Hindi pa man natatapos ang kalbaryo ng mga Pilipino dahil sa Coronavirus disease 2019, sinabayan pa ito ng limang magkakasunod na bagyo sa huling kwarter ng taon. Doble-dobleng hirap at pasakit pa ang dinaranas ngayon ng sambayanan dahil sa palyadong pamamahala ng administrasyon.
Sa mga ulat na isinapubliko ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC), tinatayang 522,600 pamilyang Pilipino, partikular sa bayan ng Bicol at Catanduanes, ang lubos na naapektuhan ng Super Typhoon Rolly. Humigit-kumulang apat na milyong Pilipino naman mula sa 6,644 na barangay ang hinagupit ng bagyong Ulysses kasama ang kalunos-lunos na pangyayari sa Cagayan at Isabela.
Bilang pagtugon, tinatayang Php101,038,718.34 na kabuuang tulong ang naibigay ng mga non-governmental organization, Department of Social Welfare and Development, Department of Health, at mga lokal na pamahalaan para sa mga nasalanta ng bagyong Rolly, habang Php131,066,121.03 naman ang naipaabot sa mga naapektuhan ng bagyong Ulysses. Para sa Pangulong Rodrigo Duterte at mga kaalyado nito, sapat na umano ang ginawa ng administrasyon bilang paghahanda at pagtugon sa mga epekto ng nagdaang mga kalamidad, ngunit, taliwas ito sa nasaksihan ng taumbayan.
Bilang ikalimang bagyo na ang Ulysses sa huling kwarter ng taon, hindi ba dapat mas handa na ang gobyerno sa pagtugon dito? Maagap na aksyon at kongkretong solusyon nga ba ang naipaabot nito sa mga nahagupit ng nasabing bagyo? Malayong-malayo sa oo ang sagot.
Kaisa ang Ang Pahayagang Plaridel sa pagkondena sa palyadong pamamahala at sali-saliwang priyoridad ng administrasyong Duterte. Kasuklam-suklam ang nag-uumapaw na pagkukulang nito; isang patunay na hindi kapakanan ng mga Pilipino ang kanilang pangunahing priyoridad. Sa panahon ng pandemya at kalamidad, kongkretong plano, maagap na pagtugon, at epektibong aksyon ang kailangan ng mga nasalanta nating kababayan. Nararapat na ring tuldukan ang pagkukubli ng gobyerno sa “Filipino resiliency”. Nararapat na panindigan nila ang kanilang mandato at huwag ilagay sa masa ang sisi. Nasa gobyerno ang kapangyarihan, sa kanila rin ang ganap na pananagutan.
Tama na ang pamumulitika’t paninira sa mga taong itinuturing na kalaban ng administrasyon. Nangangailangan ang bansa ng isang pangulong sensitibo sa daing ng taumbayan, hindi sa mga kritiko lang nito. Sawa na ang taumbayan sa malalabnaw na pangako at sa maiikling talumpati na wala namang kongkretong dulot. Pananagutan ang kailangan ngayon ng taumbayan!