Iniupo na lamang ang nanlulupaypay na sarili sa isang gilid ng duguang silid; humihinga nang malalim habang iniisip kung saan nagkamali, saan nagkulang, at bakit humantong sa tuwid na linya ang mga linyang umaalpas-alpas sa iskrin.
“Doc, ginawa naman po natin ang lahat,” nanlulumong sambit ng isang nars na tila nangangatog pa ang mga tuhod mula sa pagod at sa panghihina mula sa nasaksihan. Naisin mang magsalita, tila namamanhid na ang katawang sinimot ng operasyon ang natitirang lakas. Dahan-dahan na lamang na ipinikit ang mga mata, kasunod ang pagpatak ng mga luhang sumasaklaw sa pagod, takot, at pighating nadarama.
Sinasabing nakasalalay ang buhay ng mga pasyente sa mga kamay na binabalot ng gomang guwantes, ngunit hindi maiiwasang mahapo ang mga ito sa rami ng kapwang kailangan nilang iligtas. Paano na nga ba kapag namanhid na ang mga kamay na inaasahang magsasalba ng mga buhay?
Serbisyong may malasakit at tapang
Marahil titulo lamang ang tingin ng iba sa mga salitang “nars” at “doktor”, ngunit iba ang lalim at bigat ng mga salitang ito para sa mga nasa unang hanay. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Chi*, isang nars mula sa isang pampublikong ospital sa Batangas, binigyang-kahulugan niya ang pagiging isang nars, “Ilalaan mo ang buong puso at ang iyong sarili sapagkat hindi lang pangkaraniwang bagay ang nakasalalay sa iyo kundi ang buhay ng ibang tao, ang pagbibigay kalinga sa kanila, hindi lang pangkalusugan kundi sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay.”
Mula sa araw ng panunumpa hanggang sa kanilang huling hininga, lagi’t laging mananaig ang serbisyong nais nilang ihatid sa madla. Sa panayam ng APP kay Jay*, isang doktor sa parehong ospital na pinagtatrabahuan ni Chi*, binigyang-diin niyang hindi lamang isang propesyon ang pagiging doktor, bagkus, isang panghabambuhay na bokasyon. Kahit may paghihirap na bitbit, hindi sila nagpapatinag sa pagsulong nila para isakatuparan ang mga tungkulin at responsibilidad na kaakibat ng kanilang propesyon.
Sa kanilang pagpapalit mula sa kasuotang puti tungo sa simpleng pang-itaas at pambaba, nakikita ang kabilang dako ng buhay nina Chi* at Jay* bilang isang magulang, anak, at kapatid. Ngunit minsan, katulad ng mga sugat na tinatahi, tila nabubura ang puwang sa pagitan ng kanilang buhay sa trabaho at buhay sa labas ng ospital—tila sa sinumpaang propesyon na lamang umiikot ang kani-kanilang buhay. Pagpapatuloy ni Jay*, “Madami ang kailangan isakripisyo, minsan kahit oras sa sarili mong pamilya isinasakripisyo mo na rin.”
Sa pagbabahagi ni Chi* sa APP, inilahad niya rin na isa sa mga pinakamahirap na bahagi ng kanilang propesyon ang pagsaksi sa unti-unting pagtakas ng buhay sa mga mata ng kanilang pasyente. Sa kinabibilangan niyang larangan, alam niyang hindi maiiwasan ang pakikipagtagpo kay Kamatayan kaya ganap na katapangan ang ibinabaon niya sa tuwing haharap sa iba’t ibang hamon sa loob ng ospital. Sinasanay na lamang niya ang kaniyang sarili na magkaroon ng lakas ng loob upang makapagbigay-galang sa taong namayapa at makiramay sa naiwang pamilya. Pagsasalaysay naman ni Jay*, “May mga panahon na ako ay naaawa ngunit kailangan ko din magpakatatag para makaisip ng iba pang gagawin para sa ibang pasyente na lumalaban din sa sakit na ito.”
Sa ilang taon nilang pagseserbisyo bilang mga frontliner, naging bahagi sina Chi* at Jay* ng iba’t ibang kuwento ng muling pagbangon at huling pamamaalam. Mula sa pagiging saksi sa isang inang nagsilang ng bagong buhay, hanggang sa pananatili sa tabi ng isang pasyenteng lumalaban para sa natitira pa nilang buhay—hinuhulma ng mga pagkakataong ito ang kanilang tapang at malasakit.
