “Spirit” ang “Animo” na nagpapaalala sa ating manalig kay Hesus na Siyang diwa ng Pasko at Siya ring may kapangyarihang makapagbigay-buhay. Ipinababatid nitong kinakailangan nating sabayan ng pananampalataya ang paghihintay para sa inaasahan nating bakuna, gayundin sa inaasam na hustisya. 

Sa dulo ng misa, ipinagdasal ang buong pamayanang Lasalyano at mga biktima ng pandemya, trahedya, at karanasan—na nawa’y mabawasan ang kanilang mga dalahin sa pamamagitan ng pakikiramay at pakikipagtulungan ng isa’t isa. Gayunpaman, huling paalala ng misa, “Rest when we are overburdened.”

Magkakasama sa diwa

Bago magsimula ang ikalawang yugto ng programa, nagpahatid ng mensahe si Br. Raymundo B. Suplido, FSC, presidente ng DLSU. Inalaala niya ang mga paghihirap na naranasan ng mga Pilipino sa mga nagdaang trahedya ngayong taon: mula sa pagsabog ng Bulkang Taal hanggang sa magkakasunod na bagyong nanalasa sa ating bansa noong nakaraang buwan. Wika ni Br. Suplido, “Darkness still remains after 2020: darkness of disease and infections, loneliness and isolations.” Gayunpaman, umaasa siyang sa pag-ilaw ng mga dekorasyong pamasko, mapaaalalahanan tayong “darkness will not have the final say,” sapagkat ipinadala ng Diyos Ama ang kaniyang anak na nagsisilbing ilaw at tagapagligtas ng sangkatauhan.

Nagpatuloy ang ikalawang yugto ng programa sa pangunguna ng mga host na sina Alvin Gutierrez at Charisse Ang. Ipinakilala nila ang mga miyembro ng pamayanang Lasalyano na nakatakdang magtanghal at magpakitang-gilas, katulad ng External Service Providers (ESP) na nagpalabas ng isang pre-recorded video ng kanilang pag-indak sa himig ng Fight Song ni Rachel Platten at One Day ni Matisyahu sa loob ng Pamantasan. Sinundan ito ng isang contemporary dance ng isang mag-aaral mula sa DLSU Integrated School, at ng pagtugtog ng bandang Bennett Laine. Hindi rin nagpatalo ang ilang miyembro ng Administrative Professional Service Personnel (APSP) na kumanta at tumugtog din.

Nagsilbi namang maikling pahinga sa magkakasunod na pagtatanghal ang pagkakaroon ng palarong ‘Bring Me’ na lalo pang nagpasigla sa programa. Matapos nito, nagsimula na ang pailaw na sinamahan naman ng pagkanta ng DLSU Innersoul at pagtugtog ng Lasallian Youth Orchestra (LYO). Kasabay nito ang pagpapakita sa iba’t ibang kampus ng DLSU na patuloy pa ring binubuhay ang diwa ng Pasko. 

Nagtapos ang unang araw ng ANIMO CHRISTMAS 2020 sa pagpapalabas ng pelikulang “Ang Paglipad ng Anghel” na handog ni Dr. Arnel Clodualdo del Mundo para sa DLSU noong ika-100 anibersaryo nito.

Sa Diyos ang pagtugon, sa tao ang pagkilos

Higit na mas maliwanag ang mga gabi ng Pasko dahil sa nagkikislapang mga pailaw. Hindi man pisikal na magkakasama ngayong taon, nawa’y maging maligaya pa rin ang pagsalubong at pagdaraos natin ng Pasko. Makahanap nawa ng panibagong lakas ang bawat isa para sa susuunging mga bagong hamong hatid ng bagong taon. 

Pasko na naman nga! Tila ba kailan lamang ang nagdaang Pasko sa tagal ng pananatili natin sa ating mga tahanan, kaya naman panahon din ito para sabayan natin ng gawa ang pananampalataya at pag-asa, sapagkat kaakibat ng paghilom ang pagtanggi sa mga dati nang pasakit. Dalangin man natin ang makabalik sa normal, palagi nating isaisip ang patuloy na pag-asam at paglaban para sa pagbabago.