INILUNSAD ng BLAZE2022 ang Beyond BLAZE: Leaders of our Generation na naglalayong mabigyang-linaw ang iba’t ibang aspekto ng pamumuno at malinang ang kakayahan ng mga indibidwal bilang mga makabagong lider. Tinalakay sa unang programa, Nobyembre 27, ang temang Advocacy Leadership: Voyaging to a Leadership with the Heart and Mind na nagsilbing paalala na higit pa sa titulo at posisyon ang pamumuno.
Sinimulan ang webinar sa pagbibigay ng paunang salita ni Thomas Anape, project head, at paghihimok niyang pahalagahan ang pagkakaroon ng adbokasiya habang nagsusumikap para sa tungkulin at pangarap. Aniya, nalalapit na ang pamumuno ng mga makabagong lider.
Nagsimula naman ang talakayan sa pangunguna ni Freedom Cheteni, Chief Executive Officer ng InventXR LLC: Education Foundation, na nagbahagi ng isang pananaliksik ukol sa ontolohikal na modelo ng pagiging lider at pagkakaroon ng mabisang pamumuno. “Look at the science of leadership and. . . distinguish leader[s] and leadership in a way that leaves you with. . . the effective exercise of leadership as one’s natural self-expression,” paliwanag niya.
Bukod pa rito, inilahad niyang bahagi rin ng saliksik ang ilang paraan upang masugpo o mapagaan ang mga pansariling balakid na nararanasan ng mga indibidwal. Sa pamamagitan nito, maitatampok ang likas na kakayahan nilang mamuno. Wika niya, “To provide actionable access to leader and leadership. . . we are concerned with the nature and impact of [the] being when being a leader.”
Nilinaw naman ni Cheteni na hindi batayan ang dami ng napagdaanang pagsubok sa pagiging epektibong lider. “Find a problem that is worth solving. . . Solving a problem that is much much bigger than yourself. . . is leadership,” mungkahi niya. Dagdag pa niya, higit dapat sa sarili ang isinasaalang-alang sa pagdedesisyon upang hindi ito maapektuhan ng pansariling pasya at damdamin.
Ipinaalala niyang magkarugtong ang puso at isipan sa pagtataguyod ng mga adbokasiya sa lahat ng pagkakataon. “Because you are the future, you are always going to have the future in mind,” giit ni Cheteni. Idiniin din niyang higit pa sa talino at katuwiran ang pamumuno dahil mahalaga ring makapukaw ng mga damdamin ng pinaglilingkuran.
Bilang mga makabagong lider ng kasalukuyang henerasyon, naniniwala siyang mahalagang mapanatiling buhay at makabuluhan ang mga isinusulong na adbokasiya tungo sa kinabukasan. “The only way to keep the fire burning is to have the heart and mind connected in everything you do in being a leader and exercising leadership. . . The future will always be alive,” pagtatapos niya.