Himig ng pangamba
Likas sa uri ng propesyon ng mga frontliner ang magdamag na pagtatrabaho—mula sa pangungumusta ng araw hanggang sa pagsilip ng buwan sa kalangitan. Gayunpaman, halos manghingi ng himala sina Chi* at Jay* makahanap lamang ng sapat na pahinga sapagkat bitbit pa rin nila ang kanilang mga gawain hanggang sa pag-uwi nila sa kani-kanilang tahanan. “Kahit na meron akong sampung araw matapos ang limang araw na duty para makapagpahinga, masasabi ko na hindi pa rin ito sapat dahil lahat ng trabaho ay dinadala na sa bahay. Hindi lang kasi paggagamot ang ginagawa namin, may mga paper works pa na dapat tapusin,” pagpapaliwanag ni Jay* sa APP.
Higit pang nadagdagan ang mga pagsubok at pangambang kanilang kinahaharap ngayong may pandemya. Bilang mga frontliner, isa sa kanilang responsibilidad ang pagsunod sa patakarang pagsasailalim sa dalawang linggong self-quarantine bago muling makauwi sa sariling tahanan. “Sobrang naapektuhan nito ang aking personal na buhay sapagkat ako ay naging takot at puno ng pangamba hindi lang para sa aking sarili kundi para sa mga taong nasa paligid ko lalo na para sa aking pamilya,” pagbabahagi ni Chi* sa APP. Pinapabatid lamang nito na karugtong ng kanilang iniindang pagod ang matinding pag-iingat at pananabik sa kanilang mga mahal sa buhay—patunay lamang na dugo at pawis ang mga sangkap na bumubuo sa kanilang paggampan sa mga responsibilidad na kaakibat ng kanilang pagsuong sa unos na hatid ng pandemya.
Sa kabila nito, patuloy pa ring pinaiingay ng mga frontliner ang kanilang daing ukol sa kakulangan ng tulong at suporta mula sa gobyerno. Nabanggit ni Chi* sa APP na hindi pa rin umano naiaabot sa mga tulad niyang nars ang mga benepisyong ipinangako sa kanila. Gayunpaman, patuloy pa rin ang paglayag ng kanilang kagitingan sa pamamagitan ng pag-alay ng sariling kakayahan at karunungan sa larangan ng medisina bilang mga tinitingalang bayani sa panahon ng pandemya.
Sa pagitan ng tagumpay at katapusan
Hindi tiyak ang kaligtasan ng sinoman sa kaniyang pagsabak sa digma ng buhay at kamatayan. Kaakibat nito ang pagpataw ng pananagutan sa mga mapagkalingang kamay na may tungkuling magligtas ng buhay ng iba. Nadarama rito ang tindi ng hamong nagtatago sa lalim ng tusok ng mga karayom at haba ng mga tahi. Armado man ang mga nars at doktor na may gamot at makinang katulong sa pagsalba ng hiningang hapo, may hangganan pa rin ang kanilang kakayahan. Kaaakibat man ng mga puting uniporme ang pag-asang nakapagbibigay ng isa pang paghinga at tiyansang muling maimulat ang mga mata, maituturing pa ring isang mapanganib na pakikipagsapalaran ang pakikipaglaban sa kamatayan.
Sa paglubog ng araw, mahalagang alalahaning may iba rin silang katayuan at tungkulin bukod sa pagiging bayaning may puting kapa. Hindi maikakailang mabigat ang responsibilidad na nakaatang sa kanilang mga kamay kaya nararapat lamang na pagpugayan ang kanilang kagitingan at katapangan sa patuloy nilang paninindigan sa propesyong oras at sakripisyo ang puhunan.
Matapos ang ilang oras na pagbibigay-serbisyo at pagkalinga sa kanilang mga pasyente, walang humpay pa ring inaalay nina Chi* at Jay* ang kanilang buong puso at sarili sa bokasyong napili. Palagi man nilang nasisilayan ang katapusan at iba’t ibang kuwento ng pamamaalam, higit pa rin ang ligayang bumabalot sa kanila sa tuwing nakatutulong sa mga nangangailangan at nakapagbibigay ng sapat na pangangalaga sa kalusugan ng mga umaasa sa kanilang kakayahan.
*hindi tunay na pangalan